0

May Problema Kaya ang Namumuno ng Philippine National Police (PNP)?

Posted on Friday, 12 September 2014



May Problema Kaya
Ang Namumuno ng Philippie National Police (PNP)?
Ni Apolinario Villalobos

Sobrang halata na ang kahinaan o kalamyaan ng liderato ng PNP, kaya marami ang nagtatanong kung may problema ang namumuno nito na si Allan Purisima. Hindi tulad noong mga nakaraang administrasyon ng PNP, palaging naririnig at nakikita ang mga namumuno kaya conscious na conscious ang mga nasasakupan na palagi silang binabantayan. Nirerespeto ang mga nakaraang namuno. Matapang at brusko o macho ang dating sa pagbitaw ng mga salita lalo na ng mga babala sa mga kapulisan. Mabilis din ang aksiyon sa mga kaso ng mga pulis na nagkasala kaya marami ang nasuspindi at natanggal. Subalit ngayon, kahit may malaking kaso nang hinahawakan, wala pa ring naririnig kay Purisima. Nabibisto din sa pamamagitan ng media na marami palang pulis na patung-patong ang mga kaso subalit nagdo-duty pa rin…hindi man lang nasususpindi at lalong walang natatanggal.

Sa paghugas-kamay ng PNP, itinuturo nito ang National Police Commission (NAPOLCOM) sa mahinang pag-usad ng mga kaso. Bakit hindi sila gumawa ng follow-up action upang masigurong naipapatupad ang desisyon, at tuloy ay magamit nilang accomplishment nila na pwedeng banggitin sa mga press conference para malaman ng mga Pilipino? Iniisip tuloy ng mga Pilipino na may sabwatang nangyayari dahil yong  dapat na natanggal na ay nasa serbisyo pa rin. Yong iba, “floating”, walang ginagawa pero may sweldo! Yong dalawang sangkot sa EDSA hulidap, mismong ang dating hepe ng PDEA ang nagsiwalat na may kaso na sila tungkol sa droga at dapat ay natanggal na, subalit nagulat siya nang malamang andiyan pa pala at nasangkot uli sa hulidap!

Pinagkakaisahan kaya si Purisima ng mga nakakababa sa kanyang mga opisyal? Bakit hindi yata siya nirerespeto ng hanay ng kapulisan? Malakas ang usapan na may dinismis daw siyang pulis na may kaso, subalit nakabalik din sa serbisyo. Kung totoo man, ilan ang ganitong kasong dismiss-balik na pagpapakita ng kawalan ng respeto sa kanya? Maaalala na galing siya sa Presidential Security Group (PSG) at isa sa mga security officers na nagbantay sa dating Cory Aquino, kaya noong itinalaga itong Chief ng PNP ay maraming mga karapat-dapat na aspirants at talagang sa field ang exposure ang nagulat dahil nalaktawan…sumama man ang loob ay hindi na kumibo. Sabi pa ng iba, “tanaw utang na loob na naman”!  Marami rin ang nakakahalata na kung magsalita daw si Purisima ay “parang wala lang”, hindi nakikitaan ang mukha ng tapang o determinasyon kaya ang mga sinasabi ay walang epek, walang dating. Paano nga bang rerespetuhin ang ganitong hepe na kung minsan daw ay mas marami pa ang ngiti kaysa mga babala sa mga tiwaling pulis?

Pinagtatanggol ng Presidente si Purisima sa pagsabing hindi lamang daw sa pamumuno nito nagkaroon ng katiwalian ang kapulisan at ang nakakahuli naman daw ng mga pulis na tiwali ay kapwa nila pulis. May mali yata doon. Una, sa panahon pa man ng unang presidente ng Pilipinas ay mga mga tiwaling pulis na, subali’t inaasahan na ang namumuno ay sasawata nito. Nang umupo si Purisima, inasahan siyang gagawa ng mga hakbang upang matigil ang katiwalian, subalit hindi niya nagawa, nabigo siya. Pangalawa, hindi na naman maganda ang ginawa ng pangulo sa pagbalik- tanaw sa mga nakaraan na may halong paninisi, dahil ang inaasahan ng Pilipino ay ang mga nagagawa o gagawin ng kasalukuyang nakaupo. Ginagawa niya ito kay Gloria Aroroyo na binabato ng mga paninisi, pagdating sa mga problemang hinaharap niya sa kasalukuyan. Sinasabing magaling siya…patunayan niya! Huwag idaan sa paninisi ang tila desperasyon dahil sa kawalan ng paraan upang masawata ang korapsyon na kita namang namamayagpag sa administrasyon niya! Pangatlo, bakit ituturing niyang parang espesyal ang ginagawa ng pulis sa paghuli ng mga nagkasala, eh trabaho naman nila talaga ito? Ang dapat niyang sabihin ay kung ilan ang mga natanggal na pulis dahil sa pangongotong, drug pushing, hulidap at rape.  At kung ilan ding mga “tunay” na drug lords ang nahuhuli kung may raid na gagawin sa mga drug laboratories, na halos ay wala, sa kabila ng kung ilang buwang surveillance! Puro nakatakas, kaya ang inaabutan ay mga tauhan lamang! Marami pa ang nagtatanong kung saan galing ang drogang binibenta ng mga tiwaling pulis, na dapat masagot.

Mahilig ang pangulong magtakip  sa mga hindi magandang performance ng kanyang mga tao. Sa mga nagkakabulukang donations na hawak ng Department of Social Welfare (DSW) na dapat ay noon pa naipamudmod sa mga biktima ng bagyong Yolanda, pagpupuri pa ang mga sinabi para kay Dinky Soliman. Sa ahensiyang naitalaga upang mangasiwa sa pagbigay ng mga construction materials sa mga biktima ng kalamidad, na nabistong mahinang klase, wala rin siyang sinabing babala. Noong nakaupo pa si Vitangcol sa pamunuan ng MRT, sa kabila ng mga problema at panawagan na paalisin na niya ito, wala rin siyang nagawa hanggang ibang tao pa ang nagsabi kay Vitangcol na mag-resign na nga. At sa katagalan ay nag-resign na nga, subalit ang resulta naman ay ang tuluyan nang pagkawarat ng sistema ng MRT kaya sunud-sunod ang problema. Ngayon ay sa kaso naman ng PNP…

Sa pananaw ng nakararami, hindi bagay kay Purisima ang mabruskong trabaho tulad ng sa PNP na nangangailangan ng kamay na bakal at matatalim na salita kung kinakailangan. Kung sa pang-unawa at kabaitan, malamang umaapaw ang mga ito sa kanyang puso. Kung sa talino, malamang halos mamaga ang utak niya dahil sa pag-aalagwa nito. Kung sa ngiti, hindi ito nawawala sa kanyang mga labi. Pero iba sa PNP, dahil hindi lang sibilyan ang kakaharapin ng namumuno, kundi kaparehong mga pulis na nakauniporme at may mga armas , na nakapagsanay din, kung hindi sa Philippine Military Academy (PMA) ay sa PNP Academy kung saan ay napapag-aralan ang iba’t ibang klaseng krimen, kaya siguro ang iba ay natuto at nagkaroon ng utak-kriminal kaya nasangkot at nasasangkot pa rin sa droga, hulidap, rape at kung anu-ano pa. Kung nararamdaman ni Purisima na baka pinagkakaisahan siya ng mga ka-uniporme niya, at lalong higit kung naiisip na niya ngayong hindi siya bagay sa field, dapat bumaba na siya sa pwesto. Habang may self-respect pa siya, dapat magmuni-muni siya kung paanong ang natirang ito ay hindi mawala sa kanya. Pero, sabi naman ng iba, sayang yatang iwanan niya basta ang bagong gawang tirahan niya na ginastusan ng milyones kaya hanep sa ganda!

Ang nahahalata ng mga Pilipino ngayon ay tila parang synchronized na pagtatakip sa kahinaan ng liderato ng PNP sa pamamagitan ng pagdepensa ng Presidente kay Purisima, may dagdag pang salitang bumaba daw ang krimen na napakasakit sa tenga… ang palaging pakiusap naman ng Secretary ng DILG Mar Roxas sa mga sangkot sa krimen na sumuko, na ang pinakahuli ay tungkol sa EDSA hulidap… at ang pananahimik naman na parang kordero ng mismong pinuno ng PNP. Kaya sa tingin ng Malakanyang at ni Secretary Mar Roxas, “mapayapa talaga” ang Pilipinas sa pamumuno ni Purisima!



Discussion

Leave a response