0

Ang Sampung Kasabihan ni Juan

Posted on Tuesday, 1 July 2014



Ang Sampung Kasabihan ni Juan
Ni Apolinario Villalobos

Mayaman ang kultura sa bayan ni Juan, kung saan ay may makikitang maaalindog na mga babae, matitikas na mga lalaki, subali’t ang mga lider dahil sa sobrang kabaitan ay malalamya. Mabuti na lang at maski papaano ang yaman ng kultura ay nagbigay- kulay sa salita nila na maliban sa pagiging matalinghaga ay namimintog sa hiwaga, na nang sumabog ay nagpaulan ng mga kasabihang makulay, at ang mga sumusunod ay halimbawa:

1.      Ang kumain ng mabilis ay naeempatso, nagtitibi, kaya napapangiwi habang nakaupo sa enudoro.  (Tulad yan ng gobyerno na dahil sa pagmamadaling makapagsampa kuno ng kaso laban sa mga tiwaling mambabatas na hindi kapanalig ng gobyerno, ay napapangiwi sa kahihiyan dahil sa nadiskubreng mga mali sa isinumiteng mga dokumento.)

2.      Ang naglakad ng mabilis habang nakalingon ay natisod, sumemplang at halos hindi makabangon. (Tulad yan ng isang tao na maya’t maya ay lumilingon sa dating administrasyon na binabato niya ng sisi sa mga nangyayari sa kanyang kasalukuyang administrasyon, kaya sa kalilingon niya, hindi niya napansin ang mga sagabal sa dinadaan niya…na mga tao palang inilagay niya sa pwesto, kaya sa pagkasemplang niya, halos hindi na siya makabangon.)

3.      Ang nagtataas-noo ng matagal ay nagiging sinungaling. (Tulad yan ng mga mananalita ng Malakanyang na halos estatwa sa kanilang pagtataas-noo, feeling tama sila at mga matatalino, kaya natuluyan ang mga mukha na nawalan ng expression habang nagsasalita…dahil siguro sila mismo ay hindi na rin naniniwala sa kanilang sinasabi.)

4.      Ang nakinabang sa pork barrel ay masaya. (Obvious ba? Kaya sa mga bulwagan ng senado at kongreso, palaging may maririnig na halakhakan…masasaya sila!)

5.      Ang may planong tumakbo sa 2016, madalas mag-fund raising. (Tulad yan ng mga mambabatas na malayo pa ang eleksiyon ay nag-iisip na kung paanong makakulimbat ng limpak-limpak na milyones sa kaban ng bayan, kaya sila-sila ay nagsisilipan…nag-aakusahan “kuno”.)

6.      Ang nag-aakalang Diyos siya, bukambibig ang “…tamaan man ako ng kidlat”. (Tulad yan sa senado na hindi lang iisa ang may ganyang ugali…kaya sana ay mangyari nga, para marami ang pumalakpak!)

7.      Ang hindi kumakain ng NFA rice, hindi alam ang mga price hike. (Tulad yan ng mga tao sa gobyerno na hindi naaapektuhan ng mga pagtaas ng mga presyo, dahil ang halaga ng bigas na binibili nila ay hindi bababa sa 60pesos, at ang ulam nila ay palaging steak kaya hindi nararamdaman ang pagtaas ng presyo ng mga rekado na kailangan sa pagluto ng pinakbet, sinigang at paksiw.)

8.      Ang taong bihirang magsalita, “nagpapaganda” pala ng tirahan. (Tulad yan ng isang tagapagtanggol daw ng batas, na sabi nila, kaya daw tahimik ay pinag-iisipan kung anong kulay ang ipipinta sa tinitirhang ginastusan ng milyones na pera ng taong bayan….puti ba? asul ba? green ba?...o pink!

9.      Hindi lahat ng babaeng walang matres ay transsexual. (Napatunayan yan ni Janet Lim Napoles…pwede siyang bisitahin upang personal na tanungin kung bakit.)

10.  Ang taong hindi nakakarinig ng mga suhestiyon, puno ng tutule ang mga tenga. (Tulad yan noong isang taga tabing-ilog…na alam nyo na.)

Ang mga kasabihang ito ni Juan ay maingat niyang pinag-iingatan at itinago sa tampipi at upang hindi ipisin ay  inispreyhan niya ng gamot na made in China…mura ang pagkabili niya sa mall na ang may-ari ay intsik, at ang nagbenta over the counter ay singkit na maganda at animo ay nakulapulan ng arena sa kaputian, duda niya ay TNT galing mainland China.

Discussion

Leave a response