0

Tanga Lang Ang Magdideklara ng Ninakaw na Yaman!

Posted on Thursday, 25 September 2014



Tanga Lang Ang Magdideklara
ng Ninakaw na Yaman!
Ni Apolinario Villalobos

Sa pagpa-presscon ni Bise-Presidente Binay upang isiwalat ang hinimay na yaman ng pamilya niya, marami pa rin ang hindi nakumbinse.

Alam ng lahat na ang mga nagnanakaw sa gobyerno ay gumagawa ng maraming paraan kung paanong mapagtakpan ang kanilang ginawa, sa pamamagitan ng pagtayo ng mga negosyo at gumagamit ng dummy, at iba’t- ibang foundation upang paglagakan ng pera upang “makatulong” sa mga nangangailangan. Ang iba isinasangkalan ang relihiyon kaya mistula nang bumibili ng mga pari upang mag-manage ng retreat house kuno. May nagpapatayo  ng mga chapels, clinics, orphanages at kung anu-ano pa. Simple lang ang paliwanag dito: tanga ang taong magkakanulo sa sarili niya, kaya nga maski sa husgado ay hindi ito pinapayagan ng huwes, sa tulong ng abogado ng akusado.

Sa nasabing presscon, bakit aaminin ni Binay na nagkaroon sila ng yaman dahil sa kaduda-dudang mga paraan? Nakakatawa rin ang binanggit niyang milyones na kung tutuusin ay kapiranggot ng maaaring bilyones nang naitago na nila ng maayos upang hindi mabisto.

Sa eksenang taguan ng ninakaw na yaman  pumapasok ang mga dummy account holders sa local banks at bank accounts sa Switzerland, mga dummy sa negosyo, at mga dummy incorporators sa mga foundation. Ginawa na yan noon ng napatalsik na isang pangulo, at ginagawa pa rin ng mga opisyal na sumunod. Yong iba ay todo ang pagpa- low profile upang hindi makakuha ng atensiyon, kaya pangisi-ngisi lang sa tabi.

Kaya, nauso sa mga pulitiko at mga opisyal ng bayan ang pagkakaroon ng mga foundation. Lahat na lang yata ng klase ng foundation ay itinatag upang mapagtalsikan ng ninakaw na yaman. Nandiyan ang foundation para sa mahihirap, foundation para sa mga katutubo, foundation para sa mga senior citizens, foundation para sa mga squatters, foundation para sa estudyante, at napakarami pang iba. Tama lang kung tutuusin na ihalintulad ito sa foundation na nilalagay sa mukha upang  matakpan ang kagaspangan  o pagmamantika ng balat bago ilapat ang make-up. Ganyang-ganyan ang mga foundation na ginagamit ng mga kawatan sa gobyerno.

Ang mga foundation ng mga kawatang ito ang nagtatago o nagtatakip ng tunay nilang layunin na masama pala…kaya ang nakikita lang ng tao ay tila  “kabutihan” dahil “tumutulong” kuno sila sa mga nangangailangan. Kung nakatulong man, malamang sa malamang, na sa halaga halimbawang isanlibong pisong ninakaw, ang napupunta sa foundation upang pantulong sa mga taong ginamit ay dalawandaang piso lang, at ang nasuksok sa bulsa ng mga kawatan ay tumataginting na walong daang piso! Ganoon lang kasimple! Kaya ang resulta, nagpakita na sila ng “kabutihan” sa taong bayan, kumita pa sila! Yong iba, feeling indispensable kaya hindi nakuntento sa iisang pwesto sa gobyerno. Gusto ay mas mataas pang puwesto upang mas marami kuno ang makakatikim ng “tulong”. Kaya?...hindi kaya ang ibig sabihin ay upang mas malaki ang kitain? At ang babakantehing puwesto naman ay ipapamana sa asawa o anak, para tuluy-tuloy ang ligaya ng pamilya!

May nagtanong na ba kung ilang foundation meron ang Makati na nilalagakan ng tulong mula sa mga Binay at City Hall? Hindi ko alam ito, dahil hindi ako taga-Makati. Isa lang akong hamak na mamamayan na nag-aalalang baka lumawak pa ang abutin ng talamak na nakawan sa kaban ng bayan…kung totoo man!

Upang maging mas mabigat ang kaso laban sa mga Binay, ang dapat gawin ng Senado ay busisiin ang mga bank accounts ng bawa’t miyembro ng pamilya. Kung noong panahong nag-aaral pa lang ang mga anak at may mga bank accounts na sila na may lamang milyones…kailangan ang malinaw na paliwanag diyan. Yong personal secretary ni VP Binay na si “Ebeng”, dapat tsiken din ang bank records. Dapat tsiken din ang travel records ng mga Binay upang malaman kung saan sila nakarating. Ang laundering ng perang kinawat ay sa labas ng bansa ginagawa. Ang pinakamagandang mangyari sana ay kung iboluntaryo na lang ng pamiya Binay ang mga bagay na ito upang matuldukan na ang duda sa kanilang pagkatao. Kawawa naman kasi sila habang natotosta ng mga kaliwa’t kanang batikos. Subali’t tila nagpapahalata lamang sila na guilt dahil kung anu-ano na ang ginagawa upang matigil ang imbestigasyon sa kanila ng Senado. Out of desperation, nitong huling araw ay sa Supreme Court na sila tumakbo at humihingi ng tulong. Yan ba ang walang kasalanan? Kung walang tinatagong kabulukan, bakit sila natatakot sa imbestigasyon?

Sa kaso ni G. Juan ng NFA na inaakusahan ng bribery, malakas ang loob niyang sabihing ang sim card na nakitaan ng mga messages na nagkanulo sa kanya ay matagal nang ninakaw kuno. Simple lang ang dapat gawin ng nag-iimbistega…dapat hingan siya ng sworn affidavit na ninakaw ang kanyang cell phone kasama ang sim card na may mga messages, at dapat may kalakip na police report batay sa blotter ng police station nang ideklara ni Juan ang nangyaring pagkanakaw ng kanyang cell phone. At hindi dapat post- dated ang  affidavit at police report. Ang hindi maintindihan ng bayan ay kung bakit suportado siya ni Kiko Pangilinan sa pagmamatigas na malinis siya. Anong usapan meron sila? Paanong ganahan ang taong bayan sa pagsuplong ng mga kawatan kung ganito nang ganito ang mangyayari? Kaya tuloy, ang tingin ng taong bayan sa halos lahat ng mga opisyal ng gobyerno ay may makapal na kulapol ng putik sa mukha!

At ang pinaka sa mga pinakang pagsalag ng mga akusasyon para sa isang kaibigan, ay ang sitwasyon nina Allan Purisima na hepe ng buong kapulisan at ng Presidente ng Pilipinas. Buong pagmamalaking sinasabi ng Presidente na mula pa noong 1987, ay hindi niya nakitaan ng kamalian, kayabangan, at yaman si Purisima. Ito daw ay simpleng tao. Noon yon, iba na ngayong nasa poder na siya, may kapangyarihan at nakasandal sa pader.  Ang Presidente ay hindi yata  nagbabasa ng mga diyaryo at nanonood o nakikinig ng mga balita na nagpapasabog ng mga kahina-hinalang yaman ng kanyang kaibigan. Mga respetadong taga-ulat at brodkasters ang pinanggagalingan ng mga balita. Hindi tanga si Purisima upang magpangalandakan ng kahina-hinala niyang yaman. Unfortunately, talagang ang baho ay hindi napipigilan sa pagsingaw nito…at kumakapit ang umaalingasaw na amoy sa  damit ng taong dumidikit sa pinanggagalingan nito! …kaya dapat mag-ingat ang Pangulo dahil baka ang mga itinuturing niyang mga kaibigan ang siya pang humihila sa kanya!

Discussion

Leave a response