0

Ang Mga "Milagro" sa Pilipinas

Posted on Tuesday, 23 September 2014



Ang Mga “Milagro” sa Pilipinas
Ni Apolinario Villalobos

Ang tao, lalo na ang mga Kristiyano ay naniniwala sa mga milagro. Ang malaking bahagi ng population ng Pilipinas ay Kristiyano, kaya ang bansa ay batbat ng mga milagro kagaya ng imahen ng Virgin Mary na lumuluha, Sto. Nio na sumasayaw at sumasapi sa mga taong nagpipilit iniipit ang boses upang maging boses-bata, mukha ni Kristo at Virgin Mary sa dahon, dingding, palapa ng niyog at kung anu-ano pang mga pangyayari. Ito marahil ang nagbunsod sa mga taong tiwali, lalo na yong mga nasa gobyerno, na gumawa ng mga “milagro” dahil iniisip nila na madaling mapaniwala ang mga Pilipino. Kaya’t bukod sa mga nabanggit, may iba’t- ibang klaseng “milagro” pa ang nangyayari sa Pilipinas:

Ang “milagro” ng pagkawala ng pondo mula sa kaban ng bayan.  Mula pa noong naging republika ang Pilipinas hanggang ngayon, lahat ng administrasyon ay may mga sariling milagro tungkol dito. Mula sa maliit na bilang, unti-unting dumami hanggang umabot sa nakakamanghang sukdulan sa kasalukuyang administrasyon. Dahil sa ginawa ng tao na batas tungkol sa pagkainosente ng isang pinagbibintangan hangga’t hindi napatunayan, lahat ng mga sangkot ay nagpipilit na wala talaga silang kasalanan, kaya kanya-kanya sila ng upa ng mga magagaling na abogado na kayang ipagpalit ang puri sa salapi, at animo ay mga de-susing manikang nagsasalita ng mga na-memorize na mga batas na pantakip sa mga kalasalanan ng kliyente nilang magnanakaw.  Ang magandang dahila nila: trabaho lang!

Ang “milagro” sa pagkawala ng mga donasyon sa pangangalaga ng DSW. Maaaring “milagro” na maituturing ang pagkawala ng mga donasyon para sa mga biktima ng kalamidad lalo na ng mga naging biktima ng bagyong Yolanda, kahit pa may nakabantay na guwardiya. Lalong milagro rin ang hindi pagkapansin ng mga taga-DSW ng pagka-expire ng mga de-lata kaya hinayaang mabulok, kesa ipamigay lahat sa mga biktima. At lalung-lalong milagro ang parang walang anumang pagsalita ng namumuno sa harap ng TV, at pilit na naghuhugas- kamay sa pagsabi na marami na rin naman daw ang naipamigay na!

Ang “milagro” sa pinamigay na mga materyales pang-repair ng bahay sa mga taga-Zamboanga. Nagmilagro ang paglambot ng kahoy na nakaya pang bulatlatin at taktakin ng matandang nakatanggap nang ipakita sa TV. At ang yero, ay parang walang anumang pinunit na parang manipis na karton, pero siyempre, hiniwa muna ng kapiraso, sabay hila at ayon…napunit nga! Milagro!

Ang “milagro” sa EDSA hulidap. Nang lumutang ang karamihan sa mga sangkot na nahuli sa video at “nagsurender” daw, ang abogado nila ay nagsalita upang ipagpilitang wala sila sa pinangyarihan ng hulidap! Ang laking “milagro”! Hallelujah!

Ang “milagro” ng pagkabawas daw ng kriminalidad sa bansa dahil sa pinuno nitong si Allan Purisima. Nagmimilagro ang report dahil taliwas sa mga tunay na nangyayari. Nagsalita pa ang pangulo at nagdepensa kay Purisima, ganoong ilang araw na ay sunud-sunod ang balita tungkol sa hulidap na ginagawa ng mga pulis! May nagbebenta pa ng droga! Milagro ang pagkaroon ng lakas ng loob ng pangulo na magsalita sa harap ng kanyang mga cabinet secretaries at mga piling kaalyado sa pulitika, sa isang pagtitipon sa Malakanyang – para siguradong masigabo ang palakpakan! Si Jejomar Binay, Bise-Presidente at cabinet member din…hindi naimbita! May sa tagabulag yata kaya hindi napansin…talagang milagro!  Ang liwa-liwanag na nga eh, hindi pa nakita!

Ang “milagro” ng pananatiling buhay ng mga gutom na Pilipino dahil halos wala nang kakayahang kumain ng sapat sa maghapon. At sa kabila ng ganitong kagimbal-gimbal na eksena, nagawa pang magsalita ng taga-Malakanyang na “tiis-tiis muna”! Baka ibig niyang sabihin ay “mamamatay din kayo, pagdating ng panahon…hintayin ninyo ang ikalawang sigwada!”

Maitututing na ngang isang “miracle” country ang Pilipinas. Ang daming mga pangyayari na hindi maipaliwanag. Kaya bahala na lang si Lord. Tulad ng biglang pagyaman ng isang ordinaryong mamamayan na taga-Makati… ang pagkapantas ng isang babaeng hindi nakatapos ng kolehiyo subali’t napaikot sa palad ang mga mambabatas upang magkamal ng limpak-limpak na salapi at nagawa pang mag-display ng rosary na bigay daw ng santo papa….. at milagro ding nakakangiti at nakakapagsalita pa sa kabila ng kakapalan ng mukha ang ilang mga opisyal ng gobyerno na ayaw umalis sa puwesto sa kabila ng pagka-inutil nila sa pagpatupad ng tungkulin!

 

Discussion

Leave a response