0

Gitarang Basag

Posted on Tuesday, 30 September 2014



Gitarang Basag
ni Apolinario Villalobos

Hindi aakalaing ang mataginting na tunog
mula sa tinipang kwerdas ay galing sa isang gitara
na maliban sa kupas ang pintura, basag pa ang mukha.

Sa pagtipa ng matandang bulag pala at pilay
pumapainlalang ang himig ng awit na mapang-akit
sinasabayan kung minsan ng silindro, o di kaya’y paswit.

Mga biyak sa mukha ng gitara ay pinagdikit
halos binalot naman ang tangkay ng tape na plastik
subali’t sa pagtipa ng matanda, animo siya’y nagmamadyik!

Lata na nasa harap niya ay iniitsahan ng barya
may lima, sampu, pero ang papel ay inaabot sa bata-
habang tinatanggap ang pera, mukha niya’y nababalot ng tuwa!

Sa bawa’t tipa ng gitara, mga tao’y napapalingon
napapangiti sa kasiyahan, mayroon din halos maiyak
kaligayaha’y idinaan na lang sa malugod at taos-pusong palakpak!

Kamangha-mangha na ang gitarang halos ay sira na
Nakakagawa ng musika na talaga namang nakakaaliw
Parang tao rin na gusgusin man at sa tingin ay walang pag-asa
Kakikitaan din ng magandang ugali, basta bigyan lang ng tiwala!

Discussion

Leave a response