0

Mga Kaibigan kong Muslim na Minamahal ng Diyos

Posted on Sunday, 7 January 2018

Ang Mga Kaibigan kong Muslim na Minamahal ng Diyos
Ni Apolinario Villalobos

Tuwing kakain ako sa isa sa mga paborito kong roadside Muslim carinderia, hindi maaaring hindi kami magkatuwaan ng pamilya ng mag-asawang may-ari. Dahil nalibang ako sa pakikipagkuwentuhan sa kanila isang umaga, hindi ko namalayang nakaubos ako ng piniritong dalawang tilapia na medium sized, apat na hiwa ng bangus, dalawang balot na pastil, isang pinggan na tutong (libre), at dalawang mugs na kape….nakakahiya, pero wala akong magawa, yon nga lang naempatso ako. Actually, ginawa ko yon para madagdagan ang kita nang may maipambayad sila sa Bombay kinabukasan

Tatlo ang ampon ng mag-asawa na pinag-aaral nila sa abot ng kanilang makakaya. Ang isa ay may magandang boses (sa isa sa mga larawan ay ang may hawak na pusa at pula ang damit). Pinagmalupitan daw sila ng dating tinirhan nilang kamag-anak at halos hindi pinapakain kaya ipinuslit nilang mag-asawa upang maalagaan at mapag-aral. Barung-barong ang kanilang tinitirhan at ang kanilang lutuan ay walang bubong. Sa palagay ko ay tumutulo pa ang bubong ng kanilang tulugan dahil pinagtagpi-tagpi lang na yero at plastic tarps. Sa halip na gumastos daw kasi sa pagpapabubong ng lutuan, inuuna muna nila ang mga pangangailangan ng mga bata tulad ng damit at baon, dahil lahat ay nag-aaral. Ang bunsong anak na lalaki ay oversized ang t-shirt na damit nang umagang yon na halatang pag-aari ng tatay niya na sa larawan ay walang t-shirt man lang. Ang analysis ko ay pinasuot ng tatay ang t-shirt niya sa anak…baligtad pa!

Araw-araw ay may pinapakain din silang “pandita” at mga pusang namamasyal sa kanila. Bukod sa pagpapakain sa “pandita” ay binibigyan pa nila ito ng pera dahil nagdadasal ito sa puwesto kasama nila, bago siya umalis. “Blessings” ang turing nila sa lahat ng dumadating sa kanilang buhay kahit halos hindi sumasapat ang kanilang kinikita, na ang patunay ay ang pagpapabalik nila sa naniningil na Bombay kinabukasan dahil wala pa silang pambayad sa inutang na pera. Bilib ako sa ama ng pamilya dahil sa prinsipyo niyang kahit kaunti lang daw ang matira sa araw-araw na kinikita, kung may nangangailangan, ay dapat daw tulungan. Alam kong nakikita ng Diyos ang ginagawa nila at ang kanilang magandang kalooban ay siguradong matutumbasan ng tulong balang araw….magagawan ng paraan.


Ang mga tulad nilang masasayang tao sa kabila ng kakapusan ang nagpapaalala sa akin ng mga kaibigan ko sa Tondo. Pakiramdam ko, makakain lang ako ng tinitinda nila ay para na rin akong “blessed”….sila ang gusto kong tawaging mga “minamahal ng Diyos”.






Discussion

Leave a response