May Pag-asa Pa Kayang Makabawi ang Pilipinas sa West Philippine Sea
Posted on Sunday, 21 September 2014
May Pag-asa Pa Kayang
Makabawi
ang Pilipinas sa West
Philippine Sea?
Ni Apolinario Villalobos
Masakit sabihing parang wala nang pag-asang magkaroon pa ng
katuturan ang mga paghihirap ng Pilipinas sa pagsampa ng mga kaso sa international
court laban sa Tsina tungkol sa usapin sa West Philippine Sea. Hayagang sinabi
ng Tsina na hindi nila rerespetuhin ano man ang kalalabasan ng imbestigasyon.
Ibig sabihin, hindi nila pinaniniwalaan ang poder ng korte.
Ang ASEAN naman na inaasahang magbubuklod laban sa Tsina ay
halatang wala ring magawa bilang isang organisasyon. Ang Amerika na halos
panikluhuran ng administrasyon upang masandalan sa harap ng banta ng Tsina, ay
pinaiigting ang joint exercises at ng sinasabing kasunduan sa pagkakaroon ng
animo ay pansamantalang “kampo” at mga daungan sa Pilipinas, mga bagay na
hinahadlangan naman ng iba’t ibang makabayang grupo. Sa isang banda ay tama ang
mga grupong ito dahil parang ang gusto lang ng Amerika sa Pilipinas ay gamitin
nila itong harang sa anumang hindi kanais-nais na kilos ng Tsina sa mga susunod
na panahon. Kaya, magkabombahan man,
Pilipinas ang unang tatamaan! Sa madaling salita, ginawang sangkalan ang
Pilipinas.
Subali’t habang nagpapakita ng pakikipagtulungan ang Amerika
sa Pilipinas, pinapalakas naman nito ang ugnayan sa mga Tsino. Ibig sabihin,
parang pinaglalaruan lang ng Amerika ang Pilipinas. Malaki daw ang utang ng
Amerika sa Tsina.
Nagkaroon kamakaylan lamang ng isang exhibit ng old maps na
nagpapakita na noon pa mang unang panahon, ay talagang wala namang ginawang
pag-aangkin ang Tsina sa kahit na anong bahagi ng mga karagatan sa paligid ng
Pilipinas. Ang mga Tsino noon ay “dumadayo” lamang sa mga isla ng Pilipinas
upang makipagkalakalan, hanggang sa magkaroon sila ng sariling distrito sa
Maynila na tinawag na “parian” noong panahon ng Kastila, na ngayon ay ang
maunlad na Chinatown. Sa exhibition ng mga lumang mapa, wala ni isa sa mga ito
ang maski may kapirasong pagtukoy ng
pag-angkin ng anumang bahura ng Pilipinas, lalo na sa pinag-aagawang West Philippine
Sea.
Ang bagong henerasyon ng mga lider ng Tsina ang malinaw na
may pakana sa pangangamkam ng mga bahura sa bahagi ng kanlurang karagatan ng
Pilipinas, kaya pati ang mga karatig- bansa ay nadamay na rin, dahil pati ang
dati na nilang kinikilalang mga bahura ay inaangkin na rin ng Tsina.
Sa mga bansa na may kinalaman sa problemang angkinan, bukod
tanging Pilipinas ang mukhang kawawa. Ang nag-iisang barkong kinulapulan na ng
kalawang at talaba, na ginawang headquarters ng mga bantay-dagat ay nagmumukhang
yagit kung ihambing sa mga dambuhalang barko ng Tsina, at maski ng Vietnam.
Maaaring kung hindi pa nabahura ay hindi pa ginawang headquarters at malamang naiwang
nakatiwangwang ang bahurang inaangkin ng Pilipinas. Malamang pa rin na,
natayuan na rin ng headquarter ng Tsina tulad ng ginawa nila sa ibang bahura.
Ngayon, may isa pang bahura silang pinatatayuan din mga estruktura, at pasok na
pasok din ito sa teritoryo ng Pilipinas. Sa kabila nito, walang magawa ang
Pilipinas kundi manood!
Paano pang matatanggal ang mga estruktura ng Tsina sa mga
bahurang pinag-aagawan, kung yong iba ay kung ilang dekada nang nakatayo at ang
isa pa ay patapos na?
Malaki ang tiwala ng Tsina sa kakayahan nito ngayon
pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa kaunlaran – pang-ekonomiya man o
pandigma. At dahil dito, hindi basta-basta yuyuko ito sa anumang ipag-uutos ng maski
isang international Court. Nakikita ng Tsina na humihina ang United Nations
bilang organisasyon ng mga bansa. Wala itong nagawa sa mga nangyayaring kaguluhan
sa Middle East at Yuropa. Nakikita at nararamdaman ng Tsina ang kahinaan ng
Amerika na dinadaan na lang sa verbal bluff ang mga babala. Napahiya si Obama
nang may ilang bansa sa Middle East na hindi lubos na nagbigay sa kanya ng
supurta upang “mapulbos” ang Islamic State (IS). Kaya ano pa ang magagawa nito
sa Southeast Asia na ang ekonomiya nga lang ay nakagapos na sa Tsina? …. kahit nga
toothpick at cotton buds ng mga bansang miyembro ng ASEAN ay galing Tsina!
Malamang sa malamang, kompromiso ang mangyayari sa West
Philippine Sea kung saan hahayaan na lang na pangasiwaan ng Tsina ang mga
bahurang napatayuan na nito ng mga estruktura, dahil wala naman talagang
kakayahang bumangga ang Pilipinas dito. Maaaring naghihintay lamang ang Tsina
ng isang provocative na kilos ng Pilipinas upang gumawa ito ng nakakabahalang
aksiyon…na sana ay hindi mangyari. Kaya, kung sa tanong na may magagawa pa ang
Pilipinas, sa kabila ng mga inihain nitong reklamo sa international court…para
sa akin, ang sagot ay isang malungkot na…wala.
Discussion