0

Kapos na nga Sa Murang Bigas, Nagkakalokohan Pa!

Posted on Tuesday, 16 September 2014



Kapos na nga sa Murang Bigas
Nagkakalokohan pa!
Ni Apolinario Villalobos

Nang pasyalan ko ang kaibigan ko sa isang squatters’ area, nadatnan kong nagluluto ng lugaw ang niya misis para sa kanyang pamilya – silang mag-asawa at apat na anak. Naglabas siya ng himutok sa pagsabi na ang nabibili daw nilang NFA rice ay dalawang kilo lang sa isang bilihan o at one time, dahil yon daw ang maximum na mabibili. Regulasyon daw. Kaya ang nangyayari, halimbawang nakabili sa umaga, kailangang pumila pagdating ng hapon uli – kung bukas pa ang tindahan na may NFA rice, kaya gagastos na naman ng pamasahe sa pagpunta sa palengke.

Ang mga regular rice stores na commercial rice ang binibenta at nabigyan ng lisensiyang magbenta ng NFA rice ay iisang kilo lang ang dapat ibenta, at may limitasyon din sa pagbenta – apat na sako lang daw na NFA rice sa isang araw.  Sa nangyayari, wala ring silbi ang kamurahan ng NFA rice dahil ang mga mamimili, talo na sa gastos sa pamasahe at pagsayang ng panahon sa mahabang pilahan. At ang masakit pa sabi ng misis, may charge na piso ang manipis na plastic na pinambalot ng bigas kaya sa bawat kilo ay may dagdag na piso ang babayaran, bale sa isang bilihan ng dalawang kilo, dalawang piso din ang dagdag gastos. Yong ibang tiwaling regular NFA rice retailers gumagamit ng kulay brown na papel na supot at naka-tape na kaya hindi malalaman kung ang nasa loob ng supot ay may halong binlid o durog na bigas na panghayop! Malalaman na lang ng kawawang bumili pagdating sa bahay kung bubuksan ang supot. Ano pa ang gagawin niya? …alanganin namang mamamasahe ulit upang ibalik sa palengke at makikipag-away sa nagbenta!

Idagdag pa rito ang maagang pagsara ng mga tindahan na nagtitinda ng NFA rice nang maaga, na yong iba ay hindi inaabot ng tanghali, dahil ang sinasabi, ubos na raw…ganoong kita naman ang patung-patong mga sako pa ng bigas sa loob ng pwesto!

Isang araw, may pinuntahan akong dalawang palengke kung totoo ang sinabi sa akin. Umaga pa lang pumunta na ako sa isang palengke. Yong regular NFA outlet, alas otso na nang umaga, sarado pa. Naghintay ako hanggang magbukas bandang alas nuwebe ng umaga, marami na ang nag-aabang, kaya nang magbukas, medyo magulo na. Bumil rin ako kaya napatunayan ko ang dagdag na dalawang pisong halaga ng manipis at maliit na plastic na nilagyan ng nakilo nang bigas. Sa isang palengkeng binilhan ko naman, gumagamit nga ng brown na supot at nang buksan ko pagdating ng bahay, maraming durog!  Iyan ang tunay na sitwasyon…wala nan gang  bumabahang bigas na panlaban daw sa commercial rice upang mapilitang maibaba ang mga presyo ng mga ito, nagkakalokohan pa. Iyan ang nagpapakita ng hantad ng pagsisinungaling ng Malakanyang, Department of Agriculture at National Food Authority. Hanggang kaylan lolokohin ng mga taong ito pamahalaan ang mga kawawang Pilipino?

Sa halip na murang bigas ang bumaha, ang bumabaha ang kasinungalingang ng mga opisyal ng mga naturang ahensiya at Malakanyang. Ang pagbaha ng mga kasinungalingan nila ay unti-unting naglulunod sa mga Pilipino, na sisinghap-singhap na sa kahirapan!

Discussion

Leave a response