0

Ang Pagpapaubaya at Pagpapakumbaba

Posted on Sunday, 13 July 2014



Ang Pagpapaubaya at Pagpapakumbaba
Ni Apolinario Villalobos

Ang pinakamahirap gawin ng isang tao lalo na ang may masyadong bilib sa sarili ay ang magpaubaya at magpakumbaba. Hindi matanggap ng isang taong masyado ang pagkabilib sa sarili ang basta na lang yumuko sa ugali o kagustuhan ng iba, lalo na kung pareho sila ng ugali. Sa ganitong pagkakataon, ang panalo sana ay ang taong magpapaubaya at magpapakumbaba, dahil lalabas na mas malawak ang kanyang pananaw. Ang girian na nangyari dahil lamang sa tinatawag na pride o pagkabilib sa mga sarili nila ay walang katapusan, hangga’t walang yumuko. Sa mata ng ibang tao, lalo na ng Diyos,  ang yuyuko ay nakakabilib. Sa pagkatanggal ng galit sa kanyang dibdib, para na rin siyang natanggalan ng tinik at bigat sa kanyang balikat, dahil nawala ang inaalala niyang hidwaan na para sa kanya ay tapos na. Kadalasan, ang hindi yumuko ay nakokonsiyensiya pa!

May mga pagkakataong ang girian ay sa pagitan ng mag-asawa. Dahil sa tradisyong hindi dapat sinasaktan ang babae, ang dapat na magpaubaya ay ang asawang lalaki. Umiwas na lang hanggang lumamig ang ulo ng asawa niya. Kung sa pagitan ng magulang at anak, dapat lawakan pa ng magulang ang pang-unawa at pagpasensiya. Dapat niyang isipin na kung maaga niyang dinisiplina ang anak, hindi ito magkakaroon ng ugaling barumbado. Dapat aminin ng magulang ang kapabayaang ito na pagsisihan man niya ay huli na. Ang ganyang kaisipan ang dapat magpakalma sa kanya – isang kaisipang may pagsisisi. Hindi naman bulag ang Diyos para hindi makita ang ginagawa niya – yan na lang ang konsuwelo niya.

Walang masama sa pagiging mapagpaubaya basta ang pinagbigyan nito ay hindi naman abusado. May iba kasing tao, lalo na mga magulang, na maipakita lang ang kanilang poder o kapangyarihan, ay hindi pinagbibigyan ang hiling ng anak kahit nasa ayos naman. Palagi lang sana nilang paalalahanan ang anak na bilang mga magulang, hindi sila nagkulang, upang pagdating ng panahon hindi sila masumbatan o makonsiyensiya sa pag-isip na nagkamali sila sa pagpalaki ng kanilang anak.

Madaling sabihin subali’t mahirap gawin…yan ang siguradong reaksiyon sa sinulat na ito. Subali’t sa ibabaw ng mundo, wala namang imposibleng gawin. Dapat lang alalahanin na kung ipipilit gawin ang isang bagay, may paraan palagi. Ang balakid lang dito ay ang “pride” o masyadong pagkabilib sa sarili.

Discussion

Leave a response