Bakit May "Savings" Kung Maraming Pangangailangan ang Mga Ahensiya?
Posted on Sunday, 7 September 2014
Bakit May “Savings”
Kung Maraming
Pangangailangan ang
Mga Ahensiya?
Ni Apolinario Villalobos
Sa isang Senate hearing, inamin ng mga taga-Commission on
Audit (COA) na marami silang kakulangan,
hindi lang ng tao kundi pati na rin ng mga makabagong kagamitan upang mapabilis
ang kanilang operasyon, kaya hindi sila nakakasambot sa mga kinakailangang
gawin. Kalimitang naririnig ang ganitong klaseng paliwanag kung panahon ng
budget hearing, kung saan ay pinaglalaban ng mga ahensiya ang mga
pangangailangan nila upang maisama sa budget na dapat maaprubahan.
Hindi lang COA ang may ganitong problema, kundi halos lahat
ng ahensiya. May mga istasyon ng pulis na napuputulan ng kuryente at tubig
dahil sa kawalan ng pambayad, at mapapansin na karamihan sa mga istasyon ay
masasabing halos niremedyuhan lamang upang maipatayo nang makapagserbisyo agad
sila sa nasasakupan. May mga fire stations na kawawa ang hitsura lalo na ang
mga nasa probinsiya, karamihan din sa mga fire trucks nila ay di na mapatakbo
ng maayos. Karamihan sa mga barangay health centers nakikisilong sa mga
barangay halls dahil walang matatawag na sariling klinika. May mga paaralan sa
mga liblib na barangay na gigiray-giray na, butas-butas pa ang bubong at
dingding. May mga trial courts din na nakikisilong lang din sa mga munisipyo at
city hall, ang mga abogado at huwes, maliliit ang sweldo.
Nagkaalaman na maraming kakulangan ang hanay ng mga huwes,
mga abogado, mga auditor, mga health workers, mga guro, at iba pa. Subali’t ang
nakapagtataka ay bukambibig sa Kongreso, Senado at Malakanyang ang “savings” o
ang “natipid”. Lalong nagkalabuan nang may nagsabi na ang malaking bahagi daw
ng mga “natipid” na budget ay napunta lang sa mga bulsa ng mga tiwaling
mambabatas at mga opisyal ng gobyerno. At ang matindi ay pinipilit daw ng mga
ahensiyang magkaroon ng savings kahit sa kalagitnaan pa lang ng taon upang
masiguro na mayroon silang matatanggap ng mga bonus, lalo na ng Christmas
bonus, sa pagsara ng tinatawag na budget period o katapusan ng taon. Paanong
matatawag na savings ang ganoon kung may natitirang kalahating taon pa na dapat
lapatan ng gastos? May mga kwento nga na nagpapayabangan ang mga empleyado ng
iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa laki ng tinanggap nilang Christmas bonus at
kung anu-ano pang inimbintong bonus na pinalabas na “employee benefits”. Yong
ibang ahensiya, ang mga nakaupo sa matataas na puwesto ay mayroon pa palang
pang-grocery!
Ang wala sa ayos na “pagtitipid” ng mga ahensiya ay nagdudulot
ng pagkapilay ng kaniklang operasyon na may masamang epekto sa taong bayan. May
mga ahensiya na dahil sa kakulangan ng mga tauhan ay natatambakan ng backlogs
sa over-the-counter service at paperworks. May mga barangay na ang
pangangailangan ng mga tao ay hindi naaatupag dahil kulang ng health workers o
midwife man lang. In fairness sa ibang ahensiya, isa sa pagpapakita nila ng
pagpursigi upang makatugon sa pangangailangan ng taong bayan ay ang tuluy-tuloy
na pagtrabaho ng mga tauhan nila kahit na lunch break. Pero hindi naman lahat
ng ahensiya ay gumagawa nito.
Ang kanser ng pagkagahaman ay talagang kalat na sa buong
sistema ng gobyerno. Kung ilang dekada itong napabayaan kaya lumala. Ang masama
nito, hindi yata lahat ay naaambunan ng “grasya”, dahil maraming empleyado ng
gobyerno na ang sweldo ay maliit pa rin.
At dahil ang gamit ng “savings” ay para sa bonus lamang, ang mga sweldo na
dapat taasan ay hindi natitinag, subali’t ang mga opisyal nila ay bundat sa
ibang benepisyo. Samantala, ang mga nasa
ibaba naman ay hanggang asa na lamang na nakanganga!
Discussion