Showing posts with label Gloria Macapagal Arroyo. Show all posts

0

Ang Pagtatakip ng Anomalya at Paghuhugas-kamay ng Sangkot

Posted on Saturday, 6 September 2014



Ang Pagtatakip ng Anomalya
At Paghuhugas-Kamay ng Sangkot
Ni Apolinario Villalobos

Ang seryosong nakikinig sa mga hearing tungkol sa anomalya sa gobyerno ay naiinis sa mga kaalyado ng mga nasangkot, at ng mismong nasangkot dahil sa iisang deklarasyon na sobrang gasgas na. Ito ay ang tungkol sa kawalan daw  nila ng “direktang aksiyon” upang gawin ang anomalya lalo na sa pag-abot ng pera. Sino ba namang tangang involved sa anomalya ang mismong mag-aabot ng suhol? Sino ba namang tangang involved ang maglalagay ng pangalan niya sa mga dokumentong ginamit sa anomalya? Kaya sila may lakas ng loob na gumawa ng anomalya ay dahil kumpleto sila sa mga payo kung paanong gawin ang pagnanakaw, at kasama na dito ay paggamit ng mga tao at mga paraan kung paanong mawala ang pangalan nila sa “paper trail”. Yan ang bentaha ng may kaalaman sa abogasya.

Sa mga sinasabi nilang corrupt sa gobyerno tulad ni Ferdinand Marcos at Gloria Arroyo, may nakapapagpatunay ba na personal silang nag-abot ng “lagay”? Sa pag-imbistiga, ang hinahanap ay “involvement” sa anumang paraan at hindi direktang pag-abot ng pera o paglagay ng pangalan sa mga dokumentong ginamit.

Sa pagpapatunay kung may nagawang ilegal ang isang tao, lalo na ng opisyal sa gobyerno, maraming bagay ang pinagbabasehan. Ang isang sitwasyon ay ang kasalukuyang pag-iimbestiga kay Napoles. Pinagpipilitan niyang wala siyang inabutan ng pera at wala ang pangalan niya sa alin mang dokumento. Subalit siya mismo ang nagsabi na may nagturo sa kanya kung ano ang gagawin upang pagkitaan ang pork barrel. Lalo siyang nadiin ng mga sinabi ng mga dati niyang tauhan na buong tapat na involved sila kaya alam nila ang kalakaran.

Sa kaso naman ng inaakusahang Bise-Presidente Binay, mismong mga dati niyang tauhan ang nagsabi kung paanong ipaabot sa kanila ang mga instruction, sa pamamagitan ng mismong City Engineer tuwing magdadaos ng bidding. Hindi maaaring sabihin na sariling diskarte ng engineer ang pagbigay ng instruction at pag-abot ng “allowance” dahil lahat ng desisyon at galaw niya ay batay sa kagustuhan ng nakatataas sa kanya. May final signatory sa mga dokumento at alam ng engineer kung sino ito. Subalit may pagkakataon pa rin naman ang partido ni Bise-Presidente Binay na ipagpilitan ang kanyang pagka-inosente, at tuloy, makapaghugas-kamay.

Kung malinis ang isang pinuno, wala ni isa mang tauhan nito ang makakaisip na  gumawa ng anomalya dahil magsisilipan sila at magkakanya-kanya sila ng sumbong kung sakali. Pero dahil sa kasabihang walang baho na hindi umaalingasaw, kahit may kutsabahan na kinasasangkutan na rin ng pinuno, talagang magkakabistuhan ng mga ginawang kalokohan sa katagalan at lalung- lalo  na kung ang nag-aakusa ay may pansariling motibo na may kinalaman sa pulitika. Kaya maraming kasong mga patayan ng mga tao sa gobyerno “dahil marami na silang alam” – mga kasong kinalimutan na lamang.

Hindi na rin magandang pakinggan ang dahilan ng mga iniimbistigahang sangkot  sa mga anomalya na sila ay pinupulitika lamang dahil kung ayaw nilang madungisan ang pangalan nila, hindi na sila dapat pumasok sa larangang ito na mula at sapul ay alam na ng lahat na talagang marumi, at kung saan ay talamak ang nakawan, siraan ng pangalan at pagkukunwari. Sagutin na lang nila ang mga binabatong akusasyon upang patunayang “malinis” sila.  Tumigil na sila sa pag-aakalang tanga pa rin ang mga Pilipino. Sa panahon ngayon, tanga lang ang magsasabi na kaya siya pumasok sa pulikita ay gusto niyang maglingkod sa bayan. Kaya sana ang mga pulitiko ay tumigil na sa pagmaang-maangan…. tumahimik habang nagtatrabaho, dahil bawat salita nila ay nagsisilbing pabigat upang lalo silang lumubog sa kumunoy ng kasalanan!

0

Huwag Ismulin ang Maliliit

Posted on Tuesday, 24 June 2014



Huwag Ismulin ang Maliliit
Ni Apolinario Villalobos

Kung meron mang dapat pasalamatan sa pagkabunyag ng dambuhalang PDAF scam, ay walang iba kundi ang maliit na personal na away ng magpinsang Janet Lim Napoles at Benhur Luy. Simple lang naman sana ang away nila na nag-ugat sa hinalang gulangan. Nakiayon kay Luy ang iba pang tauhan ni Napoles  at naglabas na rin ng mga hinaing tulad ng hindi nila pagtanggap ng angkop na bahagi ng mga nakulimbat nilang pera. May nagsabi na maski Christmas bonus ay halos ayaw ibigay sa kanila, at kung magbigay man ay kakarampot, ganoong kung mamahagi si Napoles sa ibang tao ay halos walang humpay.

Ito marahil ngayon ang hindi nakakapagpatulog kay Napoles na abot- langit ang pagsisisi dahil sa abot-langit din niyang kaduhapangan sa salapi…pero huli na.  Ang mga hiningi lang naman sana ng mga tauhan niya ay barya kung ihahambing sa mga nakulimbat nila – mga butal ng bungkos-bungkos na perang naipon sa tagal ng panahong pagnanakaw sa kaban ng bayan. Ang mga pulitikong sangkot na nabisto, maaaring nagngingitngit sa galit, at kung nakamamatay lang siguro ang pagmumura, matagal nang nangisay si Napoles, sa dami ng nagmumura sa kanya!

Ito ay isang malaking leksiyon, na hindi dapat ismulin ang anumang maliit. Alalahanin na nakakapuwing ang isang butil ng alikabok. Maraming maliliit na naging dambuhala sa kasaysayan. Nariyan si Napoleon Bonaparte, si Adolf Hitler, si Gloria Macapagal Arroyo…mga naging dambuhala dahil sa mga kahindik-hindik na paraan ng kanilang pamumuno, tulad ng pagmamalupit, pagpatay at kaso ng pagnakaw. Si Mother Theresa ay maliit ding babae, wala pa halos limang piye, subali’t naging dambuhala sa kanyang pagmamahal sa kapwa hanggang sa kanyang katandaan, kaya naging santo.

Ang mga kuto na maliit ay nakakapagdulot ng pinsala kapag ito ay hindi naapula. Gagawin nitong baku-bako ang ulong ginawa nilang “colony”. May isang klase ng kuto naman na namumuhay sa bigas, kaya libong sako ng mga naimbak na mga ito ang pinagtatapon na lang dahil hindi naipamahagi sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda. Ang hinala ng iba, nagkaubusan yata ng mga plastik bag na may tatak na DSW kaya hindi narepak!

Ang mga kinatatakutan ng buong mundo ay ang halos hindi makitang mga mikrobyo, mga virus, na masambit lang ang pangalan ay nagpapatayo na ng balahibo. Ang mga ito ay dapat ipagbalewala dahil nakatala sa kasaysayan ang pagkalipol ng milyon-milyong tao dahil sa paglipana ng mga ito, at hindi nasawata dahil sa kakulangan sa kaalaman sa medisina.

Si Nora Aunor na hanggang ngayon ay may bitbit na kamalasan kaya nalampasan na naman ng pagkakataon upang mahirang na National Artist ay maliit din, subalit dambuhala ang kasikatan dahil sa ginintuang boses at kahusayan sa pag-arte. Malamang umiral na naman ang pulitika kaya hindi na naman siya nahirang. Close kasi siya kay Joseph Estrada. At, may nagsabi na karamihan yata sa mga involved sa pagpili ay maka-Vilma, kaya sori na lang si Nora!

Marami pang bagay na maliliit na hindi dapat ismulin dahil may kasabihang ang isang malaki ay nagsisimula sa maliit….walang piso kung walang mga sentimo. Ang masama lang, may mga maliliit na hangarin na naging dambuhala. Tulad ng hangaring maging Presidente ng Homeowners’ Association, na naging hangarin upang maging Barangay Chairman, na naging hangaring maging Mayor, na naging hangaring maging Gobernador, na naging hangaring maging Kongresman o Senador, hanggang umabot sa hangaring maging Presidente kaya nakaisip kung paanong mag-fund raising sa pinakamabilis na paraan upang may panggastos sa eleksiyon. Ang ending…”pagtira” sa isang maliit na kwarto. Hindi ito kulungan na kung ituring para sa mahihirap ay “ob-lo”. Ang maliit na kwarto ay kumpleto rin naman, pati nga mga gwardiya may mahahaba pang baril. Yan ang resulta ng hinangad na pangarap…nagsimula sa maliit.

Kaya, ang taong hindi marunong mangalaga ng maski anong maliit na hangarin ay napipinsala…na ang kapalit ay pagsisising walang katapusan…hanggang kamatayan… dahil nawalan na ng pera, nasira pa ang pinakaiingat-ingatang pangalan… hindi makakalimutan ng taong bayan, dahil nakatala sa kasaysayan!