Ang SONA ni Pnoy...Pagkatapos ng Talumpati
Posted on Monday, 28 July 2014
Ang SONA ni Pnoy…Pagkatapos
Ng Talumpati
Ni Apolinario Villalobos
Tulad ng asahan, marami ang hindi naisama sa dapat ihayag ng
pangulo sa kanyang SONA. Kung baga sa musika, ang mga sinabi ay puro replay.
Mabuti na lang at wala siyang masyadong ginawang paninisi. Subali’t tumatak ang
sinabi niya tungkol sa Bangko Sentral ng Pilipinas na hindi napunduhan ng
maayos ng dating presidenteng Ramos, na ginawa niya sa pamamagitan ng pondo
galing sa DAP.
Ang mga magsasaka ay nababahala, dahil wala man lang siyang
sinabi kung paanong mapaayos ang sariling produksyon ng palay. Sa halip ay
binigyan ni Pnoy ng halaga ang paga-angkat ng bigas upang labanan ang pagtaas
ng presyo ng commercial rice. Kapag bumaha daw ng murang inangkat na bigas o
NFA na kung tatawagin, siguradong malulugi and mga negosyante ng bigas dahil
siguradong mabubulok ang bigas nila sa loob lamang ng anim na buwan. Ito ay
isang maling kasagutan sa problema. Dapat ang gawin ng administrasyon ay lalo
pang pag-igtingin ang pagbigay ng insentibo sa mga magsasaka upang madagdagan
ang kanilang produksiyon sa halip na umasa sa ibang bansa ng pangunahing
pagkaing ito. At paanong babaha ng NFA rice, ay limitado sa dalawang kilo
lamang ang ibinebenta sa bawa’t tao? At lalo….iilan lang ang mga NFA outlets na
nakakalat sa bulong Pilipinas! As usual, halatang umasa lang siya sa mga maling
report ng kanyang mga tauhan!...at paano ang mga hoarders? Hindi ba hahabulin?
Wala pang nakakasuhang hoarders hanggang ngayon, pati ang mga temang na
nagpasirit ng presyo ng bawang!
Pinagdiinan ni Pnoy sa kanyang talumpati ang “reporma” daw.
Reporma bang matatawag ang pagsirit ng mga presyo ng bilihin? Reporma bang
matatawag ang kaliwa’t kanang nakawan sa kaban ng bayan? Reporma bang matatawag
ang hindi niya pagtanggal sa mga tauhan niyang inutil? Reporma bang matatawag
ang banta ng kawalan ng sapat na kuryente pagdating ng 2015, dahil sa loob ng
mahigit apat na taong pag-upo sa Malakanyang ay wala man lang nagawang paraan,
at ngayon ay nagkukumahog si Petilla na mabigyan siya ng emergency power?
Reporma bang matatawag ang kaluwagan sa pagpapatupad ng mga proyekto kaya
walang nangyari sa mga ito, kahit man lang ang para sa international airport
terminal 1 na siyang bukana ng bansa na unang mabubuglawan ng mga bisitang
banyaga? Reporma bang matatawag ang patuloy na pagsirit ng tuition fees, at
hindi nadadagdagang mga school rooms lalo na sa mga liblib na mga paaralan?
Ngayon, masama ang loob niya kung bakit daw walang tiwala ang taong bayan sa
mga reporma na ginagawa ng kanyang administrasyon.
Nanggigigil ang mga nakarinig sa sinabi niyang milya-milyang
mga highway, dahil ang mga sinabi niya ay galing daw sa report sa kanya…galing
sa papel. Marami mga taga-probinsiya ang nagsasabi na maraming mga highway na
inumpisahan at nakatiwangwang. At yong mga tulay na dapat ay nagdudugtong ay
nasa plano pa lang! May mga darating daw na mga investors dahil malusog daw ang
sitwasyon ng ekonomiya ng bansa…paano ang mga inaasahang blackouts dahil nga sa
problema sa kuryente? Gagamit ba ang mga investor ng generator sets at gasera?
Ang inaasahang sasambitin niyang mga pangalan ng mga dapat
tanggalin sa pwesto ay hindi nangyari. Kaya ang mga taong ito ay masaya at
tuloy sa kanilang mga pagmamaang-maangan na magaling, pero inutil naman.
Sasayangin niya ang huling dalawang taon niya dahil lamang
sa pakikisama sa mga kaibigan na ayaw niyang tanggalin sa pwesto. Nagbilin pa
man din sa mga taong binanggit niya ang mga pangalan…sigurado ba siya na
kakampi pa niya ang mga ito?
Discussion