0

Moro-moro sa Senado

Posted on Thursday, 24 July 2014

Moro-moro sa Senado
Ni Apolinario Villalobos

Tulad ng inaasahan, walang magandang paliwanag ang narinig mula kay Sect. Florencio Abad nang humarap siya sa Senado noong July 24, 2014. Naging moro-moro and sinasabing “hearing”. Una, muntik nang makalimutan ang SOP na  panunumpa ng mga resource speakers kung hindi pinuna ni Sen. Nancy Binay, paniguro lang siguro niya nang ibigay na sa kanya ang pagkakataon upang magtanong. Puro pambabara ang ginawa ni Binay kay Abad na halatang puro palusot ang sagot sa mga tanong, lalo na sa mga hindi nakasama sa listahang dala niya. Lalong nabara si Abad sa isyu ng COMELEC na pinangangalandakan ng presidenteng malaki ang naging pakinabang sa DAP.

Parang scripted ang nangyari dahil tuwing mahalatang ipit na ipit na si Abad, sumasabad naman si Sen. Franklin Drilon at Sen. Bam Aquino, pinsan ng presidente, at iba pang senador, at nagtatanong kunwari, pero mga leading questions naman, na ibig sabihin, ang mga sagot sa tanong ay nakapaloob na dito…malaking tulong nga kay Abad kung may nakalimutan man siyang isagot.

Nagkabistuhan sa hindi umusad o pumalpak na mga proyekto ng DOTC kaya nagmukhang kawawa sa harap ng TV camera si Sect. Abaya. Nabulgar na walang nangyari sa pinagmamalaki nilang “improvement” ng NAIA 1, kaya inamin na lang na “pagpapaganda” lang pala ang ginawa sa NAIA 1. Kaya pala ang ginawa, pintura dito pintura doon lang. Kaya hanggang ngayon, mainit pa rin dahil ang mga aircon ay pupugak-pugak pa rin. At ang lalong nakakahiya, ni hindi nila na-check ang septic tank na umapaw last week lang. Kaya nadagdagan ang bansag sa NAIA 1…hindi lang pinakapangit, kundi pinakamabaho pa sa buong mundo! Ang mga proyekto ng DOTC nabistong puro minadali dahil pinabadyetan na kahit wala pang maayos na pagsasaliksik, kaya ultimo simpleng right of way sa ilan ay nagpaantala, hanggang sa tuluyang bawian “daw” ng budget. Gutso lang yatang ipamayagpag sa publiko na may mga proyekto, na yong iba sinimulan subalit natigil, yong iba hanggang plano lang pala subalit may mga press release na…style na bulok.

Ang Department of Health na akala ng mga Pilipino ay matino ay malasado din pala sa paggawa ng plano, kaya pala maraming mga Pilipinong namamatay na lang kahit sa simpleng sakit na pulmunya dahil walang gamot at hindi ma-confine sa ospital. Si Binay mismo ang nagsabi na ilan sa ospital na binisita niya nagkukulang sa kama. Sa isa nga daw, tatlong kapapanganak lang ang nagsi-share sa iisang kama. Sa totoo lang, kulang ng rural workers dahil may mga barangay na nagsi-share sa serbisyo ng midwife o nurse, ibig sabihin, pinaglalagare ang mga rural workers dahil sa kakulangan nila. At ito ang bomba….binigyang halaga ng DOH sa budget nila ang “steam cell” study! Walang gamot at nagkukulang ng rural workers, kulang sa kama ang mga government hospitals, pero ang DOH may malaking budget para sa steam cell! At ang dahilan ng kagalang-galang na Ona, ginawa ito upang makasabay ang Pilipinas sa ibang bansa na gumagawa ng kahalintulad ng pananaliksik! Kung ganyan ang takbo ng isip ng mga secretary ng gobyerno, wala ngang kapupuntahan ang Pilipinas! Ang daming ordinaryong sakit at malnutrition na dapat atupagin, pero ang binigyang halaga ay ang “steam cell” na bago sa pandinig ng maraming Pilipino.

Ito ang matindi…sa kabila ng pagkakaroon ng “savings” ng Commission on Audit, binigyan pa sila ng DAP na pambili ng mga kotseng mamahalin. Mismong namumuno ng COA ang umamin noon pa at inamin din ni Abad sa hearing, at ang sabi niya, hindi isinali sa listahan dahil “5 million lang”. Sa nangyari, nagkaroon ng utang na loob ang COA sa office of the President, kasama na diyan ang mga ahensiya, lalo na ang DBM. Paano ngayon magkakaroon ng matinong audit sa kanila? Ang tawag ko diyan “influence buying”.

Tapos na ang desisyon ng Supreme Court, nagsalita na si Pnoy ng kung ilang beses, kaya ang ginawa ni Abad ay inulit lang nang may kaunting detalya na hindi naman nakatulong dahil nangako uli na magbibigay ng isa pang listahan ng mga iba pang ginamitan ng DAP – na matagal na ngang hinihingi sa kanya. Kaya ano pa ang dapat niyang patunayan? Lalo lang silang nadiin dahil sa kawalan niya ng sagot sa mga tanong ni Sen. Binay.

Napatunayan ng Moro-moro sa Senado na talagang guilty ang ibang senador na tumahimik na lang. Ang sabi ng isang radio broadcaster, halatang-halata ang pagka-guilty ni Drilon. Mayroon ding maingay sa Kongreso, nagpipilit kunwari na bumabatikos upang pagtakpan ang pagkadawit niya sa DAP anomaly…at malaki ang nakuha niya!

Ito ang Pilipinas ngayon: Ang presidente, malaki ang natapyas sa kredibilidad, nahatak niya dito ang kanyang mga alalay na mga secretary.  Nagkakahawaan ng virus ng kawalan ng tiwala at corruption. Nahawa ang mga secretary na akala ng mga Pilipino ay kagalang-galang at walang bahid ng katiwalian…ang tinutukoy dito ay sina Ona ng DOH at Abaya ng DOTC. Ano pa ang aasahan ng taong-bayan ngayon?




Discussion

Leave a response