Si Ferdinand Marcos, si Noynoy Aquino, si Jejomar Binay, at Mga Iba Pa
Posted on Friday, 26 September 2014
Si
Ferdinand Marcos, si Noynoy Aquino,
Si
Jejomar Binay, at Mga Iba Pa
Ni Apolinario Villalobos
“We
practically own everything in the Philippines, from electricity,
telecommunications, airline, banking, beer and tobacco, newspaper publishing,
television stations, shipping, oil and mind, hotels and beach resorts, down to
coconut milling, small farms, real estate and insurance.”- Imelda R. Marcos.
Ang quotation sa itaas ay kinopya ko lamang
sa isa sa mga naunang pahina ng libro ni Jovito R. Salonga, na ang titulo ay “Presidential Plunder”. Hindi maiwasang
hindi magbalik –tanaw sa panahon ng dating Presidente Marcos na naging diktador
upang manatili sa puwesto, sa kabila ng pag-iingay ng taong bayan na siya ay
bumaba na, dahil sa matinding korapsyon sa kanyang administrasyon. Sa panahon
ngayon kasi, dalawang sitwasyon ang matiim na sinusubaybayan ng mga Pilipino.
Ang isa ay ang isang sitwasyon ng Presidente Pnoy na pabago-bago ng salita
tungkol sa kanyang termino, at ang palaging sinasabi ay makikinig daw siya sa
mga “boss” niya kung kailangang ipagpatuloy ang mga “repormang” ginawa niya.
Ang isa pang sitwasyon ay kinasasangkutan naman ng Bise-Presidente Binay na
nagkamal daw ng yaman sa maling paraan sa loob ng kanyang panunungkulan sa
Makati City bilang Mayor, at mariin naman niyang pinabubulaanan.
Sa kamalasan, inuulit ng dalawang pinakamataas na opisyal ng
Pilipinas ang mga kinasusuklaman ng mga Pilipino na ginawa ni Marcos kaya ito
napatalsik sa pwesto. Dahil sa angking talino, akala ni Marcos ay hawak na niya
sa kanyang palad ang pagkatao ng mga Pilipino, sa kabuuhan. Marami nga siyang
ginawa tulad ng mga nakatayong istrukturang Cultural Center of the Philippines,
Folk Arts Theater, Philippine International Conventions Center, mga
dalubhasaang ospital para sa puso, baga at bato, pagpapalawak ng PGH, at marami
pang iba, subali’t batay sa mga imbestigasyong ginawa, pinagkitaan din daw naman niya ang mga ito. Nakikita ang gawing
ito sa mga proyekto ni Bise-Presidente Binay, sa Makati noong siya pa ang mayor
dito. Nauulit yata ang style. Walang karapatan si Binay na magsabing malaki ang
nagawa niya sa Makati. Pero dapat sana niyang isipin na trabaho niya ang
magsilbi sa mga tao ng Makati. Ginusto niya ito, kaya hindi siya dapat manumbat.
Malalaki ang proyektong pinagawa, na sabi ng mga whistle blowers ay upang
malaki rin daw ang kita. Paano na daw kung maging Presidente ito ng Pilipinas na
siya nitong ambisyon? Tulad ni Marcos, si Binay ay abogado din…talagang
pinaghandaan niya ang sinuong niya.
Sa pagpapalawig naman ng termino, ang
hangarin ay namumuo yata sa diwa ni Presidente Pnoy, dahil ang paniwala niya,
magaling siya sa pagpapatakbo ng Pilipinas, ganoong hantad na hantad naman ang
paghihirap ng mga Pilipino. Kandahilo ang mga tao sa paghanap ng mga sinasabi
niyang mga pagbabago. Ganitong-ganito din ang nangyari noong panahon ni Marcos.
Binusog ng mga report at istatistika ang mundo at mismong Pilipino tungkol sa
pag-usad daw ng bansa dahil sa konsepto ng “Bagong Lipunan”. Subali’t ang
katotohanan, ang tumatamasa lang noon ng kaginhawahan ay mga kaalyado ni
Marcos. Sa panahon niya nauso ang kasabihang “what are we in power for….” na
tumutukoy sa kanyang mga kaalyado na talagang nagpakasasa sa magandang
pagkakataong dulot niya bilang sandalan nila. Nauulit na naman yata ngayon sa
kasalukuyang panahon.
Sa kabila ng nagdudumilat ng katotohanan na
nagpapakita ng mga bulilyaso ng mga kaalyado ni President Pnoy, tuloy pa rin
siya sa pagbubulag-bulagan at pagbibingi-bingihan. Paulit-ulit niyang
sinasambit ang mga suporta sa mga pinagdududahang mga tauhan sa kabinete.
Pinupuri pa niya ang mga report ng mga ito tungkol sa mga proyektong palpak
naman. Ngayon, mismong Ombudsman na ang nagdeklarang dapat imbestigahan si DOTC
Secretary Abaya, Vitangcol at marami pang iba dahil sa mga tiwaling ginawa nila
tungkol sa pagpapatakbo ng MRT. Sa deklarasyong ito ng mismong Ombudsman,
parang sinampal ng malakas ang Pangulo! Dapat matauhan na siya!
Nakikita ang mga kapabayaan ng DSW sa
ilalin ni Dinky Soliman na nakangiti pa sa pagsabi na marami na rin daw namang
naipamigay na relief goods, na para bang ibig sabihin niya ay hayaan na lang
ang mga nabulok at ninakaw! Samantala, ang mga dapat na nakinabang subalit
gutom pa rin, ang mga biktima ng bagyong Yolanda ay nagngingitngit sa galit
dahil ginamit lang sila para makakuha ng media mileage ang ahensiya, pati na
ang DILG na wala ring nagawa sa anomalya sa mga materyales para sa temporary
shelters ng mga evacuees. Si Lacson na “czar” daw ng rehabilitation ay walang
kibo, tahimik….bakit kaya? Gayong siya ang unang umihip ng silbato tungkol sa
anomalya!
Nakabalik sa Pilipinas ang pamilya ni
dating Presidente Ferdinand Marcos at nakapasok pa sa pulitika. Samantalang ang
sinasabing nakaw na yaman ay halos hindi mabawi-bawi. Malakas ang ipinarating
nitong mensahe sa mga Pilipino… ibig sabihin, basta magaling ang gumawa ng
katarantaduhan, maaari rin palang lumusot. Napahiya ang mga promotor ng “EDSA
People Power”…saan sila ngayon?...ang mga pari?...ang mga madre?...ang mga
pinagkatiwalaang lider? Nakakahiya, dahil ginamit pa naman ng mga taga-ibang
bansa bilang modelo ang “People Power” nang ipaglaban din nila ang kanilang
adhikain at karapatan. Ito ang naging inspirasyon ng mga labor union ng Poland
at iba pang bansa. Subali’t ang Pilipinas na pasimuno nito ay lubog sa
katiwalian, sa korapsyon! Lumalabas na haggang sa pagsigaw lang ng “ibagsak si
Marcos” ang mga Pilipino! …na wala palang kakayahang magpatuloy ng ipinaglabang
adhikain.
Nakakalungkot isipin na nawalan ng saysay
ang pakikipaglaban ng mga estudyantem mga manggagawa, at mga magsasaka upang
magkaroon ng katarungan at maitayo ang bantayog ng demokrasyang may tatak ng
Pilipino. Ang mga inaasahang dapat na magpapatuloy ng adhikaing nasimulan sa
EDSA ay nangawala na parang bula. At ang sinimulang “People Power”…ngayon ay
ikinahihiya! Nawala ang mga pagyayabang ng mga kasapi noon na nagbida ng
paglalamay at pagtirik nila ng kandila sa EDSA, pagmartsa tungo sa Malakanyang
at Mendiola, at pagsigaw sa Liwasang Bonifacio.
Ang mga Marcos ay isang malaking
halimbawang nagpapakita ng pagka-inutil ng sistema ng demokrasya at hustisya sa
Pilipinas. Ang demokrasya ay isang maganda sanang sistema ng pamumuhay ng tao,
subali’t iba ang naging demokrasya sa Pilipinas. Tinadtad ng butas ng mga mismong
mga pinagkatiwalaan ng mga Pilipino. Ito ang mga taong may mga talinong nakuha
sa malalaking unibersidad sa Pilipinas at ibang panig ng mundo. Sa huli,
gagamitin lamang pala ang kaalamang ito upang manloko ng kanilang kababayan. Ginamit
ng mga tiwali at mga kawatang opisyal upang magpayaman. Dahil sa pasimuno ng
isa, nagsunuran ang iba dahil nakita nila na pwedeng palang “lusutan” ang mga
butas…ang mga naglalakihang butas. Malakas ang loob ng mga pulitiko ngayon na
gayahin ang mga ginawa ni Marcos dahil alam nila na makakalusot din sila!
Puro imbestigasyon ang nangyayari sa mga
tiwaling nagawa. Ang mga nag-iimbistiga at iniimbistiga, puro nagpapayabangan ng
kaalaman nila sa batas na para lang nilang pinaglalaruan, dahil kapag nasukol
na, ang sasabihin lang ay pinupulitika lamang daw sila. Mayayaman na sila kaya
wala silang pakialam kung ang mga “tunay” na mga Pilipino ay magutom. Magkagulo
man sa Pilipinas, “makakauwi” sila sa Amerika o ibang bansa kung saan, may mga
bahay sila. Samantala, habang may mapipiga pang yaman mula sa halos tuyot nang
Pilipinas ay ginagawa nila.
Sa mata ng buong mundo, nakakahiya ang
nangyayari ngayon sa Pilipinas kung saan ay may mga nakawan sa kaban ng bayan… batuhan
ng mga sisi ng mga pulitiko at mga opisyal… at, turuan kung sino ang may
sala…habang ang Pilipino naman, ay mukhang timawa na nakatalungko at
nakatanghod sa isang tabi, kumukulo ang tiyan at luwa na ang mga mata dahil sa
gutom! At sa hindi kalayuan naman ay ang mga buwitreng makapangyarihang bansa
na naghihintay ng tamang panahon upang makapasok sa eksena!
Kung ang mga Katoliko ay nagsasambit ng
“Jesus, Mary and Joseph” sa kanilang dasal upang hingan ng tulong…sa Pilipinas
ngayon, maliban sa tatlong nabanggit, marami pang iba ang nasasambit kung
makakita ng naghihikahos.
Discussion