Ang Pagri-react
Posted on Thursday, 3 July 2014
Ang
Pagri-React
Ni Apolinario Villalobos
Dapat ituring ang ibang tao na ating
salamin. Sa kanila natin nakikita kung minsan ang mali nating aksiyon o salita.
Tandaan na hindi natin nakikita ang ating sarili. Kailangan natin ang salamin.
Kadalasan akala natin ay tama tayo sa ating ginagawa o sinasabi hanggang may
makita tayong ibang tao na ginawa din ang ginawa natin at na-realize na mali
pala. Ang isang halimbawa ay nang makakita ako ng isang taong lasing na wala sa
sarili, umiihi at sumusuka kung saan na lang, na maling-mali. Na-realize ko na
ginagawa ko rin pala kung lasing ako, kaya isa ito sa dahilan ng pagtigil ko sa
pag-inom ng alak. Nang may nakita akong basta na lang natumba dahil sa
kalasingan, nalaman kong na-stroke pala, sinabihan ako na yong tao ay matagal
na palang nakakaramdam ng iba’t ibang senyales na patungo sa stroke, hindi pa
rin tumigil. Na-realize ko na naman na ganoon din pala ako, kaya tuluyang
tinigil ko na ang pag-inom ng alak.
May ibang tao na dahil sa pride, kahi’t
nakikita na sa iba ang mga pagkakamali niya, ayaw pa ring tablan ng pagsisisi
upang siya ay magbago. Ang katwiran ng taong
ito ay buhay daw niya ang dala niya kaya walang pakialam ang iba. Mali
ang katwiran dahil maraming taong apektado ng kanyang masamang ugali. Ang magandang
gawin ng taong ito na may mataas na pride
ay tumira sa gitna ng palanas o gubat kung saan ay wala siyang
kapitbahay. Ang masama lang, mga hayop naman na walang kalaban-laban ang
maaapektuhan ng masama niyang ugali.
Kaya binigyan ng Diyos ng talino ang tao ay
upang maging gabay sa pag-react sa mga nangyayari sa kanyang paligid, kasama na
diyan ang ginagawa ng kapwa tao, na dapat ay ituring na salamin. Inaasahan na
sa magandang paraan gagamitin itong talino dahil kung kukubabawan din lang ng
masamang budhi ng tao, mawawalan ito ng saysay. Sa taong matalinong
naka-realize na mali pala ang ginawa niya nang makita ito sa iba, ang sinasabi
o iniisip kadalasan ay “oo nga…”. Sa tao namang mataas ang pride na ayaw
papigil sa pagpapatuloy ng kanyang masamang ugali, ang sinasabi niya ay “eh,
ano ngayon?” o di kaya ay “…manigas sila!”.
Maraming libel ang realization. Ang unang
libel ay sa loob ng tahanan na ang apektado ay mga miyembro ng pamilya. Ang
sunod na libel ay ang maliit na komunidad tulad halimbawa ng subdivision na
ginagalawan ng pamilya, at ang apektado ay mga kapitbahay. Ang sunod na libel
ay mas malaking komunidad tulad ng barangay…ang sunod ay libel ng bayan o
lunsod. Ang pinakamataas ay bansa, na ginagalawan ng buong lahi.
Mahalaga sa isang namumuno ng bansa na
maging sensitibo siya sa mga naririnig, nababasa at nakikita. Ang malaking
pagkakamaling magagawa niya ay ang makinig sa mga taong nakapaligid sa kanya na
akala niya ay mga mapagkakatiwalaang kaibigan. Simple lang naman ang mga tanong
na dapat ay itanong niya sa sarili niya batay sa nakikita niya:
-kung ako ay hindi presidente at walang
permanenteng trabaho, kaya ko kayang pakainin ang pamilya ko batay sa mga mga
lampas- ulong mga presyo ng mga bilihin?
-kung hindi ako presidente, tatawa lang ba
ako kahi’t na halatang ginagago ako ng gobyerno?
-kung hindi ako presidente, kayakayanin
kaya ng katinuan ko na makita ang mga mahal ko sa buhay na nauulanan at
nabibilad sa araw sa bangketa pagkatapos na ma-demolish ang bahay namin?
-kung hindi ako presidente, maisipan ko
kayang tumalon sa tulay dahil sa kawalan ng pag-asa?
-kung hindi ako presidente, kakagatin ko
rin kaya ang mga pangakong panloloko pala ng mga recruitment agency upang
makarating sa kung saang bansa upang kumita ng maayos na suweldo dahil sa
Pilipinas ay walang pag-asang makahanap ng trabaho?
-kung hindi ako presidente, makailang balik
kaya ang gagawin ko sa pilahan ng NFA rice upang makabili ng marami-rami upang
magkasya sa pamilya sa loob ng dalawang araw man lang, dahil limitado ang
binibenta sa bawa’t mamimili?
-kung hindi ako presidente, makakaya kaya
ng pamilya ko ang kamahalan ng kamatis at sibuyas na ginagawa na rin naming
ulam?
-kung hindi ako presidente, hindi kaya ako
maluluha habang tinitingnan ko ang mga anak kong papasok sa eskwela nang hindi
man lang nakapag-almusal at wala man lang pambili ng murang tsitserya para sa
tanghalian?
-kung hindi ako presidente, mangangalkal
din kaya ako sa tambakan ng basura upang may maipakain sa pamiya ko?
-kung hindi ako presidente, mamumulot din
kaya ako ng mga tirang pagkain sa basurahan ng mga restaurant at pagpagan ng
mga butil ng kanin, upang mailutong batsoy para sa pamilya ko?
-kung hindi ako presidente, maipagmamalaki
ko pa kaya ang pagka-Pilipino ko?
ANG REAKSIYON KO SA HULING LINYA…DAPAT LANG
IPAGMALAKI PA RIN ANG PAGIGING PILIPINO, AT ANG IKAHIYA AY ANG KASALUKUYANG
GOBYERNO!
Discussion