Ang Pagtatakip ng Anomalya at Paghuhugas-kamay ng Sangkot
Posted on Saturday, 6 September 2014
Ang Pagtatakip ng
Anomalya
At Paghuhugas-Kamay
ng Sangkot
Ni Apolinario Villalobos
Ang seryosong nakikinig sa mga hearing tungkol sa anomalya
sa gobyerno ay naiinis sa mga kaalyado ng mga nasangkot, at ng mismong
nasangkot dahil sa iisang deklarasyon na sobrang gasgas na. Ito ay ang tungkol
sa kawalan daw nila ng “direktang
aksiyon” upang gawin ang anomalya lalo na sa pag-abot ng pera. Sino ba namang
tangang involved sa anomalya ang mismong mag-aabot ng suhol? Sino ba namang
tangang involved ang maglalagay ng pangalan niya sa mga dokumentong ginamit sa
anomalya? Kaya sila may lakas ng loob na gumawa ng anomalya ay dahil kumpleto
sila sa mga payo kung paanong gawin ang pagnanakaw, at kasama na dito ay paggamit
ng mga tao at mga paraan kung paanong mawala ang pangalan nila sa “paper
trail”. Yan ang bentaha ng may kaalaman sa abogasya.
Sa mga sinasabi nilang corrupt sa gobyerno tulad ni
Ferdinand Marcos at Gloria Arroyo, may nakapapagpatunay ba na personal silang
nag-abot ng “lagay”? Sa pag-imbistiga, ang hinahanap ay “involvement” sa
anumang paraan at hindi direktang pag-abot ng pera o paglagay ng pangalan sa
mga dokumentong ginamit.
Sa pagpapatunay kung may nagawang ilegal ang isang tao, lalo
na ng opisyal sa gobyerno, maraming bagay ang pinagbabasehan. Ang isang
sitwasyon ay ang kasalukuyang pag-iimbestiga kay Napoles. Pinagpipilitan niyang
wala siyang inabutan ng pera at wala ang pangalan niya sa alin mang dokumento.
Subalit siya mismo ang nagsabi na may nagturo sa kanya kung ano ang gagawin
upang pagkitaan ang pork barrel. Lalo siyang nadiin ng mga sinabi ng mga dati
niyang tauhan na buong tapat na involved sila kaya alam nila ang kalakaran.
Sa kaso naman ng inaakusahang Bise-Presidente Binay, mismong
mga dati niyang tauhan ang nagsabi kung paanong ipaabot sa kanila ang mga
instruction, sa pamamagitan ng mismong City Engineer tuwing magdadaos ng
bidding. Hindi maaaring sabihin na sariling diskarte ng engineer ang pagbigay
ng instruction at pag-abot ng “allowance” dahil lahat ng desisyon at galaw niya
ay batay sa kagustuhan ng nakatataas sa kanya. May final signatory sa mga
dokumento at alam ng engineer kung sino ito. Subalit may pagkakataon pa rin
naman ang partido ni Bise-Presidente Binay na ipagpilitan ang kanyang
pagka-inosente, at tuloy, makapaghugas-kamay.
Kung malinis ang isang pinuno, wala ni isa mang tauhan nito
ang makakaisip na gumawa ng anomalya
dahil magsisilipan sila at magkakanya-kanya sila ng sumbong kung sakali. Pero
dahil sa kasabihang walang baho na hindi umaalingasaw, kahit may kutsabahan na
kinasasangkutan na rin ng pinuno, talagang magkakabistuhan ng mga ginawang
kalokohan sa katagalan at lalung- lalo
na kung ang nag-aakusa ay may pansariling motibo na may kinalaman sa
pulitika. Kaya maraming kasong mga patayan ng mga tao sa gobyerno “dahil marami
na silang alam” – mga kasong kinalimutan na lamang.
Hindi na rin magandang pakinggan ang dahilan ng mga
iniimbistigahang sangkot sa mga anomalya
na sila ay pinupulitika lamang dahil kung ayaw nilang madungisan ang pangalan
nila, hindi na sila dapat pumasok sa larangang ito na mula at sapul ay alam na
ng lahat na talagang marumi, at kung saan ay talamak ang nakawan, siraan ng
pangalan at pagkukunwari. Sagutin na lang nila ang mga binabatong akusasyon
upang patunayang “malinis” sila. Tumigil
na sila sa pag-aakalang tanga pa rin ang mga Pilipino. Sa panahon ngayon, tanga
lang ang magsasabi na kaya siya pumasok sa pulikita ay gusto niyang maglingkod
sa bayan. Kaya sana ang mga pulitiko ay tumigil na sa pagmaang-maangan….
tumahimik habang nagtatrabaho, dahil bawat salita nila ay nagsisilbing pabigat
upang lalo silang lumubog sa kumunoy ng kasalanan!
Discussion