0

Ang Mga Fund-Raising sa Ating Bansa

Posted on Tuesday, 1 July 2014



Ang Mga Fund-Raising
Sa Ating Bansa
Ni Apolinario Villalobos

Kung ating pansinin, ang mga pulitikong nasa poder  ay may mga kamag-anak din na kung hindi cabinet secretary ay iba pang puwestong makapangyarihan. Ang ganitong sitwasyon ay hantarang bahagi ng tinatawag na web of political dynasty and corruption – parang bahay ng gagamba na maganda ang pagkakakahabi - matibay. Halimbawa na lang ang mga mayor o gobernador sa ibang probinsiya na may kamag-anak, first degree man o may konting kalayuan, sa mga nakaupo sa mga ahensiya ng gobyerno. Hindi kalaunan, sa pagtatapos ng term ng mga kamag-anak sa kanilang pwesto sa probinsiya, papalit ang mga kamag-anak na dating mga nasa ahensiya – na nakilala na rin, salamat sa pangulo na nagtalaga sa kanila.

Upang mapanatili ang paghawak- tuko sa mga pwesto ng mga ito, yong kailangang idaan sa botohan sa eleksyon, kailangan ng pondo. Kailangang magkaroon ng “fund raising”. Isa sa mga palaging binabanggit ng mga diyaryo kung bakit pinag-iinitan ng taga-administrasyon sina Jinggoy Estrada at Bong Revilla ay dahil sa ambisyon nilang maging president at bise-presidente sa darating nga eleksiyon. At kaya daw sila nasangkot sa pork barrel scam ay dahil nag-fund raising sila upang makalikom ng malaking halaga na magagamit sa pangangampanaya. At dahil hinaharangan sila sa plano nilang ito, ganoon na lang kung idiin sila sa kaso.

Makikita sa mahabang listahan ni Napoles ng mga “kliyente” niya na ang mga apilyedo ay mga pangalan ng mga kilalang pulitiko sa iba’t ibang probinsiya at bayan. Mga taong nagpapagawa kunwari ng mga project para sa mga tao subali’t siniguro na may malaki silang kikitain na hindi hamak. Ang hindi alam ng mga tao, halos barya lamang ang ginastos sa mga proyekto kung ihambing sa mga kinita ng mga opisyal na ito. Nariyan ang fly-over na tawiran ng mga tao sa isang maliit na bayan ng Mindanao, na hindi naman sana kailangan, mga naglipanang basketball court at multi-purpose halls na pinakamadaling gamitan ng padded na budget, mga livelihood seminar “daw”, at kung anu-ano pa. Masaya ang mga tao, akala nila mahal sila ng kanilang mga opisyal, yon pala kinakasangkapan lamang sila upang makapag- fund raising!

Sa ganitong isyu, hindi na makatotohanan ang patakaran ng COMELEC tungkol sa limitasyon sa gastos ng bawa’t kandidato tuwing eleksiyon. Pati na rin kasi ang halagang pambili ng boto ay kasama na rin sa budget ng mga kandidato. Saan naman sila kukuha ng panggastos? Eh, di kay tatay o nanay na nasa kongreso o senado, di kaya ay kay pinsan na may mahalagang pwesto sa gobyerno tutal siya rin naman ang papalit bilang mayor o gobernador pagdating ng panahon, o di kaya kay utol na isang pirma lang sa isang kontrata ay milyones na ang kita, uuwi rin sa probinsiya upang maging mayor o gobernador! Ang Napoles issue ay isa lamang patak ng tubig sa basong halos ay umaapaw na. Marami pang ibang  pinagmumulan, na hanggang ngayon ay pinagtatakpan.

Nakapagtataka pa ba kung bakit hindi matutuldukan ang political dynasty at corruption sa ating bansa? Pati nga simbahang Katoliko at mga Obispo ay naambunan!

Discussion

Leave a response