0

Nakalimutan Yatang Ipa-Lifestyle Check ang mga Binay

Posted on Tuesday, 16 September 2014



Nakalimutan Yatang Ipa-Lifestyle Check
Ang Mga Binay
Ni Apolinario Villalobos

Ang pinakamabilis na paraan upang malaman kung may ginawang pangungurakot ang mga Binay, ay ipa-lifestyle check silang lahat – ang Vice-President, ang senador, ang congresswoman, ang mayor ng Makati at pati na si Mrs. Binay. Ipabulatlat ang mga bank records mula noong sila ay namumuhay ng simple sa isang simple ding bahagi ng Makati. Kung may kulay ng honesty sa mga sinasabi ni Senator Nancy at Vice-President Binay na sila ay pinupulitika lamang, i-volunteer na nila ang pagsiwalat ng kanilang bank records. Isama na rin ang ang pag-imbistiga sa mga bank account ng mga  taong malapit sa kanila na baka ginamit na dummy upang mapaglagakan din, na normal nang ginagawa ng mga magnanakaw sa kaban ng bayan. Subali’t bakit walang bumabanggit nito?

Marami kasi ang nagsasabi na hindi galing sa mayamang angkan ang sinuman sa mag-asawang Binay. May klinika man noon si Mrs. Binay, hindi naman siguro milyones ang kinikita nito. May negosyo sila noon pero hindi naman kalakihan. Kaya nagkagulatan kung paanong biglang yumaman ang pamilya. Noon pa man marami nang mga dating kaibigan ang Vice-President Binay dahil mula daw nang maging mayor ng Makati, halos hindi na siya matanaw dahil sa dami ng nakapaligid na mga bodyguard! Marami rin ang nagulat nang ipakita ang mansion na may elevator ni Mayor Junjun Binay, na hindi basta-basta ang halaga. Paano niyang nakayanang bilhin ito? Kung ang inaasahan lang niya ay ang legal na sweldo bilang mayor, hindi daw siya makakaipon ng napakalaking halagi para ipambili ng bahay na ang may kakayahang bumili ay multi-milyonaryo! Ganoon na ba kalaki ang perang naipon ni Mayor Junjun Binay, at kung meron man, saan ito galing?

Hindi dapat balewalain ang mga sinabi ng mga whistle blowers sa pagpagawa ng Makati City Hall II na pinagkitaan daw ng todo at kung paanong mag-distribute ng perang nakasilid sa mga bag para sa ilang miyembro ng pamilya at sa dating secretary ni Vice-President Binay.

Ang problema sa pagpa-lifestyle check ay kung mag-boomerang sa mga nag-iimbistiga, dahil alam ng lahat, na maliban kay Senador Poe, at ilang baguhan sa Kongreso, yong iba ay nabatikan na rin ng korapsyon. Kung paano silang naambunan ng grasya ay malalaman lamang ng seryosong lifestyle check ng Commission on Audit (COA).

Ang problemang malaki, pati ang COA ay may bahid na rin! Dapat siguro ay kumuha ng audit firm mula sa Hongkong tulad ng ginawa para sa MRT…na ang audit team ay galing sa Hongkong. Wala itong pinagkaiba sa paghanap ng third party upang maging tagapamagitan sa mga maseselang usapan, tulad ng nangyari sa Mindanao na may third party na kinuha. Pagbabadya na yan na dahil sa mga kahindik-hindik na nakawan sa kaban ng bayan, at kawalan ng tiwala taong bayan sa mga opisyal, pati sa mga mambabatas, baka mabuti pang magpa-administer na lang tayo temporarily  sa isang banyagang bansa…o di kaya ay United Nations….wild imagination lang!

Discussion

Leave a response