Showing posts with label SONA. Show all posts

0

Posted on Tuesday, 28 July 2015

“Mr. President, may mga nakalimutan po kayo
sa inyong huling talumpati…”
ni Apolinario Villalobos


“Kung ang State of the Nation Address o SONA, sa Pilipino ay talumpati tungkol sa tunay na kalagayan ng bansa, marami po kayong nakalimutang banggitin, Mr. President. Ang mga nabanggit ninyo kasi ay tila hindi tumutugma sa tunay na kalagayang nakikita naming mga boss ninyo. Kaya bilang boss ay nagtatanong ako… kami. Kungbaga sa office, “pinag-eexplain why” po namin kayo, dahil ang ganoong sitwasyon ang gusto ninyo, hindi po ba? Paano namin mauunawaan ang dinadanas ninyong hirap bilang presidente ng isang bansa na umaapaw sa dami ang mga korap na opisyal kung kayo mismo ay nagsasabi na walang problema? Maisasaing ba namin ang papel na may mga numero na nagsasabing umangat ang kalagayan ng bansa? Maaari ba namin itong ipa-xerox upang mapalitan ng pera?

Mr. President, hindi ba lumalala ang problema ng droga kaya maski nakakulong na ang mga drug lords ay nakakapag-operate pa rin? Hindi ba problema ang kawalan ng mga gamot sa mga ospital at klinika ng gobyerno, maski pa sinasabi ninyong lumawak ang sinakop ng Philhealth? Hindi ba problema ang lumalalang trapik dahil sa hindi makontrol na pagdami ng mga sasakyan ganoong hindi naman nalalaparan o nadadagdagan ang mga kalsada? Hindi ba problema ang hindi pagpansin ng mga telcom servers tulad ng Smart at Globe sa lumalalang problema sa kanilang signal na hindi nila inaayos sa kabila ng warning ng gobyerno, kaya para na rin nilang niloloko ang mga kawawang customer na walang magawa dahil wala silang choice?

Hindi ba problema ang baha? Hindi ba problema ang pagkakaipit ng matataas na presyo ng bigas kaya hindi bumaba sa dati nilang lebel? Hindi ba problema ang kawalan ng trabaho pagkalipas ng limang buwang kontrata, kahit pa sinasabi ninyong maraming negosyo sa Pilipinas? Kaya ang nangyayari, sa loob ng limang buwan ay masaya dahil may makakain pa…pero pagkatapos ng limang buwan, buong pamilya, kumakalam ang sikmura at nakanganga! Ang paghukay ba ng lupa na may mineral upang hakutin sa ibang bansa ang tinatawag ninyong investment ng mga dayuhan?

Bakit hindi ninyo binanggit ang Freedom of Information Bill na kung ilang taon nang nabagoong, ganoong wala naman kayong dapat katakutan dahil hindi naman kayo korap…sabi nyo yan, di ba? Ayaw ba ng mga kaalyado ninyo dahil natutumbok sila? Bakit wala man lang kayong nabanggit tungkol sa Mamasapano massacre na sariwa pa sa isipan ng mga Pilipino, lalo na sa mga pamilyang namatayan, kaya walang dahilan upang makalimutan ninyo?

Bakit hindi nyo man lang mabanggit-banggit na ang pinagmamalaki nyong Pantawid Pamilya Program ay sinimulan ni Gloria Arroyo at ang orihinal na tawag ay cash transfer program, at pinalawak nyo lang? Pati ang extension ng LRT hanggang Cavite, hindi ba nabuo ang ideya noong panahon din ni Gloria na dapat nga daw ay lalampas pa ng Bacoor at ang dapat na babaybayin ay Aguinaldo Highway?

Bakit hindi pinapaalam sa taong bayan na hanggang ngayon ay walang linaw ang rehabilitasyon ng mga nasalanta ng bagyong Yolanda at mga biktima ng pagsalakay ng MNLF sa Zamboanga na hanggang ngayon ay nasa kalunus-lunos na kalagayan ang mga pansamantalang tirahan? Kung sakali, baka may magbigay pa uli ng mga donasyon. Yon nga lang, magkakaproblema uli kung makakarating ba talaga sa mga biktima dahil sa dami ng mga uwak at buwitre na nakaabang!

Bakit kailangang ipagmalaki ninyo ang kuryente na umabot na sa mga liblib na lugar, ganoong ang mayroon nang mga linya ay nagdurusa naman sa mahahabang blackout? Seryoso ba kayo tungkol sa bagay na ito?...o totoo kaya ang report sa inyo?

Bakit  pinagmamalaki ninyo  ang pagdating ng prototype ng mga gagawing bagon ng MRT at kung maaaprubahan ay tuluy-tuloy na ang pagdating ng iba, ganoong ang pinakadahilan ng pagkaantala ng rehabilitasyon ng mass transport system na ito ay ang hindi ninyo pagbitaw kay Vitangcol sa mahabang panahon sa kabila ng naghuhumiyaw niyang kaso? Sino siya, at tila ganoon na lang siya kahalaga sa administrasyon ninyo?

Kung napakahaba ng pagkakataon ang ginugol ninyo sa pagpapasalamat sa inyong yaya, hairdresser, stylist, at mga cabinet secretaries na kwestiyonable naman ang mga performance, at iba pang hindi kailangang banggitin, bakit ang mga mahahalagang bagay ay initsa-pwera ninyo? Hindi ba kayo pwedeng magdaos na lang ng get-together o thanksgiving party sa Club Filipino para sa kanila at doon ay pasalamatan sila with hug o kiss pa?  Kung sabagay dahil sa mga pangalang binanggit ninyo ay nakarinig naman kayo ng mga palakpakan, eh, di wow!... dahil siguro kailangan ninyo ng pampalakas ng loob…okey lang! Sana ay hindi nerbiyos ang pahiwatig ng ilang beses ninyong pag-ubo…o baka kung ano na yan….concerned lang po, Mr. President.

Hindi lang siguro ako ang nagtatanong dahil marami ang nag-abang sa mga sasabihin ninyo sa inyong talumpati…subalit maaaring pati sila ay disappointed din dahil sa kalagitnaan pa lang ay inantok na, at naglipat ng estasyon ng TV o radyo dahil wala rin namang maririnig na bago. Kung pipilitin kayong sagutin ang tanong kung bakit marami kayong nakalimutan…baka sasagot lang kayo ng, “basta”. Kapag umabot na sa ganito, may magagawa ba kami?...eh, di wala!!!!

Isang abang mamamayan lang po ako na may maliit na boses…at umaasang maunawaan ninyo ang pakay ng mensahe kong ito na hindi naninira ng pagkatao ninyo, hindi tulad ng iba na idinodrowing ang mukha ninyong may sungay. Hindi rin ito tulad ng isang effigy ninyong nakakatakot ang hitsura na sinusunog pa. Iniisip ko lang po na kung ang mga taong tinuturing ninyong kaibigan ay hindi makapagsabi o makapagtanong, gagawin ko po ito bilang karapatan ng isang boss dahil yon ang palagi ninyong sinasabi…at kahit papaano ay yon lang din ang pinaniwalaan ko….wala nang iba. Kung pasado naman sa inyo ang ginawa ko…eh, di wow!”


0

Ang SONA ni Pnoy...Pagkatapos ng Talumpati

Posted on Monday, 28 July 2014



Ang SONA ni Pnoy…Pagkatapos Ng Talumpati
Ni Apolinario Villalobos

Tulad ng asahan, marami ang hindi naisama sa dapat ihayag ng pangulo sa kanyang SONA. Kung baga sa musika, ang mga sinabi ay puro replay. Mabuti na lang at wala siyang masyadong ginawang paninisi. Subali’t tumatak ang sinabi niya tungkol sa Bangko Sentral ng Pilipinas na hindi napunduhan ng maayos ng dating presidenteng Ramos, na ginawa niya sa pamamagitan ng pondo galing sa DAP.

Ang mga magsasaka ay nababahala, dahil wala man lang siyang sinabi kung paanong mapaayos ang sariling produksyon ng palay. Sa halip ay binigyan ni Pnoy ng halaga ang paga-angkat ng bigas upang labanan ang pagtaas ng presyo ng commercial rice. Kapag bumaha daw ng murang inangkat na bigas o NFA na kung tatawagin, siguradong malulugi and mga negosyante ng bigas dahil siguradong mabubulok ang bigas nila sa loob lamang ng anim na buwan. Ito ay isang maling kasagutan sa problema. Dapat ang gawin ng administrasyon ay lalo pang pag-igtingin ang pagbigay ng insentibo sa mga magsasaka upang madagdagan ang kanilang produksiyon sa halip na umasa sa ibang bansa ng pangunahing pagkaing ito. At paanong babaha ng NFA rice, ay limitado sa dalawang kilo lamang ang ibinebenta sa bawa’t tao? At lalo….iilan lang ang mga NFA outlets na nakakalat sa bulong Pilipinas! As usual, halatang umasa lang siya sa mga maling report ng kanyang mga tauhan!...at paano ang mga hoarders? Hindi ba hahabulin? Wala pang nakakasuhang hoarders hanggang ngayon, pati ang mga temang na nagpasirit ng presyo ng bawang!

Pinagdiinan ni Pnoy sa kanyang talumpati ang “reporma” daw. Reporma bang matatawag ang pagsirit ng mga presyo ng bilihin? Reporma bang matatawag ang kaliwa’t kanang nakawan sa kaban ng bayan? Reporma bang matatawag ang hindi niya pagtanggal sa mga tauhan niyang inutil? Reporma bang matatawag ang banta ng kawalan ng sapat na kuryente pagdating ng 2015, dahil sa loob ng mahigit apat na taong pag-upo sa Malakanyang ay wala man lang nagawang paraan, at ngayon ay nagkukumahog si Petilla na mabigyan siya ng emergency power? Reporma bang matatawag ang kaluwagan sa pagpapatupad ng mga proyekto kaya walang nangyari sa mga ito, kahit man lang ang para sa international airport terminal 1 na siyang bukana ng bansa na unang mabubuglawan ng mga bisitang banyaga? Reporma bang matatawag ang patuloy na pagsirit ng tuition fees, at hindi nadadagdagang mga school rooms lalo na sa mga liblib na mga paaralan? Ngayon, masama ang loob niya kung bakit daw walang tiwala ang taong bayan sa mga reporma na ginagawa ng kanyang administrasyon.

Nanggigigil ang mga nakarinig sa sinabi niyang milya-milyang mga highway, dahil ang mga sinabi niya ay galing daw sa report sa kanya…galing sa papel. Marami mga taga-probinsiya ang nagsasabi na maraming mga highway na inumpisahan at nakatiwangwang. At yong mga tulay na dapat ay nagdudugtong ay nasa plano pa lang! May mga darating daw na mga investors dahil malusog daw ang sitwasyon ng ekonomiya ng bansa…paano ang mga inaasahang blackouts dahil nga sa problema sa kuryente? Gagamit ba ang mga investor ng generator sets at gasera?

Ang inaasahang sasambitin niyang mga pangalan ng mga dapat tanggalin sa pwesto ay hindi nangyari. Kaya ang mga taong ito ay masaya at tuloy sa kanilang mga pagmamaang-maangan na magaling, pero inutil naman.

Sasayangin niya ang huling dalawang taon niya dahil lamang sa pakikisama sa mga kaibigan na ayaw niyang tanggalin sa pwesto. Nagbilin pa man din sa mga taong binanggit niya ang mga pangalan…sigurado ba siya na kakampi pa niya ang mga ito?

0

Ang SONA ni Pnoy/28July2014

Posted on Friday, 25 July 2014

Ang SONA Ni Pnoy/28July2014
Ni Apolinario Villalobos

Ito na… ito na naman ang SONA ni Pnoy
Mga makikinig, nakaismid, nagkukuyakoy
Palagi na lamang ganito ang nangyayari
Dahil nakakaantok uli, kanyang masasabi.

Taun-taon, nagwi-wait nito, mga senadora
Na sa red carpet, animo sila’y nagrarampa
Pakapalan ng make-up, pataasan ng takong
Sa paglakad nila, naka-ungos, pangong ilong.

Ang SONA ni Pnoy, ginagastusan ng malaki -
Milyones, pero mga kaalyado, “no” ang sabi
Mga hangal, ‘di na nahiya sa kanilang sarili -
Sa kapal ng mukha, nawalan na ng identity!

Inaasahan, say ni Pnoy ay hindi siya kawatan
Dagdag pa, mga ginawa niya sa buong bayan
Pero noon pa man ay ‘di na siya pinaniwalaan
Sampu ng kanyang mga kaalyado at *kabarilan.

Sasabayan siya ng mga ikakalat na mga rally
Gagawin ng mga manggagawa’t estudyante
Ipapamukha kay Pnoy, ang mga pangyayari –
Mga tunay, hindi kathang-isip, at hindi hinabi.

Ipapakita ni Pnoy ang galing sa pagtalumpati
Na bebetsinan ng kanyang matamis na ngiti
At ang inaasahang hindi makalimutang masabi
Ay ang panduduro kay Aling Gloria ng mga sisi.

Inihandang pagkain, halos 1K daw ang halaga
Ito yong gastos sa bawa’t kakain na bisita nila
Fried chicken lang daw at ilang mga chicheria
Payak na paghahanda lang daw ayon sa kanila.

Ang kongreso ay binihisan din ng panibago kuno
May bagong kulay, pati mga aircon units ay bago
Mga kung anu-ano pang kaitsengan ang dinisenyo
Kung susumahin, kinita kaya ng ilan ay…magkano?

Sabi ni Juan, puro salita…ampaw at walang laman
Yan ang SONA na darating ay dapat nang asahan
SONA na dapat sana ay isang magandang balitaan
Subali’t inabuso’t ginamit para sa mga kayabangan.

Ang inaasahang marinig, ni isang kataga, ‘di masambit
Sa baya’y nagpapagalit, sa damdami’y nagpapangitngit
Akala ng Pilipino, kaunlaran sa bayan ay kanyang bitbit
Wala pala, dahil si Pnoy ay  “presidenteng hinog sa pilit”.

Kaya sa SONAng darating, ihanda ang tenga sa paninisi
Kung may marinig na nakakahayblad, just take it easy
Dahil alam na rin nating lahat kung ano ang mangyayari
Makinig at palusutin sa tenga, mga ampaw na masasabi!

Asahan pa rin sa SONA, nakakabinging mga palakpakan
At mga hiyawan ng kanyang mga classmates at kaibigan
Siguradong mayroong magta-thumbs up at magsisipulan
At yong mga sagad sa butong sipsip, ay baka mag-iyakan.

Thank you…thank you, mula kay Pnoy ay yan ang isasagot
Sa mga taong papalakpak sa talumpati niyang nakakabagot
Pero sa Pilipinong ang buhay, hirap at gutom ang nakabalot
Ang ilang oras niyang pagpapapogi ay mistulang bangungot!

Mabuhay ang Pilipino!
Kahi’t gutom, pinipilit tumayo
Mabuhay ang Pilipino!
Ayaw nang yumuko sa mga manloloko!