0

Ang Guro Nating Mahal

Posted on Friday, 26 September 2014



Happy World Teachers’ Month!

Ang Guro Nating Mahal
By Apolinario B Villalobos


Sa pagsibol ng ating kaisipan
Mula nang tumapak tayo sa unang baytang
Silang sa silid-aralan, ating nadatnan -
Itinuring na nating pangalawang magulang.

Mayroong animo’y santo sa kabaitan
Mayroon ding parang tigre sa katapangan
Mayroong malayo pa lang ika’y ngingitian
Mayroon ding nakakakilabot sa katarayan.

Sa mga mag-aaral na matigas ang ulo
Guro ang panakot sa mga pasaway na ito
Sila’y isusumbong kapag nagpatamad-tamad
Kaya susunod, dahil mataas na grade ang hangad.

Kung hindi sa guro nating mahal
Wala tayong presidente, senador, kongresman
Wala tayong doktor, enhinyero, pulis, sundalo
Wala tayong pari, madre, at iba pa, lalo na guro.

Sila ang naghuhubog ng ating kaisipan
Upang maging may pakinabang na mamamayan
Sila ang inspirasyon, tinitingala nating bantayog
Sila na ang buhay, sa mga kabataan  ay umiinog.

Inaabot ng hatinggabi sa paghanda ng leksyon
Madaling araw gigising, sa almusal walang panahon
Halos takbuhin ang paaralan, sa kwarto’y dapat mauna
Upang sa mga mag-aaral sila’y maging halimbawa.

Sa mga liblib na paaralan may mga kuwento
Nakakadurog ng puso kung malaman ninyo
Mga kuwento ng mga gurong nagsasakripisyo
Mairaos lamang nila,  mga araw ng pagtuturo.

Mayroong binabawas sa kakarampot na suweldo
Pambili ng chalk, papel, lapis, at kuwaderno
Kagalakan nilang makita, saya sa mukha ng bata
Sa pagkakaroon ng gamit, di mabili dahil dukha.


Sila ang ating mga mahal na guro
Karapat-dapat mahalin, bigyan ng respeto
Kulang ang salitang “bayani” na sa kanila’y ituring
Sa sakripisyo, kahi’t kanino hindi sila maihahambing!

Discussion

Leave a response