0

Pwede Ba ang Subway sa Maynila?

Posted on Wednesday, 2 July 2014



Pwede Ba ang Subway sa Maynila?
Ni Apolinario Villalobos

Hindi lang malaman kung pinag-iisipang mabuti ang mga proyekto ng gobyerno. Hindi malaman kung seryoso ang mga may pakana ng mga ito. May mga skywalk sa liblib na mga lugar, makikita ito sa Davao del Sur, kung saan ay madalang naman ang mga sasakyang dumadaan. May mga waiting sheds na ang katabi ay isang nakapaskel na babalang bawal ang magbaba at magsakay ng pasahero. May mga posong sa tabi ng highway, malayo sa mga kabahayan. May covered basketball court sa tabi ng basketball court na walang bubong. May allowance sa mga nanay na mahihirap para sa mga anak na nag-aaral. Pinayagang i-convert na workbook ang mga textbook kaya tuwing pasukan obligadong bumili ng bago ang mga magulang. Marami pang iba na halatang pinagkaperahan lang.

Nitong huling mga araw, matunog ang balitang magkakaroon naman daw ng subway ang Maynila na may habang 20 kilometro. Subway? Sa isang binabahang lunsod, kung saan ay may makikitang fly-over na binabaha din? Nahihibang na ba sila? Kung ang LRT at MRT nga ay hindi maayos-ayos ang pagpatakbo kay kung may palya, bumababa ang mga tao sa riles upang maglakad patungo sa terminal ng mga ito, paano na kung binaha ang subway? Palalanguyin ba ang mga pasahero sa kahabaan nito na 20 kilometro? Bulag ba ang mga may pakana sa mga pagbabaha ng Lagusnila at yong dalawang underpass sa Quiapo? Ang joke sa Maynila ay,  isang pusa lang daw ang umihi sigurado na ang baha!

Ang mga subway, ay angkop lamang sa mga lunsod tulad ng sa ibang bansa na may malalaking tubo o daluyan ng drainage system at wala niyan ang Maynila! Baguhin muna dapat ang drainage system upang masiguro na hindi bahain ang subway kung itutuloy man ito. Isa pa, walang maaasahang high standard management consistency sa sistema ng gobyerno ng Pilipinas. Ano ba ang mga structures na-maintain ng maayos? Ang mga ilaw  sa mga tulay, lalo na ang mga nasa Maynila, puro wasak – basag! Ang mga kubeta pampubliko, madudumi – hindi regular na nalilinis! Ang mga bahaging ilalim ng LRT at MRT, hindi rin namimintina. Ang mga Quiapo underpass, hindi na nawalan ng mga illegal vendors na mas marami pa kaysa mga dumadaan dito, puro marurumi pa. Maraming public buildings na marurumi at hindi rin regular na naaayos. Magaling lang ang gobyerno kung bagong gawa ang mga structures dahil may ribbon cutting, launching at kung anu-ano pang kasosyalan. Subali’t pagkatapos ng mga press release at media coverage na naipapalabas sa TV…wala na! Paano na lang kung may subway na 20 kilometers yata ang haba?...sigurado, may underground river na sa Manila! …hahabol para sa Guinness Book of World Records!

Bakit hindi muna tapusin ang mga nakabinbing proyektong may kinalaman sa baha tulad ng pagpapaayos sa nasirang deke ng Malabon? Bakit hindi seryosuhin ang dredging o pagpapalalim sa mga ilog  na dinadaluyan ng tubig mula sa mga kabayahayan at establisemento ng Maynila, na tanggalan man ng basura,  ganoon pa rin ang kababawan kaya naapawan pa rin tuwing tag-ulan? At bakit hindi seryosuhin ang pagtanggal ng mga kabahayan sa mga tabi ng mga ilog na ito upang maayos at tuluy- tuloy ang trabaho ng pagpapalalim at pagpapalaki ng mga ito kung kailangan?

Discussion

Leave a response