Ang Kayabangan ni "Little Brother"
Posted on Sunday, 28 September 2014
Ang
Kayabangan ni “Little Brother”
Ni Apolinario Villalobos
Sa pagpunta ni Presidente Pnoy sa Amerika,
marami siyang mga ginawang hindi kaaya-aya para sa tingin ng maraming Pilipino.
Inupakan na naman niya ang dating presidenteng Gloria Arroyo at pinuri ang
kanyang mga cabinet secretaries lalo na si Allan Purisima ang PNP Chief, at
nag-report ng mga kwestiyonableng mga proyekto. Ang mga Pinoy sa Amerika na
audience niya sa mga talumpati ay pumalakpak ng masigabo, subali’t yong mg
nakakaunawa ng tunay sa sitwasyon sa Pilipinas ay nagprotesta sa labas. Pero
may isang nakalusot na babaeng estudyanteng ipinagsigawan sa harap ni Pnoy ang
mga kamalian ng kanyang administrasyon, kuntodo pakita pa ng malaking papel na
pinagsulatan ng kanyang protesta. Itong babaeng protester ang dapat palakpakan
dahil sa kanyang katapangan!
Hindi pa nadala ang presidente, kaya sa isa
namang pagpupulong, kahit hindi siya hinihingan ng commitment tungkol sa isyu
ng ISIS, binoluntaryo naman niya ang tulong ng Pilipinas subali’t sa paraang
hindi daw mangahuhulugan ng kamatayan ng mga volunteers na Pilipino. Isa na
namang okasyon ito na dada lang ng dada ang pangulo ng hindi pinag-iisipan ang
sasabihin. Ang isyu ng ISIS ay may kinalaman sa bakbakan kaya nangangahulugang
maaaring mamamatay ang ipapadala doon. Ang iniisip yata niya ay maging tagaluto
ng pagkain sa field mess halls ang mga sundalong Pilipino na ipapadala doon, o
di kaya ay maging telephone operator, o di kaya ay maging driver ng mga opisyal!
Buti na lang at hindi humagalpak ng tawa ang kanyang kausap o di kaya ay
nagkamot ng ulo!
Hindi na naisip ni Pnoy na ang ating bansa mismo ay may sariling problema sa
terorismo, na kinasasangkutan ng Abu Sayyaf at BIFF. Kaya dapat ay dito
nakatuon ang kanyang atensiyon. Hindi na siya dapat pang lumayo upang
magyabang. Malaki ang budget ng military para sa intelligence kaya dapat alam
ng gobyerno ang galaw ng dalawang grupong nabanggit. Limitado ang galaw ng mga
teroristang ito sa mga lugar sa Mindanao na tukoy na. Bakit hindi ito ang trabahuhin
ng mga kasundaluhan sa halip na gamitin sila sa kayabangan sa ibang bansa?
Nabisto na pinasukan na rin ng anomalya ang sweldo ng mga pinapadala sa ibang
bansa upang mapasama sa peace keeping forces ng United Nations. Ang turing pala
dapat sa mga Pilipinong sundalo kapag nandoon na ay “pantay-pantay”, kaya ang
sweldo ay dapat “pantay-pantay” rin. Subalit nabisto na dahil sa Pilipinas
inire-release ang sweldo o allowance ng mga ito, ibinabatay pa rin ang halaga
sa rangko! Sa laki ng allowance, saan napunta ang ibang halaga na kinaltas mula
sa sweldo ng mga sundalong mababa ang rangko?
Nakakahiya at nakakabahala ang patuloy na
pangingidnap ng Abu Sayyaf, na nitong mga huling araw ay hindi na rin pinatawad
maski mga kapwa Muslim, basta mayaman. Ang BIFF naman, maya’t maya ang
pagpapasabog ng bomba sa mga lugar na makursunadahan nila upang iparating sa
gobyerno na buhay pa sila at malakas sumipa. Sa panig naman ng military,
sasabihin lang nito na huwag mag-alala ang taong bayan dahil hindi makakarating
sa Maynila ang terorismo. Sigurado ba sila? Sa palpak na seguridad sa mga
airport at pantalan, huwag naman sanang may makalusot. At dapat isipin ng
gobyerno na hindi lang ang mga regular na pantalan ang pwedeng daungan ng mga
terorista kung gusto nilang lumusob ng paunti-unti. Mahaba ang baybayin ng
Pilipinas dahil mga bumubuo sa bansa ay mga isla! Walang kapasidad ang
Philippine Navy na proteksiyunan ang mga baybayin dahil sa bulok nitong mga
barko! At isa pa, bakit Maynila lang ang inaalala? Paano ang mga nagdudusa na
dahil sa mga nangyayaring terorismo sa Mindanao?
Pag-uwi, ipagyayabang ni Presidente Pnoy
ang mga “nakupo” o “captured investors” sa kanyang pag-ikot sa Yuropa at
Amerika. Ang mga ito ay “nangako” na maglalagak ng investment sa Pilipinas.
Subalit madali ang hindi tumupad sa pangako lalo na kung may mabibigat na
dahilan. At dito sa Pilipinas ay marami nitong mga dahilan…ang mga bulok na
airport terminal, maiigsing mga runway at
kakulangan ng mga ito lalo na sa Maynila, ang matinding trapik sa himpapawid
para sa mga eroplano at sa mga kalsada na tadtad din ng mga lubak, mga baha,
ang red tapes na isa sa mga resulta ng corruption sa gobyerno, lalo na ang mga
kidnapping. Ang mga pangakong ito ay ipamamana niya sa susunod na
administrasyon kung bababa siya. Kung ibang tao ang uupo, wala nang pakialam si
Pnoy kung matutuloy ang pangako o hindi. Samantala, pag-uwi niya ay may
irereport siya sa madla…. mga nakasulat sa papel! At asahang bibitsenan niya
ito ng pagbatikos kay Gloria Arroyo at pagpuri kay Purisima!
Discussion