Aminin
Posted on Monday, 14 July 2014
Aminin…
Ni Apolinario Villalobos
Aminin mo, na bilang magulang, kung minsan
ay may mga pang-aabuso kang ginagawa sa mga anak mo tulad ng halos nakakasakal
nang pagkontrol sa lahat ng galaw nila. Ang gusto mo ay ikaw palagi ang
nasusunod para lang maipakita ang pagkamagulang mo, kahit na kung minsan ay
lumalampas ka na sa hangganan. Para magkaroon ka ng kapayapaan ng damdamin at
kaisipan, dapat mong tanggapin ang katotohanan na ang mga anak ay maaari nang gumawa ng desisyon para sa kanila pagdating ng
tamang panahon. Para hindi ka mangamba na sa pagtanda mo ay hindi ka aagapayan
ng anak mong madalas mong pagalitan, pag-ipunan mo ang panahon na yon. Kung
nagkataon na ang anak mo ay suwail at hindi man lang makalingon sa iyo kung
saan siya nanggaling, magpasalamat ka na lang sa Diyos na nakatapos ka sa iyong
obligasyon at lahat ay ginawa mo para sa ikaaayos sana ng kanyang buhay,
subali’t talagang matigas ang ulo niya. Move on ka na lang, lalo na kung may
iba ka pang anak na dapat asikasuhin.
Aminin mo, na bilang anak ay marami kang
mga pagkukulang sa mga magulang at mga kapatid mo kung minsan. Kung nakakatanda
ka, amining kung minsan ay bino-bully mo ang mga nakakabata mong mga kapatid
para ipakita sa kanila na ikaw ay “hari” ng tahanan. Kung minsan ay nagiging
bastos ka sa pakikipag-usap sa iyong mga magulang, lalo na kung hindi nila
napagbigyan ang iyong gusto, tulad halimbawa, ng pagkakaroon ng bagong modelong
hi-tech na cellphone, o di kaya ay hindi ka pinayagang sumama sa barkada mo na
nag-out of town. Gusto mo ring pairalin ang gusto mo tungkol sa love life mo
kahi’t na maraming mali, saang anggulo man tingnan. Nakapag-aral ka naman kaya
dapat maunawaan mo na ang bulag na pag-ibig ay nakakapraning kaya maraming
maling desisyon kang nagagawa. Kung babae ka, sumasama ka sa motel kaya wala sa
panahon ang iyong pagbubuntis. Kung lalaki ka, nag-uuwi ka ng itinanang babae
na hindi na nga marunong magsaing,
sumasagot pa sa iyong ina. Kung hindi kayo nakakariwasa sa buhay, dapat mong
unawain na pinipilit pag-ugpungin ng mga magulang mo ang magkabilang dulo ng
budget upang magkasya sa mga araw-araw na gastusin. Ikinahihiya mo ang nanay
mong waitress sa isang beerhouse, o isang maikyurista o isang labandera, o
nagtitinda sa bangketa na kung habulin ng pulis ay nagkakandarapa sa pagtakbo. Ikinahihiya mo, na ang tatay mo ay
naglilinis ng kubeta sa ibang bansa o construction worker sa Middle East, o
driver ng jeep na kung mahuli ay halos humalik sa puwit ng traffic enforcer
huwag lang matikitan. Magbago ka. Alalahanin mo ang Golden Rule. Kung anong
ginagawa mo sa magulang mo ngayon, gagawin din sa iyo ng anak mo pagdating ng
panahon.
Aminin mo, na bilang tauhan ng parukya at
namamahala sa pangangailangan ng pagmimisa, hindi mo rin maiwasan ang manira ng
kapwa. Hindi mo alintana ang pangakong hindi man nakasulat ay dapat mong
sinusunod dahil dala mo ang imahen ng pananampalatayang Kristiyano, kaya dapat ay
pinipilit mong maging mabait. Kasama mo rito ang karamihan din na buong pusong
nananampalataya sa Diyos, subali’t paglabas ng simbahan kung saan ay halos
magka-stiff neck sa pagtutok sa altar kung may Misa, ay sanga-sanga pala ang
hilatsa ng dila kaya parang walang ano man kung magpakalat ng tsismis. Aminin
ninyo ang kaipokrituhan upang maging epektibo ang mga dasal na nakalaan sa
pagbabago sana ninyo. Huwag kayong maglakad nang nakataas ang noo na animo ay
walang ginawang masama. Matakot kayo sa karma, lalo na at isinasangkalan ninyo
ang Diyos sa inyong pagkukunwari.
Aminin mo, na bilang pari ay may mga
pagnanasa ka ring tulad ng ibang taong hindi naka-sotana- pagnanasa sa lahat ng
bagay, hindi lang sekswal, kundi pati na rin materyal, lalo na pera. Huwag mong
ipamayagpag na banal na banal ka na dahil graduate ka sa seminaryo. Huwag
idahilan ang pagmi-Misa upang mangalap ng maraming pera. Dapat mong unawain na
may mga mahihirap na barangay kang pinagmimisahan, kaya hindi kaya ng mga taong
maglagay ng malaking halaga sa mga sobreng pilit binibigay sa mga dumadalo…at liban sa sobre,
may iniikot pang buslo upang lagyan uli ng offering, kung minsan dalawang beses
pa. Hindi ka dapat nagdidikta ng mga kung anu-anong fund-raising upang
makalikom ng pera na ang palaging dahilan ay repair ng simbahan. Dapat lang
talaga na magbigay ang tao para sa inyo dahil wala kayong suweldo, subali’t ang
pilitin ang mga tao kahit na halos ay wala na ngang makain…ibang usapan na
iyan.
Aminin mo, na bilang opisyal ng pamahalaan,
sangkot ka sa mga katiwalian, kahit sabihin nating maliit lang. Huwag mong
ipagkaila ang ilang beses nang paggawa ng maling report upang mapagtakpan ang
mga kamalian at kakulangan ng mga bagay na inaasahan mula sa inyo. Ikaw na nasa
bandang itaas ng hirarkeya ng pamahalaan, aminin ang mas malaking katiwalian
dahil mas malaki ang responsibilidad mo. Kampante ka dahil may piring ang mga
mata ni Binibining Hustisya kaya akala mo ay hindi nakita o nakikita ang iyong
pangungurakot. Kaya hangga’t hindi
napapatunayan sa korte ang paratang, pinipilit mong inosente ka talaga!
Talagang wise ka!
Lahat tayo ay may mga ginawang kasalanan,
subali’t hindi natin dapat gawing dahilan ang pagiging hindi natin perpekto
bilang tao, kaya tayo nagkakasala. Dapat may pagpipilit pa rin mula sa atin na
huwag gumawa ng masama. Kung talagang hindi na maiwasan…. umamin. Amining may
sugat upang magamot. Paanong makatulong ang dasal kung wala naman palang
kasalanan na dapat iligtas ng dasal? Baka lumampas lang sa langit ang taong
tinutukoy ng dasal! Hindi pwedeng baliktarin ang dasal upang makabalik sa lupa
ang ispiritu ng taong lumampas sa langit. Higit sa lahat, matakot sa Diyos na nakakakita
ng lahat.
Discussion