Dapat Maghinay-hinay si Senador Marcos
Posted on Wednesday, 24 September 2014
Dapat
Maghinay-hinay si Senador Marcos
Ni Apolinario Villalobos
Nagkaroon ng pagkakataong mapasentro sa
limelight si Senador Marcos dahil sa usapin tungkol sa Bangsamoro. Dapat
mag-ingat siya at alagaan niya itong pagkakataon upang hindi masayang at biglang
maglaho nang dahil lamang sa mga sasabihin niya sa media tungkol sa kanyang ama
na talaga namang kinilalang diktador noong kapanahunan nito. Tumagal ang tatay
niya sa poder dahil nagdeklara ito ng Martial Law, hindi dahil marami siyang
ginawang kabutihan o dahil gusto siya ng mga Pilipino – yan ang dapat niyang
tandaan. Ang sobrang pagnanasa sa kapangyarihan ang nagpabulusok sa kanyang
tatay na ikinasama ng imahe nito na maitatala sa kasaysayan ng Pilipinas bilang
kinamumuhiang diktador.
Walang bigat ang pagiging sundalo ng
kanyang ama noong WWII upang ito ay dapat na mailibing sa Libingan ng Mga
Bayani o kundi man ay sa kanilang bayan pero may full military honor bilang
“bayani”. Maraming sundalo noong WWII na nabigyan ng maraming medalya, hindi
lang ang tatay niya. Ang ibang sundalong nabigyan ng ganitong karangalan ay
nagpilit na magpakita ng karapatan hanggang sila ay mamatay. Ang dangal naman
ng kanyang tatay, bilang presidente noon ng bansa ay nabahiran ng putik ng
pagkasuklam ng mga Pilipino na nakapansin ng mga iregularidad sa unang termino
pa lang nito, at lalong lumala noong patapos na ang kanyang ikalawang termino.
At dahil ayaw nang bumitaw sa pwesto ay nagdeklara ng Martial Law na taliwas sa
demokrasyang pinaglalaban ng mga Pilipino. Paano ngayon siyang ituturing na
bayani, kung ang ginawa niya sa huling yugto ng kanyang panunungkulan ay hindi
ayon sa adhikain ng mga Pilipino? Kaya dapat tumigil na siya sa pagturing na
“bayani” ang kanyang tatay. Siguro para sa kanila bilang pamilya nito, ay okey
lang, subali’t hindi para sa mga Pilipino.
Akala ni Senador Marcos ay nakakabuti ang
pagpipilit niyang makasama sa usapan ng Bangsamoro sina Misuari at Umbrakato. Sa
simula pa lamang ay gusto na ni Misuari ang magtiwalag sa bansa. Kaya ito
naging gobernador ng ARRM noon ay dahil na rin sa kagagawan ng dating
presidenteng Cory Aquino na nagpakitang gilas, in the name of reconciliation.
Ang pananahimik ni Misuari sa Middle East ay binulabog ng “pakiusap” na umuwi.
Ginawan ng paraan upang maging gobernador, subali’t sa kabila ng malaking
pondong ibinigay dito, walang nakitang pagbabago sa mga nasasakupang bayan at
probinsiya, lalo na sa Jolo na balwarte pa naman niya. Pati ibang lider ng MNLF
ay lumayo sa kanya dahil hindi na nila matiis ang mga maling panukala nito.
Upang makakuha uli ng atensiyon, ginulo ni Misuari ang Zamboanga…at ang sumunod
ay pagpapakita na naman ng isang mukha ng kapabayaan sa panig ng gobyerno - ang
paghihirap ngayon ng mga taga-Zamboanga. Si Umbrakato naman ay itinuring na
noon pa man na “berdugo” dahil sa walang katuturang pananalakay sa mga bayan at
pagpatay kahit na mga babae at bata. Ngayon, ano pang matinong ideya ang
pipigain sa dalawa upang magamit sa usapan tungkol sa Bangsamoro?
Kung gusto ni Senador Marcos na magkaroon
ng bahagi sa usapin ang MNLF, bakit hindi imbitahan ang mga namumuno sa ibang
faction nito?
Paalala lang kay senador Marcos…palaging
nasa huli ang pagsisisi!
Discussion