0

Mga Tanikala ng Buhay

Posted on Friday, 11 July 2014

Mga Tanikala ng Buhay
Ni Apolinario Villalobos

Pinagdugtong na binilog na bakal, kawing-kawing -
Sa tao ay gumagapos
Hindi lang mga kamay
Pati na rin mga paa niya
Kaya paghakba’y di magawa.

Sa pagsilang pa lang ng iba sa sabsaban ng kahirapan –
Palad nila ay ginuhitan
Na tila may pagbabadya
Kung anong madadatnan
Batay sa kanyang kapalaran.

Mga tanikala ng buhay, iba’t ibang anyo, lahat mabigat
Mayroong kamangmangan
Mayroon namang pang-iisa
Mayroon pa ring panlalansi –
Ng kababayang hindi nagsisisi.

Mga tanikala, hanggang kaylan kakayanin ang bigat?
-ang higpit na nakakasugat?
-ang higpit na nakakasakal?
Ilang hakbang pa ang makakaya?
Upang marating ni Juan ang liwanag ng pag-asa!

  




Discussion

Leave a response