Antique at Boracay
Posted on Monday, 7 July 2014
Antique At Boracay...
Ni Apolinario Villalobos
Nang pumasok ako sa PAL noong 1976, ang una kong assignment
ay sa station nito sa Tablas Island, in particular sa barrio ng Tugdan. Pinupuntahan na ng mga inabutan kong taga-PAL
ang Boracay. Mararating ito sa loob ng ilang oras na biyahe mula sa bayan ng
Looc at madadaanan muna ang Carabao Island. Noong panahon na yon, bihira ang
bagyo kaya kadalasan, ang mga taga- Tablas na gustong mamasyal sa isla ay
ginagawa ang pagtawid sa dagat kung gabi na maliwanag ang buwan at mapayapa ang
dagat. Kinukunan ito ng puka at heishe shells na ginagawang alahas at
ini-export sa ibang bansa, lalo na sa Europe. Hindi ako nagkaroon ng
pagkakataong mapasyalan ang isla noong panahon na na-assign ako sa Tablas.
Napasyalan ko lamang ang isla nang bisitahin ko ang Antique.
Nang mahawakan ko ang TOPIC Magazine, ay saka ako nagkaroon
ng pagkakataong makarating sa San Jose de Buenavista, kabisera ng Antique.
Nagkaroon ng schedule para ma-feature ang probinsiya dahil may istasyon ang PAL
sa nasabing bayan. Ang nag-asikaso sa akin nang pumunta ako sa San Jose ay ang
namayapa na ngayong si dating gobernador Evelio Javier. (Mayroong isang gusali
sa University of the Philippines na ipinangalan kay Evelio Javier, bilang
pagkilala sa kanyang mga accomplishments na noong kapanahunan niya itinuring na
pinakabatang gobernador ng Pilipinas.)
Maganda ang naging samahan namin ng gobernador dahil
nakakapagsalita ako ng Bisayang “karay-a” na gamit sa probinsiya. Simple lang
ang probinsiya, na ang mga tourist attraction ay mga kweba, ilog, talon, gubat,
produktong patadyong na locally handwoven na tapis, kulay brown na banig na
malamig sa likod kung higaan at iba pang hinabing bag. Maraming historical
spots dahil isa ito sa nababanggit sa kasaysayan ng Pilipinas na unang tinirhan
ng mga dayo galing sa karatig na mga isla ng Malaysia at Borneo. Dito umiikot
ang kwento ng binabanggit sa history books ng Pilipinas, na “ten Bornean
Datus”. May museum tungkol dito, payak, subali’t puno ng mga memorabilia na talagang
makasaysayan. Ang isa pang maipagmamalaki ng probinsiya ay ang isla ng Culasi
na napapaligiran ng mga coral gardens. May bukal sa isang bahagi ng
dalampasigan at nakukuhanan ng tubig na tabang kung kati o low tide. Mararating
ang isla mula sa bayan ng Culasi.
Minsang naghahapunan kami, tinanong ako ni gobernador Javier
kung gusto ko raw pumunta sa Boracay, pero hindi na niya sakop, dahil ito ay
bahagi na ng probinsiya ng Aklan.
Malapit lang daw. Pumayag ako at ginawa namin ito kinabukasan. Dumaong
kami sa baybayin na nakaharap sa Caticlan. Kinilabutan ako dahil talagang
pinung-pino ang buhangin at puting-puti! Nadatnan namin ang ilang tao na
naghuhukay ng puka at heishi shells. Kahit anong lalim ng hukay, puti pa rin
ang buhangin. Ang nakita ko noon sa kahabaan ng tabing dagat ay apat na
maliliit na kubo lamang na sabi ni gobernador Javier ay pahingahan daw ng mga
mangingisda. May binaybay kaming maliit na kalsadang sa dulo ay isang maliit na
baryo pala. Iilan lang din ang bahay. Nagpaluto si gobernador ng manok para sa
tanghalian namin. Napansin kong walang turistang banyaga, maski isa.
Hanggang sa nakabalik na kami sa San Jose, para pa rin akong
nananaginip. Hindi ko akalaing makakita ako ng ganoon kagandang isla na kahi’t
isang kilometro na yata ang lalakarin papuntang laot mula sa baybayin ay kita pa rin
ang maputing buhangin. Ang mga seaweeds na itinulak ng alon sa dalampasigan ay
namuti na rin sa pagkabilad sa araw. Ang
iba’t ibang shells ay nakakalat lang. Ang mga niyog ay hitik sa bunga. Marami
akong nakitang puno ng bayabas na maliliit ang bunga subali’t matamis.
Isinulong ng Philippine Airlines ang sistema ng eco-tourism
para sa Boracay sa pakikipagtulungan sa Department of Tourism na noon ay
pinamunuan pa ni Aspiras. Na-involve na rin ang mga lokal na pamahalaan na
tinanggap ang ideya na pag-promote ng kontroladong inudstriya ng turismo para
sa mga probinsiya ng Panay, lalo na sa mga isla, dahil noon ay sikat na ang
Sicogon Island na siyang pinupuntahan ng mga turista. Naging tapagasalita pa
ako sa isang miting sa Kalibo tungkol dito, na ang tinumbok ay pagmintina ng
kalikasan kahi’t na may mga turista na. Ibig sabihin, maliliit lang dapat ang
mga hotel. Noon nagsimula ang ideyang pagkaroon ng mga lokal na pamahalaan ng
municipal tourism council at provincial tourism council.
Makalipas ang ilang taon, pinatay si gobernador Javier na
aktibo sanang nagsusulong ng eco-tourism sa Panay Island katulong ang iba pang
gobernador. Naakyat at natahak ng Philippine Airlines Mountaineering Club ang
Mt. Madjaas trail sa Antique na lalong nagpatanyag sa Panay Island bilang
destination ng nature lovers. Noong umakyat kami sa bundok, may bulungang itinigil
daw muna ang barilan sa pagitan ng local police at NPA. Ang iba nga daw na
porter namin ay mga pinagdududahang NPA.
May mga nakasibilyang pulis din kaming kasama. Maayos ang koordinasyong ginawa
ni John Fortes na presidente ng mountaineering club sa gobyernong lokal, lalo
na at may mga “guest climbers” kami mula sa Cebu, Davao, at ilang unibersidad ng
Manila. Pagbaba namin mula sa Madja-as, nagpahinga kami sa Mararison Island,
isang napakagandang islang napapaligiran ng mga coral gardens. Ang jump-off
point namin papunta ng isla ay bayan ng Culasi. Makalipas ang wala pang isang
buwan na nakaalis kami sa probinsiya, nabasa namin sa diyaryo na nagkaroon ng
“massacre” sa Culasi bridge, ang mga pinatay daw ay mga nagra-rally na grupong
maka-kaliwa, mga suspected NPA.
Ilang taon pa ang lumipas, nagsulputan na ang malalaking
hotel sa Boracay. Ang dumi mula sa mga kubeta nila ay walang masistemang
pagtapon kaya napadpad sa dagat na nagbigay- buhay sa mga lumot na dati ay wala.
Naging masyadong komersiyal ang turismo sa isla ng Boracay sa halip na isang
simpleng industriya para mamintina ang kaayusan ng kalikasan. Nandoon pa rin
ang puting buhangin sa kahabaan ng mga dalampasigan subali’t nawala ang diwa ng
isa sanang mala-birheng sulok na kaaya-ayang pahingahan. Batay sa pinakahuling
balita, magkakaroon daw ng tulay upang idugtong ang isla sa Caticlan. Sa ganitong
paraan lamang daw magagawa ang mabilis na paghakot ng mga naiipong dumi mula sa
isla patungo sa mainland. Magandang balita ito sa mga gustong makarating sa
Boracay sa pinakamurang paraan.
Ngayon, para sa mga gustong makarating sa Boracay sa
pinakamadaling paraan nguni’t may kamahalan liban lang kung makakatiyempo ng
“promo fare”, maaaring sumakay ng flight papuntang Iloilo, Roxas o Kalibo kung
saan ay maaaring sumakay ng bus o vans papuntang Caticlan. Meron na ring
flights na diretso sa Caticlan. Meron pa ring bus/roro diretso sa mga nabanggit
na lunsod/bayan.
Masasabi ko lang na mapalad kong narating ang Boracay bago
ito mistulang ginahasa na ngayon ng mga nagdagsaang turista mula sa iba’t ibang
bansa at sulok ng Pilipinas. Hindi ko makakalimutan ang karanasang ito habang
ako ay nabubuhay.
Discussion