Bohol
Posted on Tuesday, 8 July 2014
Bohol
Ni Apolinario Villalobos
Noong nag-aaral pa lang ako, ang madalas kong marinig na
biro ay hindi daw sakop ng Pilipinas ang Bohol, kaya ang mga Boholano ay
“foreigner”. Pinaniwalaan noong ligtas sa lindol at bagyo ang Bohol. Subali’t
nasira ang paniwala nang kung ilang beses na hagupitin ng likas na trahedya ang
islang probinsiya.
Ang ikinabigla ko nang una akong tumapak sa Bohol ay ang
parang tubig na pagsilbi ng pepsi cola at tuba sa mga kainan. Mas luma o bahal
ang tuba mas mainam na panghalo sa pepsi cola. Pero meron namang may gusto ng
bagong tuba na matamis. Dahil nasarapan ako sa natikman kong inumin na bago sa
aking panlasa, mas marami akong naimon nito kaysa nakaing tanghalian kaya,
hindi pa lumubog ang araw noon ay na-flat na ako sa higaan.
Noong panahon na binisita ko ang Bohol, hindi pa ito
masyadong na-develop para sa mga turista. Kinilala ng PAL ang potential ng
probinsiya bilang isang pangunahing puntahan ng mga turista pagdating ng
panahon, at hindi nga nagkamali ang kumpanya, kaya hindi rin nasayang ang mga
ginastos sa research at promotion na ginawa nito. Kung noon kasi, kinilala lang
Bohol dahil sa Chocolate Hills, kalaunan nakilala na rin ito dahil sa iba pang
magagandang pang-akit nito.
Ang mga likas na pang-akit ng probinsiya ay ang Chocolate Hills sa Carmen, Badiang Springs
sa Valencia, Tontonan Falls sa Loboc, Banati Hills, at Hinagdanan Cave ng
Dauis, kung saan ay may matatagpuang bukal, at maliit na lawa. Ang pinakatanyag
namang wildlife ng isla ay ang tarsier or tarsius, na dati ay hindi mahawakan
dahil sa pagiging mailap nito sa tao, subali’t naaalagaan na rin ngayon sa mga
zoo. Ang “tarsier” ay unang natagpuan sa mga bulubundukin ng Corella. Kung
lumang simbahan naman ang pag-uusapan, nasa Bohol matatagpuan ang mga lumang-lumang
simbahan tulad ng nasa Baclayon, Maribojoc, Dauis, Alburquerque, at Loboc. Sa
kasamaang palad, ang mga simbahang ito ay napinsala ng lindol, ilang taon na
ang nakalipas.
Makikita sa Bool ang shrine ng sandugong ritwal (blood
compact) na ginawa nina Datu Sikatuna at Miguel Lopez de Legazpi. Ito ang
itinuturing na unang may dangal na pagkakasundo sa pagitan ng Pilipino at isang
dumayong banyaga. Ang isa pang hindi dapat palampasin sa lista ng bibisitahin
kung nasa Bohol ay ang Magsaysay Camp sa Bilar na ang tubig ng swimming pool ay
galing sa isang bukal.
Dahil isla, marami ring malilinis at magagandang beaches ang
isla, na ang mga tanyag ay tulad ng nasa Duljo at Panglao na lubusan nang
na-develop. Marami ring maipagmamalaking produkto ang probinsiya tulad ng
“calamay” na gawa sa minatamis na kaning malagkit at isinilid sa bao ng niyog
na paikot na sinilyuhan ng kulay pulang “tape”, mga hinabing wall décor, mga
banig, basket, muwebles na yari sa kawayan at yantok, at mga lutuang luwad o
clay.
Ang mga Boholano ay kilalang masisipag kaya hindi nakapagtatakang
noong sa Tablas pa ako, marami akong nakilalang dayong Boholano na ang layon ay
bumili ng dilis na halos hindi pinapansin sa Romblon. Bultuhan sila kung mamili
nito at tinitimplahan agad ng asin upang hindi mabulok habang nilalayag pabalik
sa Bohol, kung saan ay kukumpletuhin ang pagtimpla upang gawing “ginamos” na
itinuturing na espesyal dahil ang ginamit na dilis ay hindi bilasa.
Noong panahong pinasyalan ko ang Tagbilaran, isa pa lamang
itong karaniwang malaking bayan, at ang schedule ng eroplano ng PAL ay hindi
regular, kaya ang isang paraan upang marating ito ay sa pamamagitan ng mga
ferry galing sa Cebu. Kalaunan ito ay
naging lunsod na mabilis ang pag-unlad at naudlot lamang ng makadanas ng paglindol.
Subali’t dahil sa kasipagan ng mga Boholano, nakikitaan ang probinsiya ng
mabilis na pagbangon.
Sa makakarating ng Bohol, siguradong mababago ang pananaw sa
Boholano na kalimitang tampulan ng biro. Mapapalitan ito ng respeto dahil sa
ugali nilang mapamaraanin at kasipagan –mga kababayang taas noong
maipagmamalaki ng bawa’t Pilipino.
Discussion