Ang September 4 Hearing Tungkol sa Graft Case ni Binay
Posted on Thursday, 4 September 2014
Ang
September 4 Senate Hearing
Tungkol
sa Graft Case ni Binay
Ni Apolinario Villalobos
Sumigabo ang mga pagbubunyag sa Senate
hearing tungkol sa graft case laban kay Vice-President Binay. Mga independent
resource speakers ang nagsalita, kasama ang dating namuno ng Bids and Awards
Committee ng Makati noong kapanahunan ni Vice-President Binay. Nagimbal ang mga
sumusubaybay nang aminin niya na binibigyan sila ng instruction kung sinong
bidder ang papanalunin sa mga bidding, na kalimitan ay ang Hilmarc’s Construction
group. Kung may magkamaling sumali at walang malay sa mga kalakaran,
sinisilipan daw sila ng mga technicalities upang hindi makapasa. Inamin din ng
resource speaker na si Engr. Mario Hechanova na para sa isang project, ang
isang bidder daw ay “ikinulong” nila sa elevator upang ma-late sa pag-submit ng
mga dokumento…hindi nga umabot dahil na-late ng mga twenty minutes. Siguro ang
ibig niyang sabihin ay sadyang pinatigil ang elevator upang lumabas na nasiraan
kaya hindi mabuksan ang pinto. Inamin
din ni Mr. Hechanova na “niluluto” nila ang mga bidding upang masigurong makupo
ng pinapaburang bidder. Dagdag pa sa inamin ni Mr. Hechanova ay ang pagkakaroon
nilang mga miyembro ng Bids and Awards Committee ng monthly allowance na
Php200,000.00!
Pinilit na mag-abogado ni Senador JV
Ejercito para sa grupo ni Vice-President Binay, subali’t wala ring nangyari.
Ang mga pinadala ng Makati na resource speakers nila, puro tamimi, walang
masagot na tama sa mga tanong. Ang grupo naman ng Hilmarc’s ay may pinagsalitang abogado, hindi engineer,
sinabayan pa niya ng multi-media presentation. Buong tatag ang pagpaliwanag na
halos kapani-paniwala, subali’t nang pagtatanungin na ni Senador Allan Peter
Cayetano, isa-isang nabuwag ang mga sinabi, na animo ay building na unti-unting
gumuho nang abutin ng matinding lindol. Napahiya ang “speaker” ng Hilmarc’s na
si Atty. Peig. Kung nakakalusaw ang pagkapahiya, malamang lusaw na lusaw siya.
Wala siyang nagawa sa mga pandidikdik ni Senador Cayetano. Malamang hindi na
ito magpapakita sa Senado. Wala pala siyang personal knowledge sa proyekto
bilang abogado, ay kung bakit gumawa pa ng presentation na animo ay eksperto!
Sa hearing, iniulat ni Senador Cayetano na
ang halaga ng perang ginastos sa mga
proyektong “nakakatulong” daw sa mga taga-Makati ay hindi kapani-paniwala. Kung
kukuwentahin nga naman, ang mga sinasabing ginastusang mga aktibong proyekto
para mga iskolar, libreng sine para sa mga senior citizens, cake para rin sa
mga senior citizens, bulaklak o korona para sa patay, libreng gamot, kunsulta
at hospitalization, ay hindi aabutin ng milyones o bilyones. Kung baga, mga
sentimo lang pala ang napakinabangan ng mga taga-Makati. Kaya tinatanong nila
kung saan napunta ang hindi hamak na mas malaking halaga.
Pagkatapos ng hearing, nagkaroon ako ng
malaking respeto kay Senador Cayetano. Matalino siya. Alam niya ang trabaho
niya bilang senador ng bayan. Ang paglabas-labas niya sa TV upang magsalita
tungkol sa mga proyekto nila sa Taguig upang sabihin na pwede naman palang
magkaroon ng mga proyektong may kabuluhan kahit hindi gumastos ng malaki tulad
ng ginagawa nila, ay naunawaan ko na ngayong parang pasaring sa Makati na
kapit-lunsod nila na abot-langit ang budget para sa mga social, educational, at
health -related projects. Noong una, akala ko ay pagyayabang lamang niya at
advance campaign dahil interesado siyang maging presidente…hindi pala.
Discussion