0

Umeksena na Naman si Loren Legarda...bakit kaya?

Posted on Tuesday, 8 July 2014

Umeksena na Naman si Legarda
…bakit kaya?
Ni Apolinario Villalobos

Maraming nagtataka kay senadora Loren Legarda, dahil mas pinili pa ang manahimik sa kabila ng pag-ulan ng mga isyung may kinalaman sa responsibilidad niya bilang chairman ng komite tungkol sa kalikasan. Matagal nang ginagawa ang pagmimina ng itim na buhangin mula sa mga dalampasigan ng ilang barangay sa norte. Patuloy ang mga illegal logging sa Mindanao, Visayas at Luzon…patuloy ang illegal fishing sa Palawan…patuloy ang pagnanakaw ng mga Tsino ng mga likas na yamang dagat ng Pilipinas…wala pa ring nagawang solusyon para sa matagalang ikalulutas ng mga water hyacinth na nagpapabara ng ilog Pasig at malalaking ilog sa Mindanao. ..patuloy pa rin ang illegal na pagmimina ng ginto sa Mindanao. Para sa lahat ng mga nabanggit, ni isang kataga, walang narinig sa senadora. Mabuti pa si Mrs. Villar na ngayon ay senadora na, nagpasimuno ng handicraft upang mapakinabangan ang water hyacinth.

Satisfied na yata siya sa mga na-ribbon cutting na tree- planting projects kung saan ay napiktyuran siyang nagpapala kunyari, na ang suot ay puting long sleeves na damit. Magkano kaya ang mga nagastos na pork barrel sa mga ganitong “greening projects” daw? Ngayon, mas mataas pa ang talahib kaysa mga itinanim na mga seedlings ng mga puno. Ganyan ang karaniwang ginagawa – magsisimula ng proyekto kunwari upang makapaglabas ng pondo at kung nahawakan na ang pera….bahala na kayo diyan! Wala man lang silang ginagawang mga progress report. Kung meron man, hinahamon ko ang senadorang maglabas ng mga ito! Magsama siya ng mga taga-media upang maipakitang hindi hanggang ribbon cutting lamang ang nangyari sa mga proyektong inumpisahan niya upang maging dahilan sa pag-release ng mga budget! Kumain pa man din ng malawak na media coverage ang mga seremonyas, hinayaan lang palang tubuan ng mga talahib, kaya ang mga itinanim, kung hindi namatay, ay bansot!

Ang sinasabi niya sa pinakahuling conference tungkol sa mga disaster, na dapat daw ay bigyan ng kopya ng mapa ang mga barangay at iba pang mga kinauukulang ahensiya upang magkaroon ng batayan sa pag-ingat, ay matagal nang ginagawa….huli na siya, kawawa naman, nagmukha tuloy tanga sa harap ng kamera. Mayroong mga posters na nagsasabi kung paanong makapag-ingat ang mga tao kapag may lindol, ganoon din kung paanong makaligtas sa baha at bagyo.

Bakit bigla siyang “lumitaw” at nagngangawa sa harap ng kamera ng mga litanya upang mailigtas daw ang kalikasan sa kapahamahakan? Hindi ba niya alam na matagal nang nakatanim sa katinuan ng mga Pilipino na malaking pinsala halimbawa,  ang naidudulot ng mga nakalbong bundok dahil sa illegal logging? Ang mga katutubo na hindi nakapag-aral, alam nga ito, kaya ingat na ingat sila sa paggamit ng mga bahagi ng gubat na kanilang kinakaingin na kung tawagin ay “slash ang burn” system! Wala na yatang masabi o ma-research sa mga aklat na isinulat ng mga banyaga tungkol sa kalikasan si Legarda! Bakit hindi na lang siya gumamit ng pork fund niya upang makaupa ng mga helicopter, at mula sa kalawakan ay magsaboy ng mga buto ng mga ipil-ipil man lang na madaling tumubo, sa mga kalbong bahagi ng bundok lalo na kung tag-ulan? Hindi milyones ang kailangan para gawin yan!

Isa si Legarda sa pinagpapaliwanag tungkol sa eskandalong dulot ng pork barrel at DAP. Matagal siyang nanahimik, dahil kaya hirap siya sa paghabi ng paliwanag? Paano nga naman siyang magpaliwanag kung wala siyang hawak na batayan? Gusto yata niyang magtanim ng impression sa utak ng mga Pilipinong hanggang ngayon ay niloloko nilang mga mambabatas, na siya ay may ginagawa – kahi’t man lang maglitanya ng mga linyang kung ilang ulit niyang binigkas sa harap ng kamera, kaya nakakasawa nang pakinggan. Naging opportunity na naman sa kanya ang press conference kahapon, July 8, para gawin ang paglilitanya, naka-close up pa sa camera. Tanggalin sana niya sa isip niya na kaya niyang lokohin ang mga Pilipino hangga’t nasa senado siya, dahil ito ay isang pang-iinsulto sa katalinuhan ng Pilipino. Dapat niyang isipin na ang lahat ng bagay ay may hangganan – lalo na ang panloloko!

Sa inilabas ng media na listahan ng mga code names ng mga kliyente ni Napoles, kung si Jinggoy ay “seksi”, si Bong ay “pogi”, si Enrile ay “tanda”, si Legarda naman ay “dahon”. Kasama rin si Legarda sa nabigyan ng pondo ng presidente sa ilalim ng DAP, at pinagpapaliwanag ngayon kung saan napunta ang naibigay sa kanya. 

Kung noon ay may mga fertilizer na pang-halamang hardin, na pinamigay sa mga magsasaka ng palay at napatungan ng kung ilang daang porsiyento, at kung anu-ano pang mga bagay na pangsakahan, lumabas lang na nagasta ang pondo, ngayon kaya, pagdating sa mga proyektong pangkalikasan, ano ang mababanggit?...seedlings?....maintenance?....pesticide chemicals?
Hindi masama ang magtanong kung ang layunin ay kaliwanagan ng isyu, di ba?

Ang isang dapat tandaang leksiyon: hindi habang buhay na nakakabit ang dahon sa sanga ng halaman…pagdating ng panahon, ito ay natutuyo, nalalagas…



Discussion

Leave a response