0

Si Janet Lim-Napoles

Posted on Tuesday, 1 July 2014



Si Janet Lim- Napoles

Ni Apolinario Villalobos

Noong araw na ang Senado ay binisita
Ng isang ginang na ang buhok ay nakapusod
May wari’y ngiti sa isang sulok ng labi
At tinging diretso na para sa iba’y astig
Sa bulung-bulungan, gusali’y halos nayanig.

Siya si Janet Lim Napoles, taga- Zamboanga
Na ang buhay ay makulay, parang inspirasyon
Sa murang gulang, sumuong sa hirap ng buhay
Kahi’t ang inabot lamang ay mataas na paaralan
Pinakitang upang yumaman, maraming paraan.

Subali’t ang bantayog ng pagkatao nang lumaon
Unti-unting nagkalamat sa pag-usad ng panahon
Hindi nakuntento sa lumalagong legal na negosyo
Sa kagustuhang laliman pa ang nilulublubang yaman
Napagdiskitahan pati pinag-iingatang kaban ng bayan.

Kung magpalabas ng perang pandulas sa mga opisyal
Ang milyones kung ituring niya ay parang barya lang
Kung gumastos ng perang malinaw na hindi naman kanya
Wari mo’y nagdidilig ng mga halaman sa lupang tigang –
Mga mambabatas na ang kaluluwa’y maitim at halang!

Noong araw na siya nga ay dumating sa gusali ng senado
Tumigil ang orasan, lahat ay excited, tutok sat tv at radyo
Subali’t nang siya’y magsimulang sumagot sa mga katanungan
Lahat ay nadismaya, nagtaas ng kilay, maraming napamura
Sabi kasi, “di ko alam”, “I invoke…”, at “ewan ko sa kanila”.

Siya si Janet Lim-Napoles, may ngiting aso, tingin ay astig
May matatag na kalooban, high school graduate at matalino
Nagkamal ng pera ng bayan, nanloko ng mga mamamayan
May nagpapalakas daw ng loob, sa pader ay nakasandal yata
Kinilala ni Miriam, ayaw kong banggitin, pero siya’y matanda!


Discussion

Leave a response