Delikadesa...anyo yun?
Posted on Tuesday, 1 July 2014
Delikadesa….ano
yun?
Ni Apolinario Villalobos
Ang delikadesa ay mahalagang bahagi ng
isang kultura. Ito ang pundasyon ng dangal. Ito ang nagsisilbing harang bago
umabot ang isang bagay sa punto na magreresulta sa kahihiyan ng isang tao. Sa
ibang kultura, lalo na ng mga Asyano, ito ay katumbas ng buhay. Subali’t ang
hindi maunawaan ay kung bakit tila nawawala ito sa kultura ng Pilipino. Marami
ang nagtatanong kung bakit. Ang matindi, dahil sa ganitong kalakaran ngayon, ni
hindi na ito nauunawaan ng mga bata. Malamang nga ay ni hindi ito nababanggit
sa mga eskwelahan bilang bahagi ng pagtuturo.
Ang kawalan ng delikadesa ng isang tao ay
pagpapakita niya ng katigasan ng loob. Pagpapakita niya ito ng pagmamarunong at
kakapalan ng mukha dahil sa pagkawala na ng kanyang hiya. Ang pinakamagandang
mga halimbawa ay sa larangan ng pulitika at sa pamamalakad ng gobyerno sa
Pilipinas. Ang mga talaga din namang nakabali ng mga patakaran at batas ay kung
anu-ano ang binabanggit na dahilan upang makalusot sa mga kaso. Galit pa
kunwari dahil napupulitika daw sila. Yong iba naman, dahil abugado, nagsasabi
na alam nila ang ginagawa nila at naaayon sa batas.
Ang isang gobernador na nailuklok ng mga
tao kaya nanalo ay nagpipilit na hindi siya pwedeng palitan o bumaba ng pwesto dahil
sa dahilang siya ang gusto ng tao at wala nang iba – maski pa hayagang malaki
ang ginawa niyang paglabag sa batas na may kinalaman sa paggastos nang
nakaraang eleksiyon. Ang mga namumuno ng mga ahensiya na pormalidad na lang ang
pag-imbestiga sa kanila dahil maliwanag pa sa sikat ng araw ang kasalanan, ayaw
ding patinag sa pwesto dahil hindi naman daw sila pinapababa ng pangulo ng
Pilipinas na siyang nagtalaga sa kanila. Ang mga mambabatas naman na nagpipilit
na hangga’t hindi daw napatunayan ng hukumang nagkasala ay ayaw ring patinag sa
pwesto, kahi’t ang korapsiyon nila ay hantad na hantad na simula pa nang sila
may mamili ng boto nang nakaraang eleksiyon.
May nakikita kasing halimbawa at
kinukunsinte ng nasa itaas…yan ang mga dahilan kung bakit talamak ang ugaling
kahiyaan at pagkawala ng delikadesa. At yan din ang nakikita ng mga bata kaya
kung tanungin sila kung alam nila ang ibig sabihin ng delikadesa, ang sagot
nila ay…ano yun?
Discussion