May DAP pa rin pala
Posted on Tuesday, 2 September 2014
May DAP
Pa rin Pala
By Apolinario Villalobos
Ang sabi ng Malakanyang ay wala na raw DAP
sa budget nila, subali’t mismong mga kaalyado nila ang nagsasabi na ito ay
pinalitan lang ng pangalan na “Grassroots Participatory Budgeting Program”. Ang
maging wa-is nga naman! Sa bagong sistema, ganoon pa rin ang magiging
kalakaran, na ang mga mambabatas pa rin ang may huling desisyon kung anong
proyekto ang bibigyan ng prayoridad. Kunwari lang ay sinabi nilang may
partisipasyon ang “grassroots”, na ibig sabihin ay ang mga “boss”, pero
hanggang rekomendasyon lang din sila dahil ang bagsak nito ay sa mga kamay pa
rin ng mga ganid na mga mambabatas. Ang korapsyon ay iiral pa rin subalit
namamaskarahan lang ibang mukha!
Bakit hindi na lang kasi ibigay ang
responsibilidad sa mga ahensiyang nagpapatupad ng mga proyekto at sila ang
tutukan kung maayos ang ginagawang trabaho. Bakit kasi hindi na lang palakasin
ang sistema at responsibilidad ng Commission on Audit o COA, na nagrereklamo na
kulang sila ng mga tao. Makailang beses nang naringgan ang COA ng dahilang
kulang sila ng mga tauhan, tuwing sila ay iimbistigahan tungkol sa mga
anomalya.
Kapag nawala na sa responsibilidad ng mga
mambabatas ang ganitong “obligasyon” ay siguradong makakatutok na sila sa
paggawa ng mga batas at pagrepaso upang mabago ang iba pa na hindi na tugma sa
bagong panahon. Naparami nang mga batas ang outdated, at dapat nang mabago. Ang
pinakamahalaga ay ang pagkakaroon na ng mga tunay at sinserong mga mambabatas
na magtatrabaho na ng maayos ayon sa kanilang pinanumpaan dahil hindi na sila
mag-iisip ng kung ano pa, lalo na ng kung paano silang mangurakot sa kaban ng
bayan. Siguradong magtutulakan na ng tatakbo sa pulitika dahil wala nang kita,
puro trabaho na lang!
Pati ang pagtalaga ng mga lump sum sa
budget ng Malakanyang ay tila wala rin sa ayos. Dahil ang sinasabi nila ay
hindi daw malalaman kung gaano kalaki ang magiging gastusin hangga’t wala pang
tumatamang kalamidada, halimbawa. Sa dami ng kalamidad na tumama sa Pilipinas
at nagdulot ng iba’t ibang antas ng kasiraan, imposibleng hindi matantiya ang
kailangang halaga upang talagang maitalaga bilang general appropriation. Kung
hindi kasi talagang natutukoy ang halaga ng budget kahit na tantiyado lamang,
hindi mawawala ang pangamba na ang pondo ay maabuso dahil sa ito ay
“discretionary” na ibig sabihin ay depende sa desisyon ng Pangulo. At least,
kung may numero sa budget, may basehan sa pag-audit. Kung mga salita lang, ano
ang aawditin? Sa kabila ng mga mga aligasyong
ginamit ang nakaraang DAP upang makapamili ng boto sa pagpatalsik kay Corona at
kung anu-ano pang sinasabing “goodwill” para sa mga kaalyadong mambabatas, at pati
na mismong Supreme Court ay nagdesisyon na ang DAP ay unconstitutional, tila
wala pa ring epekto sa Pangulo ang lahat. Tila ba nananadya pa sa pagsuwag sa
Kataas-taasang Hukuman.
Paano niya mabawi ngayon ang tiwalang
nawala sa kanya? Nakalulungkot isiping buo ang paniniwala niya na nasa panig pa
rin niya ang mga taong bayan, gayong kaliwa’t kanan na ang pagtuligsa sa kanyang
administrasyon. Hantaran na ang pangangantiyaw na ang ibig sabihin daw ng DAP
ay “Drilon-Abad-Pnoy”. Hindi lang iisang istasyon ng radyo at commentator ang
nagbo-broadcast nito. Kaylan kaya maliwanagan ng isip ang Pangulo? Nakikinig ba
talaga siya sa kanyang “mga boss”?
Discussion