Showing posts with label Janet Lim Napoles. Show all posts

0

Ang Mga "Milagro" sa Pilipinas

Posted on Tuesday, 23 September 2014



Ang Mga “Milagro” sa Pilipinas
Ni Apolinario Villalobos

Ang tao, lalo na ang mga Kristiyano ay naniniwala sa mga milagro. Ang malaking bahagi ng population ng Pilipinas ay Kristiyano, kaya ang bansa ay batbat ng mga milagro kagaya ng imahen ng Virgin Mary na lumuluha, Sto. Niῆo na sumasayaw at sumasapi sa mga taong nagpipilit iniipit ang boses upang maging boses-bata, mukha ni Kristo at Virgin Mary sa dahon, dingding, palapa ng niyog at kung anu-ano pang mga pangyayari. Ito marahil ang nagbunsod sa mga taong tiwali, lalo na yong mga nasa gobyerno, na gumawa ng mga “milagro” dahil iniisip nila na madaling mapaniwala ang mga Pilipino. Kaya’t bukod sa mga nabanggit, may iba’t- ibang klaseng “milagro” pa ang nangyayari sa Pilipinas:

Ang “milagro” ng pagkawala ng pondo mula sa kaban ng bayan.  Mula pa noong naging republika ang Pilipinas hanggang ngayon, lahat ng administrasyon ay may mga sariling milagro tungkol dito. Mula sa maliit na bilang, unti-unting dumami hanggang umabot sa nakakamanghang sukdulan sa kasalukuyang administrasyon. Dahil sa ginawa ng tao na batas tungkol sa pagkainosente ng isang pinagbibintangan hangga’t hindi napatunayan, lahat ng mga sangkot ay nagpipilit na wala talaga silang kasalanan, kaya kanya-kanya sila ng upa ng mga magagaling na abogado na kayang ipagpalit ang puri sa salapi, at animo ay mga de-susing manikang nagsasalita ng mga na-memorize na mga batas na pantakip sa mga kalasalanan ng kliyente nilang magnanakaw.  Ang magandang dahila nila: trabaho lang!

Ang “milagro” sa pagkawala ng mga donasyon sa pangangalaga ng DSW. Maaaring “milagro” na maituturing ang pagkawala ng mga donasyon para sa mga biktima ng kalamidad lalo na ng mga naging biktima ng bagyong Yolanda, kahit pa may nakabantay na guwardiya. Lalong milagro rin ang hindi pagkapansin ng mga taga-DSW ng pagka-expire ng mga de-lata kaya hinayaang mabulok, kesa ipamigay lahat sa mga biktima. At lalung-lalong milagro ang parang walang anumang pagsalita ng namumuno sa harap ng TV, at pilit na naghuhugas- kamay sa pagsabi na marami na rin naman daw ang naipamigay na!

Ang “milagro” sa pinamigay na mga materyales pang-repair ng bahay sa mga taga-Zamboanga. Nagmilagro ang paglambot ng kahoy na nakaya pang bulatlatin at taktakin ng matandang nakatanggap nang ipakita sa TV. At ang yero, ay parang walang anumang pinunit na parang manipis na karton, pero siyempre, hiniwa muna ng kapiraso, sabay hila at ayon…napunit nga! Milagro!

Ang “milagro” sa EDSA hulidap. Nang lumutang ang karamihan sa mga sangkot na nahuli sa video at “nagsurender” daw, ang abogado nila ay nagsalita upang ipagpilitang wala sila sa pinangyarihan ng hulidap! Ang laking “milagro”! Hallelujah!

Ang “milagro” ng pagkabawas daw ng kriminalidad sa bansa dahil sa pinuno nitong si Allan Purisima. Nagmimilagro ang report dahil taliwas sa mga tunay na nangyayari. Nagsalita pa ang pangulo at nagdepensa kay Purisima, ganoong ilang araw na ay sunud-sunod ang balita tungkol sa hulidap na ginagawa ng mga pulis! May nagbebenta pa ng droga! Milagro ang pagkaroon ng lakas ng loob ng pangulo na magsalita sa harap ng kanyang mga cabinet secretaries at mga piling kaalyado sa pulitika, sa isang pagtitipon sa Malakanyang – para siguradong masigabo ang palakpakan! Si Jejomar Binay, Bise-Presidente at cabinet member din…hindi naimbita! May sa tagabulag yata kaya hindi napansin…talagang milagro!  Ang liwa-liwanag na nga eh, hindi pa nakita!

Ang “milagro” ng pananatiling buhay ng mga gutom na Pilipino dahil halos wala nang kakayahang kumain ng sapat sa maghapon. At sa kabila ng ganitong kagimbal-gimbal na eksena, nagawa pang magsalita ng taga-Malakanyang na “tiis-tiis muna”! Baka ibig niyang sabihin ay “mamamatay din kayo, pagdating ng panahon…hintayin ninyo ang ikalawang sigwada!”

Maitututing na ngang isang “miracle” country ang Pilipinas. Ang daming mga pangyayari na hindi maipaliwanag. Kaya bahala na lang si Lord. Tulad ng biglang pagyaman ng isang ordinaryong mamamayan na taga-Makati… ang pagkapantas ng isang babaeng hindi nakatapos ng kolehiyo subali’t napaikot sa palad ang mga mambabatas upang magkamal ng limpak-limpak na salapi at nagawa pang mag-display ng rosary na bigay daw ng santo papa….. at milagro ding nakakangiti at nakakapagsalita pa sa kabila ng kakapalan ng mukha ang ilang mga opisyal ng gobyerno na ayaw umalis sa puwesto sa kabila ng pagka-inutil nila sa pagpatupad ng tungkulin!

 

0

Hindi na Nahiya at Nakonsiyensiya!...si Janet Lim Napoles

Posted on Sunday, 14 September 2014



Hindi na Nahiya at Nakonsiyensiya!...si Janet Lim Napoles
Ni Apolinario Villalobos

Talagang sagad-buto na ang kawalan ng hiya at konsiyensiya ni Janet Lim Napoles sa pagpapangalandakan ng rosary niyang bigay pa daw ng Santo Papa. Ginamit pa ang relihiyon at Santo Papa. Buti na lang hindi niya sinabi na ito ang nagbigay sa kanya ng inspirasyon at lakas ng loob sa pagpatayo niya ng mga “negosyo”! Walang pinag-iba ang ginagawa niya sa ginawa rin noon ng dating mayor ng isang bayan sa Laguna na na-convict dahil sa pag-rape ng isang estudyanteng babae na pinatay pa niya pati ang boyfriend nito. Nang makulong ang mayor, karay-karay niya ang isang imahen ng birhen sa kulungan. Subali’t kalaunan, napansing umiba ang kilos niya at pananalita – parang nasasapian. Matindi ang epek ng kakaibang pagkilos niya dahil sa haba ng buhok niyang magulo. Yon pala, palaging high o bangag sa droga! May butas pala ang imahen ng birhen kung saan ay itinatago niya ang drogang dinidiliber pa rin sa kanya dahil bahagi na ito ng kanyang buhay! Yon palang padasal-dasal niya habang nakaluhod sa harap ng imahen, at may hawak pang rosaryo, ay parang pagpapasalamat siguro dahil nakarating ng matiwasay ang rasyon niyang droga. At yong kunwari ay naghihimas siya sa imahen pagkatapos ng dasal, dumudukot na pala ng “gamot” niya!

Yong retreat house ni Napoles na pinamahalaan pa sa mga alagang pari, pinangtakip din  sa malasadong gawain niya. Pinalabas pa na hindi daw dinitine si Benhur Luy at pinabantayan sa mga pari upang hindi makatakas, kundi ay pinag-retreat lang daw upang mawala ang kasalanan na panloloko sa kanya…dumiretso ba naman si Luy sa mga kliyente niya, kaya nabawasan ang kanyang kita!  May kasabihang ang magnanakaw ay galit sa kapwa magnanakaw. Si Luy bilang kasangkot ay umamin na, si Napoles kaylan kaya? Baka siguro habang buo pa ang kanyang rosary ay ipagpipilitan niyang inosente siya! At ang mga pari…nakasotana pa rin kaya?

Tapos na siya sa pagpatanggal ng cyst daw sa isang bahagi ng katawan niya na nagdulot ng matagal din namang bakasyon sa ospital. Ano na naman kaya ang ipapatanggal upang makapagbakasyon uli?

Inalipusta daw ng netizens ang kanyang pananalig dahil kung anu-anong katatawanan ang pinaggagawa dahil sa rosaryo niyang bigay daw ng santo papa. Kulang pa nga iyan dahil sa ginawa niyang pagnakaw ng pera ng taong-bayan, na itinatanggi naman dahil wala daw siyang pirma sa mga dokumento. Kung hindi ba naman ung…s! Paano niyang gagawin yon, eh, isa yon sa mga payo sa kanya ng isang magaling na taga-gobyerno – huwag maglagay ng pangalan niya at pumirma sa mga dokumento upang sa paper trail ay walang ebidensiya laban sa kanya!

Huwag daw isama ang anak sa kaso niya. Pagkatapos ipangalandakan nito ang nakaw na yaman sa internet, ganoon lang?...huwag idamay?... eh nakinabang naman ng todo-todo, kaya animo artistang taga-Holywood kung umasta sa mga ipinagyabang na mga eksena sa party niya, sa internet!  Estudyante lang daw?…saan naman galing ang perang pinangsosyo niya sa isang anak din ng pulitiko upang makapagpatayo sila ng pagawaan ng sapatos? Yan ba ang “inosente”?
Masama ang loob ni Napoles dahil sa nakikita niyang pamamaraan ng paglabas ng ngitngit at sama ng loob ng mga Pilipino dahil sa ginawa niya. May paiyak-iyak pa siya. Naalala ba niya ang kalagayan ng mga Pilipinong ginamit niya at kanyang mga kasabwat noong panahong ang turing niya sa perang ninakaw ay animo ordinaryong papel na walang anuman kung itambak sa bath tub at kama? Naalala ba niya ang mga Pilipinong nakanganga sa kawalan dahil sa kanilang panloloko habang namimigay siya ng “rebate” o commission sa mga pulitiko? Naalala ba niya ang mga gutom na mga magsasakang lubog sa five-six na utang, at ginamit nila sa ghost projects, habang nagpapakalansingan siya at mga bisita niya, ng mga hawak nilang kupeta ng alak tuwing magpaparty siya nang ubod rangya? Malamang abut-abot ang pagsisisi niya dahil ang mga taong akala niya ay makakatulong sa kanya kaya binusog niya ng pera, ay nagtakwil sa kanya!...na kulang na lang ay magtakip ng ilong tuwing naririnig ang pangalan niya!

Talagang ang taong nasusukol ay kung anu-ano na lang ang sinasabi, pati na ang promise na tamaan siya ng kidlat kung siya ay ngsisinungaling! Nawawala sa sarili kaya pati kalikasan at Diyos ay isinasangkalan!

0

Ang Pagkadesperado ni Janet Lim Napoles

Posted on Tuesday, 8 July 2014

Ang Pagkadesperado ni Janet Lim Napoles
Ni Apolinario Villalobos

Hindi dahil undergraduate siya ay dapat patuloy na magmaang-mangan si Napoles at umakting na inosente sa kasong kinasangkutan niya. Makapal ang mukha niya sa pagsabing hindi niya alam na mali pala ang ginawa niya. Nitong huling araw, sa ka-kapalan ng mukha niya, gusto pang idamay ang simbahang Katoliko sa kanyang kabalbalan. Nakikiusap siyang kanlungin ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP). Wala na yatang natirang delikadesa at kapirasong konsiyensiya sa pagkatao niya. Hindi na siya kinilabutan sa kanyang hiling. Maski ang namayapang si Gng. Cory Aquino ay hindi lumapit sa CBCP upang humingi ng proteksiyon. Sa halip siya ay kusang inalayan nito ng mga pari kaya sa isang seminary siya nagkanlong.

Maalala na may minimintinang retreat house o prayer house si Napoles na pinangangasiwaan ng naguyo niyang mga pari, na ewan kung inimbistigahan ng simbahang Katoliko ngayon. Dito niya unang ikinulong si Benhur Luy, pinagwardiyahan sa mga pari upang hindi makatakas. Pinalabas na pinag-retreat si Luy upang magsisi sa ginawa niyang panlalamang sa kanya (Napoles)! Tindi talaga! Ayaw niyang dumiretso si Benhur Luy sa mga “kliyente” niya, kaya binigyan niya ng leksiyon, na isang malaki niyang pagkakamali. Ang prayer house ang naging mitsa sa pagputok ng balita at nagkompirma na mayroon siyang ginagagawagn kababalaghan, kasabwat ang mga mambabatas.

Akala ni Napoles, dahil may siniswelduhan siyang mga pari na nagma-manage ng retreat house niya, ligtas na siya sa kasalanan. Ganito rin ang style ng isang mayor Sanchez na taga- isang bayan ng Laguna na convicted dahil sa pagka-rape niya sa isang estudyante na pinatay niya pagkatapos, kasama ang boyfriend nito. Pinalabas na hindi niya magagawa ang nakakarimarim na krimen dahil deboto siya ni “mama Mary”, religious daw siya at ilang beses sa isang araw pang nagro-rosaryo. Sa likod ng imahen ng Virgin Mary ito nagtago, dahil wala siyang retreat house.  Hanggang makulong siya, kasama niya ang maliit na rebulto ng Birhen. Nagtaka ang mga tao sa kulungan kung bakit tuluy-tuloy ang pagkawala ng kanyang katinuan at nakikitaan ng mga palantandaang makikita lamang sa mga drug addict. Yon pala, may stock siya ng droga na itinatago sa butas ng bandang ilalim ng rebulto! Si Napoles, saan kaya niya itinatago ang mga milyones na ninakaw niya?...sa loob kaya ng mga rebulto ng mga santo niya sa retreat house?

Dapat imbestigahan kung bakit may lakas ng loob si Napoles na magbitaw na masasabing pambihira o unusual na kahilingan sa mga Obispo… may pagkakampante ang hiling, na para bang inaasahan niyang siya ay mapagbibigyan. Hindi kaya dahil nawisikan niya ang mga ito ng grasya noong siya ay nasa laya pa, kaya ganoon ka-casual nang magbitaw siya ng hiling, at sa pagkakataong ito, siya ay “naniningil” na?  Minsan nang may umaming Obispo na nakatanggap ng pork barrel fund, mula sa gobyerno subali’t nagdepensa na “hindi daw niya alam” na galing ito sa pork barrel. Meron kaya sa kanila ang nakatanggap ng “grasya” mula kay Napoles?

May naguyo si Napoles na mga pari na nagbabantay sa retreat house niya…bakit hindi imbistigahan kung paano niya ito nagawa? Huwag nilang sabihin na legitimate ang retreat house na pinatatakbo ng religious group at “tinulungan” lang ni Napoles, dahil ganoon din ang ibig sabihin noon…kahit palabasing ang retreat house ay “donation” ni Napoles sa religious group at regular niya itong binigyan ng suporta para mamintina. Maganda nga namang pang-kober sa kanyang pagnanakaw sa kaban ng bayan…kung baga, inisip niya na magkasala man siya, meron siyang matitinik na taga-dasal upang mailigtas sa apoy ng impiyerno…mga pari pa, hindi tulad ng mga ordinaryong taong nagpapadasal sa simbahan ng Quiapo at katedral ng Sto. Nino sa Cebu, na ang gumagawa ay mga matatandang babae lang. Kung hindi alam ng mga naguyo niyang pari at iba pang mga taga -simbahang Katoliko ang mga illegal na mga gawain ni Napoles kahit bina-blind item na ang mga ito sa mga diyaryo at mismong mga broadcaster sa radio nang kung ilang taon na, aba’y nakapagtataka na! Bingi ba sila o hindi nagbabasa man lang ng diyaryo?…. hindi kaya na nagpapatunay lamang ito na tama ang kasabihang walang pinipili ang natatapalan ng pera?  


Ang taong may kulay- abong kaluluwa nga naman, gagawin lahat, makalusot lamang!

0

Ang Ospital ng Makati na may Letrang "B", at Ang Pagdugo ni Janet Lim-Napoles

Posted on Tuesday, 1 July 2014



Ang Ospital ng Makati na may Letrang “B”
At Ang Pagdugo ni Janet Lim Napoles
Ni Apolinario Villalobos

Marami ang nalungkot nang hindi ibinalik si Napoles sa kanyang bahay-bakasyunan sa Tanay, pagkatapos ng itinakdang panahon ng pamamahinga nang siya ay operahan sa Ospital ng Makati. Inasahan ko na ito – gagawa at gagawa ng paraan upang maantala ang paglabas niya sa ospital, at ang naisip ay ang pagdugo daw niya at diabetes.

May kaibigan ako na ang asawa ay sumailalim din sa operasyong katulad ng ginawa kay Napoles. Nakatira sila sa isang maliit na bahay, kinakapos pa ng pagkaing masustansiya, kung minsan pati gamot na nireseta, pero nakakaraos. Ang sabi ng doctor ni Napoles, sa Tanay daw ay hindi siya pwede dahil pati tubig na pampaligo at pambuhos sa kubeta ay sinasalok niya sa poso, at ang balde ay siya daw mismo ang nagbibitbit.

Kung diabetes ang problema, may mga gamot naman at ang mga sosyal niyang doctor na taga-St. Lukes ay pwedeng regular na pasyalan siya. Pansamantala, pwede sigurong bigyan siya ng female warden o police woman na aalalay sa kanya. Marami ring tauhan doon na maaaring maghakot ng tubig para sa kanya. Kung gusto niyang madagdagan ang lamig ng bahay, dagdagan ang bentilador.

Sa pagka-wise ng mga abogado at mga doktor ni Napoles, baka pinag-iisipan na nilang papedikyuran ito at sadyang pasugatan ang mga daliri sa paa upang hindi gumaling, dahil diabetic nga. Ang nagagawa nga naman ng pera! Maraming nababayarang taong kayang lunukin ang prinsipyo.

Nagustuhan yata ni Napoles ang ospital ng Makati. Ang sabi ng isa kong kaibigan paborito siguro niya ang letrang “B” na nakikita sa mga sulok nito. Pati daw sa kisame meron ding ganitong letra…yan ang sabi naman ng isang kilala ko na-confine na doon. Sabi ko sa kanya, hindi lang sa Makati merong letra na animo ay tatak ng pag-aari. Meron din sa ibang lunsod, subali’t upang hindi mahalata ay dinadaan sa kunwari ay mga slogan subali’t hina-highlight ang tatlong letra, mga initial ng pangalan ng nakaupong mayor.

Ang payo ko sa mga naghihimutok, magdasal na lang, nasanay na rin lang sila sa mga epekto ng mga kabalbalang pagnanakaw ng mga corrupt na mamababatas at iba pang opisyal ng pamahalaan. Pati ako sanay na rin, kaya nauunawaan ko na ang mga letra ay nagpapahiwatig na saang sulok man ng ating kawawang bansa tayo tumingin, nakikita natin ang mga nakakasukang tatak ng corruption.

0

Si Janet Lim-Napoles



Si Janet Lim- Napoles

Ni Apolinario Villalobos

Noong araw na ang Senado ay binisita
Ng isang ginang na ang buhok ay nakapusod
May wari’y ngiti sa isang sulok ng labi
At tinging diretso na para sa iba’y astig
Sa bulung-bulungan, gusali’y halos nayanig.

Siya si Janet Lim Napoles, taga- Zamboanga
Na ang buhay ay makulay, parang inspirasyon
Sa murang gulang, sumuong sa hirap ng buhay
Kahi’t ang inabot lamang ay mataas na paaralan
Pinakitang upang yumaman, maraming paraan.

Subali’t ang bantayog ng pagkatao nang lumaon
Unti-unting nagkalamat sa pag-usad ng panahon
Hindi nakuntento sa lumalagong legal na negosyo
Sa kagustuhang laliman pa ang nilulublubang yaman
Napagdiskitahan pati pinag-iingatang kaban ng bayan.

Kung magpalabas ng perang pandulas sa mga opisyal
Ang milyones kung ituring niya ay parang barya lang
Kung gumastos ng perang malinaw na hindi naman kanya
Wari mo’y nagdidilig ng mga halaman sa lupang tigang –
Mga mambabatas na ang kaluluwa’y maitim at halang!

Noong araw na siya nga ay dumating sa gusali ng senado
Tumigil ang orasan, lahat ay excited, tutok sat tv at radyo
Subali’t nang siya’y magsimulang sumagot sa mga katanungan
Lahat ay nadismaya, nagtaas ng kilay, maraming napamura
Sabi kasi, “di ko alam”, “I invoke…”, at “ewan ko sa kanila”.

Siya si Janet Lim-Napoles, may ngiting aso, tingin ay astig
May matatag na kalooban, high school graduate at matalino
Nagkamal ng pera ng bayan, nanloko ng mga mamamayan
May nagpapalakas daw ng loob, sa pader ay nakasandal yata
Kinilala ni Miriam, ayaw kong banggitin, pero siya’y matanda!


0

Ang Pagkawala ng Respeto sa Gobyerno

Posted on Thursday, 26 June 2014



Ang Pagkawala ng Respeto sa Gobyerno
Ni Apolinario Villalobos

Ito ay isa lamang obserbasyon….na may kalinawan naman. Kapansin-pansin na ang taong bayan ay wala na halos tiwala sa gobyerno. Kahi’t sa barangay, may mga ayaw na ring lumapit dahil kung may reklamo, iba-blotter lang naman daw, kaya kadalasan, diretso rin sa pulis ang mga kaso, at pagdating naman sa pulis, pagkatapos na ma-blotter uli, diretso sa pagpa-inquest, at pagkatapos ay ang nakakadismayang nangyayari…ang pagbayad ng piyansa, kaya ang maysalang nagnakaw, maski huli na sa akto, laya uli! Ang mga piyansa kakarampot na kayang bayaran ng ordinaryong snatcher. Bakit hindi ang bagay na ito ang rebisahen upang mabago ang mga halaga ng piyansa?

Kapag may sunog sa Maynila at sa mga kalapit na lugar, ang unang dumarating ay mga Chinese volunteers. Kung may reklamo sa pulis at kailangang habulin nito, kung minsan ang humihingi ng tulong ay hinihingan din ng panggasolina ng police car…kapos daw kasi sa budget. Talamak ang hingian ng lagay sa LTO, iyan ang sinasabi mismo ng mga may transaksiyon. Hindi masawata ng nasabing ahensiya ang mga fixer na naglilipana sa labas ng opisina. Isama pa dito ang mga reklamo laban sa Bureau of Customs, DSW, Department of Education, Culture and Sports, at iba pa.

Nang pumutok ang eskandalo tungkol sa pork barrel ng mga senador at mga kongresista, tumaas ang antas ng pagkawala ng respeto sa gobyerno. Nadagdagan ang blackeye ng dati nang bistadong tadtad ng anomalyang mga ahensiya tulad ng Department of Agriculture at National Food Authority. Gumapang paakyat ang kawalan ng respeto sa akala ng marami ay malinis na Department of the Budget and Management, na siyang itinuturong pugad ng katiwalian. Pinagpipilitan pa ni Janet Napoles na ang mismong hepe ng ahensiya ang nagturo sa kanya kung paanong makakulimbat sa kaban ng bayan.

Pati Malakanyang ay hindi nakaligtas sa mga pagbatikos. Unang hinagupit ang kanyang mga secretary at mga spokesperson na ayon sa media ay animo mga miyembro daw ng Student Council. Kung magsalita daw ang mga spokesperson niya parang nagsasambit na minemorays na talumpati - walang damdamin, walang laman. Ano pa nga ba at siyempre, natumbok din ang presidente mismo na ang talumpati tuwing State of the Nation address ay walang kwenta. Ang talumpati ay dapat na nagsasalamin sa kanyang isip, kaya ano pa nga ba daw ang aasahan sa kanya bilang presidente na maski isang ipinangako ay walang natupad?

Malungkot isipin na kung kaylan may banta sa seguridad ng teritoryo ng bansa at patuloy na pagbulusok ng ekonomiya, taliwas sa sinasabing nag-improve daw, lalo namang tumitindi ang kawalan ng tiwala sa presidente, sa kanyang administrasyon, at sa kabuuhan ng gobyerno. Sabi nga ng iba, hindi na kayang bolahin ng mga talumpati ng presidente ang taong bayan na patutuloy na naghihirap, samantalang nagpapasarap naman ang mga taong nasa poder sa pagnakaw ng pondo ng bayan, at ang iba pa nga daw sa kanila ay kaalyado niya.

Ang malaking tanong ay kung maibabalik pa ang nawalang tiwala, at kung sino ang dapat sisihin sa pagkawalang ito. Palagay ko ay iisa lang ang hula ng mga tao…magkakapareho, at hindi sila nagkamali, kahit na hindi banggitin kung sino.