Hindi na Nahiya at Nakonsiyensiya!...si Janet Lim Napoles
Posted on Sunday, 14 September 2014
Hindi
na Nahiya at Nakonsiyensiya!...si Janet Lim Napoles
Ni Apolinario Villalobos
Talagang sagad-buto na ang kawalan ng hiya
at konsiyensiya ni Janet Lim Napoles sa pagpapangalandakan ng rosary niyang
bigay pa daw ng Santo Papa. Ginamit pa ang relihiyon at Santo Papa. Buti na
lang hindi niya sinabi na ito ang nagbigay sa kanya ng inspirasyon at lakas ng
loob sa pagpatayo niya ng mga “negosyo”! Walang pinag-iba ang ginagawa niya sa
ginawa rin noon ng dating mayor ng isang bayan sa Laguna na na-convict dahil sa
pag-rape ng isang estudyanteng babae na pinatay pa niya pati ang boyfriend
nito. Nang makulong ang mayor, karay-karay niya ang isang imahen ng birhen sa
kulungan. Subali’t kalaunan, napansing umiba ang kilos niya at pananalita –
parang nasasapian. Matindi ang epek ng kakaibang pagkilos niya dahil sa haba ng
buhok niyang magulo. Yon pala, palaging high o bangag sa droga! May butas pala ang
imahen ng birhen kung saan ay itinatago niya ang drogang dinidiliber pa rin sa
kanya dahil bahagi na ito ng kanyang buhay! Yon palang padasal-dasal niya habang
nakaluhod sa harap ng imahen, at may hawak pang rosaryo, ay parang
pagpapasalamat siguro dahil nakarating ng matiwasay ang rasyon niyang droga. At
yong kunwari ay naghihimas siya sa imahen pagkatapos ng dasal, dumudukot na
pala ng “gamot” niya!
Yong retreat house ni Napoles na
pinamahalaan pa sa mga alagang pari, pinangtakip din sa malasadong gawain niya. Pinalabas pa na
hindi daw dinitine si Benhur Luy at pinabantayan sa mga pari upang hindi
makatakas, kundi ay pinag-retreat lang daw upang mawala ang kasalanan na
panloloko sa kanya…dumiretso ba naman si Luy sa mga kliyente niya, kaya
nabawasan ang kanyang kita! May
kasabihang ang magnanakaw ay galit sa kapwa magnanakaw. Si Luy bilang kasangkot
ay umamin na, si Napoles kaylan kaya? Baka siguro habang buo pa ang kanyang rosary
ay ipagpipilitan niyang inosente siya! At ang mga pari…nakasotana pa rin kaya?
Tapos na siya sa pagpatanggal ng cyst daw
sa isang bahagi ng katawan niya na nagdulot ng matagal din namang bakasyon sa
ospital. Ano na naman kaya ang ipapatanggal upang makapagbakasyon uli?
Inalipusta daw ng netizens ang kanyang
pananalig dahil kung anu-anong katatawanan ang pinaggagawa dahil sa rosaryo
niyang bigay daw ng santo papa. Kulang pa nga iyan dahil sa ginawa niyang
pagnakaw ng pera ng taong-bayan, na itinatanggi naman dahil wala daw siyang
pirma sa mga dokumento. Kung hindi ba naman ung…s! Paano niyang gagawin yon,
eh, isa yon sa mga payo sa kanya ng isang magaling na taga-gobyerno – huwag
maglagay ng pangalan niya at pumirma sa mga dokumento upang sa paper trail ay
walang ebidensiya laban sa kanya!
Huwag daw isama ang anak sa kaso niya.
Pagkatapos ipangalandakan nito ang nakaw na yaman sa internet, ganoon
lang?...huwag idamay?... eh nakinabang naman ng todo-todo, kaya animo artistang
taga-Holywood kung umasta sa mga ipinagyabang na mga eksena sa party niya, sa
internet! Estudyante lang daw?…saan naman
galing ang perang pinangsosyo niya sa isang anak din ng pulitiko upang
makapagpatayo sila ng pagawaan ng sapatos? Yan ba ang “inosente”?
Masama ang loob ni Napoles dahil sa
nakikita niyang pamamaraan ng paglabas ng ngitngit at sama ng loob ng mga
Pilipino dahil sa ginawa niya. May paiyak-iyak pa siya. Naalala ba niya ang
kalagayan ng mga Pilipinong ginamit niya at kanyang mga kasabwat noong panahong
ang turing niya sa perang ninakaw ay animo ordinaryong papel na walang anuman
kung itambak sa bath tub at kama? Naalala ba niya ang mga Pilipinong nakanganga
sa kawalan dahil sa kanilang panloloko habang namimigay siya ng “rebate” o
commission sa mga pulitiko? Naalala ba niya ang mga gutom na mga magsasakang
lubog sa five-six na utang, at ginamit nila sa ghost projects, habang nagpapakalansingan
siya at mga bisita niya, ng mga hawak nilang kupeta ng alak tuwing magpaparty
siya nang ubod rangya? Malamang abut-abot ang pagsisisi niya dahil ang mga
taong akala niya ay makakatulong sa kanya kaya binusog niya ng pera, ay
nagtakwil sa kanya!...na kulang na lang ay magtakip ng ilong tuwing naririnig
ang pangalan niya!
Talagang ang taong nasusukol ay kung
anu-ano na lang ang sinasabi, pati na ang promise na tamaan siya ng kidlat kung
siya ay ngsisinungaling! Nawawala sa sarili kaya pati kalikasan at Diyos ay
isinasangkalan!
Discussion