0

Tacloban Noong Panahon ni Marcos

Posted on Sunday, 6 July 2014



Tacloban Noong Panahon ni Marcos
Ni Apolinario Villalobos

Noong panahong presidente ng Pilipinas si Ferdinand Marcos, ang trabaho ko sa Philippine Airlines ay bilang editor ng isang magasin nitong pangturismo, ang TOPIC Magazine. Para sa isang isyu, nagbiyahe ako sa Tacloban kung saan ay may istasyon ang kumpanya. Ang balak ko ay galugarin ang buong lalawigan ng Leyte upang mai-feature sa magasin, pero nakasentro sa Tacloban bilang pangunahing lunsod at kinaroroonan ng airport.

Sa lumang domestic airport sa Baclaran, maraming mga naka-unipormeng sundalo, marami ring naka-polo barong na sabi sa akin ay mga security personnel daw. Dahil hindi ako maurirat, hindi na ako nagtanong pa. Na-delay ang departure namin dahil may “problema” daw. Pagkatapos ng halos isang oras na paghihintay, pinasakay na kami, subali’t napansin kong may isa pang eroplanong unang lumipad ng halos kalahating oras.

Pagdating sa Tacloban, nasilip ko sa bintana ng eroplano na maraming tao sa rampa ng terminal. Nang nakababa na kami, pupunta sana ako sa opisina ng station manager ng PAL, subali’t sa di-kalayuan, nakita ko si Imelda Marcos. Ang ganda pala talaga! Dahil may kamera ako, isinet ko ito upang kunan siya na ilang metro lang ang layo sa akin, subali’t may pumigil sa kamay ko sabay hawak sa kamera. Nagtanong ang naka-short sleeved na barong kung may ID ako. Ipinakita ko ang PAL ID ko. Sabi niya hindi ito, yong official media ID. Nang malaman niyang wala ako noon, pinilit niyang kumpiskahin ang kamera ko at PAL ID, mabuti na lang at nilapitan kami ng station manager namin at  sinabihan ang security officer na official business ang biyahe ko sa Tacloban napasabay lang sa biyahe ni Imelda ang flight. Chartered flight pala ng First Lady ang halos kasabay naming eroplano.

May tinawagan ang station manager namin na taga-Department of Tourism, pinaalam na dumating na ako. Inasikaso na pala ang schedule ko sa pag-ikot sa Leyte at tutulong ang Department of Tourism. Sa pinagmamalaki nilang Leyte Park Hotel ako pinatuloy. Kinahapunan mismo, dinala ako sa Sto. Shrine, kung saan may activities din ang grupo ng First Lady. Ayaw kong lumapit sa grupo dahil na-trauma ako. Sinilip ko na lang ang mga kwarto na may iba’t ibang motif na batay sa mga touristic regions ng Pilipinas. Unang gabi ko sa Tacloban nagdusa ako sa loose bowel movement o lbm, dahil marami akong nakaing “moron”, isa sa mga tanyag na kakanin ng Leyte. Nag-alala ako dahil may appointment ako kinabukasan kay Kokoy Romualdez na kapatid ng First Lady, at noon ay commodore din ng Philippine Navy.

Mabait si Kokoy Romualdez. Siya mismo ang nag-asikaso sa akin kinabukasan nang magkita kami sa pantalan. Isang PT boat ng navy ang nagdala sa amin sa Diyo Island na may mga pasilidad din para sa seminar. Sa Isla din dinadala ang mga dignitaryong bisita ng bansa na inaaliw ng mga international artists, mga singers at piyanista. Iniwan ako sa Diyo Island upang matulog ng isang gabi. Kinabukasan, si Kokoy pa rin ang sumundo sa akin, at pagdating sa pantalan pinahatid pa niya ako sa opisina ng Department of Tourism.

Bagong gawa ang mga shrine na tourist attractions sa Tacloban noon, kaya maswerte ako. Nangingintab pa ang mga piguring tanso nina MacArthur sa Landring Shrine, pati ang mga markers ng iba’t ibang landing sites niya sa Leyte noong WWII, nang bumalik siya bilang pangako noong October 20, 1944. Ang mga shrines na madalas puntahan ng mga turista at mga estudyante ay ang Guinhagdan Hill o Hill 522 at ang isa pa ay ang Hill 120 kung saan ay unang itinayo ang bandila ng Pilipinas bilang sagisag ng liberation.

Maliban sa mga WWII shrines, maraming magagandang beaches malapit sa lunsod ng Tacloban na ang pinakatanyag ay nasa Tolosa. Ang dalawang madalas ding puntahan ng mga turista ay ang mga isla ng Biliran at Gigatangan. Kung talon naman o waterfall, nandiyan ang Tomalistis at Balugo, at kung mainit na bukal, nandiyan ang Mainit Spring. Karapat-dapat ding banggitin ang Rizal Park at Botanical Garden ng University of the Philippines.

Lahat ng mga nabanggit ay maaaring nahagupit ng typhoon Yolanda at maaaring pilit na inaayos. Ganoon pa man, ang hindi kayang hapayin ng anumang dilubyo ay ang kultura na ang isang bahagi ay may kinalaman sa pagkain. Ang mga Taclobanon ay pinagmamalaki ang kanilang “bahalina” o “siyete biyernes”, alak na gawa sa tuba ng niyog at “pinahinog” sa pagkaka-imbak ng matagal. Meron ding silang “binagol”, kakaning nasa bao ng niyog, at “piato”, local version ng pop rice. Isama pa diyan ang “moron”, isang suman na gawa sa giniling na malagkit na bigas at mani.

Tinawid din namin ang San Juanico Bridge na nilundagan ni Dante Varona para sa isang eksena ng pelikula. Malaking tulong ang nasabing tulay sa mga biyaherong papuntang Manila, na galing pang Mindanao . Napansin ko ang luntian at magubat na Leyte Mountain Trail. Natanim sa isip kong gawan ng paraan upang maakyat ang mahabang bundok ng PAL Mountaineering Club sa pamumuno ni John Fortes, na nangyari naman kinalaunan. Tinawid ng nasabing mountaineering club ang mountain trail mula sa Burauen, Leyte at bumaba sa bahagi ng Ormoc. Nagawa ito sa loob ng apat na araw sa kabila ng sama ng panahon. Ang pinakamatanda sa grupo ay si “Nani Quinto” isang babaeng mahigit sixty years old, guest climber na galing pa sa Davao.

Sa paghagupit ng typhoon Yolanda sa Tacloban, isa ako sa mga nalungkot. Sa isang magdamag, humapay ang mga pinaghirapang itayong mga istruktura na dapat sana ay mga palatandaan ng isang maasensong lunsod sa bahaging ito ng Pilipinas. Isa ang Tacloba sa pinakatanyag na puntahan ng mga turistang mahilig sa nature at sa kasaysayan. Hitik ang Leyte Mountain Trail sa mga likas na yaman. Ang kapansin-pansin ay ang hindi man lamang pagkatinag ng San Juanico Bridge, na nagpapahiwatig ng maayos nitong pagkagawa – matibay, hindi tulad ng ibang mga tulay na ginawa pagkalipas ng administrasyon ni Marcos, na simpleng ihip lang ng hangin ay sira na, dahil sa nipis ng bakal na ginamit.

Ngayon, pilit na tumatayo ang mga Taclobanon upang muling maibalik sa mapa ng turismo ang kabuuhan ng Leyte na sa tingin ko ay talagang mangyayari, sa kabila ng pamumulitika ng ibang mga tao ng kasalukuyang administrasyon na nagsisilbing sagabal. Subali’t dahil likas na ang katibayan ng pagkatao ng Pilipino, siguradong makakabawi din ang Tacloban. 

Discussion

Leave a response