0

Ang Pagkadesperado ni Janet Lim Napoles

Posted on Tuesday, 8 July 2014

Ang Pagkadesperado ni Janet Lim Napoles
Ni Apolinario Villalobos

Hindi dahil undergraduate siya ay dapat patuloy na magmaang-mangan si Napoles at umakting na inosente sa kasong kinasangkutan niya. Makapal ang mukha niya sa pagsabing hindi niya alam na mali pala ang ginawa niya. Nitong huling araw, sa ka-kapalan ng mukha niya, gusto pang idamay ang simbahang Katoliko sa kanyang kabalbalan. Nakikiusap siyang kanlungin ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP). Wala na yatang natirang delikadesa at kapirasong konsiyensiya sa pagkatao niya. Hindi na siya kinilabutan sa kanyang hiling. Maski ang namayapang si Gng. Cory Aquino ay hindi lumapit sa CBCP upang humingi ng proteksiyon. Sa halip siya ay kusang inalayan nito ng mga pari kaya sa isang seminary siya nagkanlong.

Maalala na may minimintinang retreat house o prayer house si Napoles na pinangangasiwaan ng naguyo niyang mga pari, na ewan kung inimbistigahan ng simbahang Katoliko ngayon. Dito niya unang ikinulong si Benhur Luy, pinagwardiyahan sa mga pari upang hindi makatakas. Pinalabas na pinag-retreat si Luy upang magsisi sa ginawa niyang panlalamang sa kanya (Napoles)! Tindi talaga! Ayaw niyang dumiretso si Benhur Luy sa mga “kliyente” niya, kaya binigyan niya ng leksiyon, na isang malaki niyang pagkakamali. Ang prayer house ang naging mitsa sa pagputok ng balita at nagkompirma na mayroon siyang ginagagawagn kababalaghan, kasabwat ang mga mambabatas.

Akala ni Napoles, dahil may siniswelduhan siyang mga pari na nagma-manage ng retreat house niya, ligtas na siya sa kasalanan. Ganito rin ang style ng isang mayor Sanchez na taga- isang bayan ng Laguna na convicted dahil sa pagka-rape niya sa isang estudyante na pinatay niya pagkatapos, kasama ang boyfriend nito. Pinalabas na hindi niya magagawa ang nakakarimarim na krimen dahil deboto siya ni “mama Mary”, religious daw siya at ilang beses sa isang araw pang nagro-rosaryo. Sa likod ng imahen ng Virgin Mary ito nagtago, dahil wala siyang retreat house.  Hanggang makulong siya, kasama niya ang maliit na rebulto ng Birhen. Nagtaka ang mga tao sa kulungan kung bakit tuluy-tuloy ang pagkawala ng kanyang katinuan at nakikitaan ng mga palantandaang makikita lamang sa mga drug addict. Yon pala, may stock siya ng droga na itinatago sa butas ng bandang ilalim ng rebulto! Si Napoles, saan kaya niya itinatago ang mga milyones na ninakaw niya?...sa loob kaya ng mga rebulto ng mga santo niya sa retreat house?

Dapat imbestigahan kung bakit may lakas ng loob si Napoles na magbitaw na masasabing pambihira o unusual na kahilingan sa mga Obispo… may pagkakampante ang hiling, na para bang inaasahan niyang siya ay mapagbibigyan. Hindi kaya dahil nawisikan niya ang mga ito ng grasya noong siya ay nasa laya pa, kaya ganoon ka-casual nang magbitaw siya ng hiling, at sa pagkakataong ito, siya ay “naniningil” na?  Minsan nang may umaming Obispo na nakatanggap ng pork barrel fund, mula sa gobyerno subali’t nagdepensa na “hindi daw niya alam” na galing ito sa pork barrel. Meron kaya sa kanila ang nakatanggap ng “grasya” mula kay Napoles?

May naguyo si Napoles na mga pari na nagbabantay sa retreat house niya…bakit hindi imbistigahan kung paano niya ito nagawa? Huwag nilang sabihin na legitimate ang retreat house na pinatatakbo ng religious group at “tinulungan” lang ni Napoles, dahil ganoon din ang ibig sabihin noon…kahit palabasing ang retreat house ay “donation” ni Napoles sa religious group at regular niya itong binigyan ng suporta para mamintina. Maganda nga namang pang-kober sa kanyang pagnanakaw sa kaban ng bayan…kung baga, inisip niya na magkasala man siya, meron siyang matitinik na taga-dasal upang mailigtas sa apoy ng impiyerno…mga pari pa, hindi tulad ng mga ordinaryong taong nagpapadasal sa simbahan ng Quiapo at katedral ng Sto. Nino sa Cebu, na ang gumagawa ay mga matatandang babae lang. Kung hindi alam ng mga naguyo niyang pari at iba pang mga taga -simbahang Katoliko ang mga illegal na mga gawain ni Napoles kahit bina-blind item na ang mga ito sa mga diyaryo at mismong mga broadcaster sa radio nang kung ilang taon na, aba’y nakapagtataka na! Bingi ba sila o hindi nagbabasa man lang ng diyaryo?…. hindi kaya na nagpapatunay lamang ito na tama ang kasabihang walang pinipili ang natatapalan ng pera?  


Ang taong may kulay- abong kaluluwa nga naman, gagawin lahat, makalusot lamang!

Discussion

Leave a response