Ang Pagpapa-angat sa Sarili
Posted on Wednesday, 24 September 2014
Ang
Pagpapa-angat sa Sarili
Ni Apolinario Villalobos
Para umangat ang sarili, tatlong bagay ang
dapat mangyari. Una, magtrabaho nang
maayos at gumawa ng kabutihan ng buong pagpapakumbaba, at hayaan ang ibang tao
ang pumuri. Pangalawa, manira ng kapwa upang magamit silang tuntungan upang
umangat. At pangatlo, magyabang ng halos tungkol sa lahat ng bagay na nagawa
kahi’t maliwanag na puro kasinungalingan
na magsisilbing “hangin” upang magpalobo sa ulo na siya namang magbibigay
ng pakiramdam na nakalutang sa alapaap.
Sa ginagawa ng kasalukuyang presidente ng
Pilipinas na parang sirang plaka sa paninira sa dating presidenteng Gloria
Arroyo, nangyayari sa kanya ang pangalawang nabanggit – tinutuntungan niya ang
dating presidente Arroyo upang siya ay umangat. At sa ginagawa niyang parang
sirang plaka pa rin sa pagbanggit ng mga proyekto na inireport sa kanya ng
kanyang mga sekretaryo na animo ay “mission accomplished”, pero puro naman pala
palpak, ay nangyayari sa kanya ang pangatlong nabanggit na bagay – nagyayabang
ng puro kasinungalingang nagpapalobo ng kanyang ulo kaya pakiramdam niya ay isa
siyang matagumpay na presidente!
Puro si Arroyo ang binabanggit niyang
maraming mali na namana niya. Dapat ay banggitin rin niya ang mga kamalian ng
mas naunang mga presidente, magmula kay Marcos, sa nanay niyang si Cory, si
Ramos, si Estrada, at tuloy na kay Arroyo. Bukambibig kasi niya ang salitang
“namana”, kaya dapat lubusin na niya ang pagngangalngal tungkol sa mga namana
niyang problema. Dapat niyang isipin na ang mga problema ng bansa ngayon ay MGA
NAIPONG PROBLEMA NA LALONG NADAGDAGAN NGAYONG KAPANAHUNAN NIYA!. Dito
napatunayang walang bahong hindi sisingaw, at lalong bumantot ang mga kabulukan
dahil sa halip na supilin niya ay binabalewala lang niya sa pamamagitan ng
pagpuri pa sa mga alalay niyang may mga mali rin kaya lalong nadadagdagan ang
mga problema.
Dahil sa kapabayaan niya, nalagay sa
kahihiyan ang Pilipinas nang salaulain ng kanyang administrasyon ang mga
donasyon mula sa ibang bansa para sa mga biktima ng typhoon Yolanda. Malinaw
ang mga ebidensiyang pati mga materyales na pampagawa ng mga pansamantalang
tirahan ng mga evacuees, ay pinagkitaan, subali’t wala pa rin siyang ginawang
paninita sa mga ahensiyang sangkot. Hindi pinamudmod nang lubusan ang mga
donasyon, sa halip ay itinago sa Cebu kaya nagkandabulukan at ninakaw pa. Kita
naman sa CCTV kung sino ang nagnakaw, pero ang sekretarya niya ng DSW,
nakangiti pa nang interbyuhin na parang wala lang, at ang sabi ay marami na rin
naman daw ang naipamigay na! Dinagdagan pa na ang bigas daw ay nabasa lang…eh,
saan hahantong ito, hindi ba sa pagkabulok?
Ang kaso ng MRT na mismong ang banyagang
bidder na isa ring diplomat ang nagbunyag ng corruption, binalewala niya. Kung
hindi pa pinilit ng ibang sector si Vitangcol na mag-resign, kapit tuko pa rin
sana sa pwesto. Kinasuhan daw…may nangyari ba? Ngayon nakikita ang mga resulta
ng kapalpakan sa MRT, na wala palang matinong maintenance at ang bidding para
sa ahensiyang gagawa nito ay kaylan lang sinimulan! Samantala…ang mga commuters
ay nakanganga…nagdudusa!
Sa isyu ng seguridad, maayos naman daw
dahil kung ilang beses niyang pinuri-puri si Purisima na mas inaasikaso daw ang
pagpapaganda….ng tirahan sa Crame! At ito namang binibiliban niyang hepe ng mga
pulis, dadalawang beses lang nakitang nagsalita sa TV – malamya pa…wala man
lang lakas ang mensahe na para bang nakikiusap. Ni hindi nagpapa-interview sa
radyo upang malaman kung ano ba talaga ang nangyayari, kung bakit dumarami ang
krimen at kung ano ang balak niya bilang hepe. Takot yatang may mga masagasaan
at siya at buweltahan…ng below ng belt!
Kung ililista ang mga kapalpakan ng
administrasyon, isang nobela ang mabubuo, at ang magandang titulo – “MGA HIBANG
NA LASING SA KAPANGYARIHAN”….puwede rin, “ANG MGA MAKAKAPAL NA MUKHA”.
Discussion