0

Posted on Tuesday, 28 July 2015

“Mr. President, may mga nakalimutan po kayo
sa inyong huling talumpati…”
ni Apolinario Villalobos


“Kung ang State of the Nation Address o SONA, sa Pilipino ay talumpati tungkol sa tunay na kalagayan ng bansa, marami po kayong nakalimutang banggitin, Mr. President. Ang mga nabanggit ninyo kasi ay tila hindi tumutugma sa tunay na kalagayang nakikita naming mga boss ninyo. Kaya bilang boss ay nagtatanong ako… kami. Kungbaga sa office, “pinag-eexplain why” po namin kayo, dahil ang ganoong sitwasyon ang gusto ninyo, hindi po ba? Paano namin mauunawaan ang dinadanas ninyong hirap bilang presidente ng isang bansa na umaapaw sa dami ang mga korap na opisyal kung kayo mismo ay nagsasabi na walang problema? Maisasaing ba namin ang papel na may mga numero na nagsasabing umangat ang kalagayan ng bansa? Maaari ba namin itong ipa-xerox upang mapalitan ng pera?

Mr. President, hindi ba lumalala ang problema ng droga kaya maski nakakulong na ang mga drug lords ay nakakapag-operate pa rin? Hindi ba problema ang kawalan ng mga gamot sa mga ospital at klinika ng gobyerno, maski pa sinasabi ninyong lumawak ang sinakop ng Philhealth? Hindi ba problema ang lumalalang trapik dahil sa hindi makontrol na pagdami ng mga sasakyan ganoong hindi naman nalalaparan o nadadagdagan ang mga kalsada? Hindi ba problema ang hindi pagpansin ng mga telcom servers tulad ng Smart at Globe sa lumalalang problema sa kanilang signal na hindi nila inaayos sa kabila ng warning ng gobyerno, kaya para na rin nilang niloloko ang mga kawawang customer na walang magawa dahil wala silang choice?

Hindi ba problema ang baha? Hindi ba problema ang pagkakaipit ng matataas na presyo ng bigas kaya hindi bumaba sa dati nilang lebel? Hindi ba problema ang kawalan ng trabaho pagkalipas ng limang buwang kontrata, kahit pa sinasabi ninyong maraming negosyo sa Pilipinas? Kaya ang nangyayari, sa loob ng limang buwan ay masaya dahil may makakain pa…pero pagkatapos ng limang buwan, buong pamilya, kumakalam ang sikmura at nakanganga! Ang paghukay ba ng lupa na may mineral upang hakutin sa ibang bansa ang tinatawag ninyong investment ng mga dayuhan?

Bakit hindi ninyo binanggit ang Freedom of Information Bill na kung ilang taon nang nabagoong, ganoong wala naman kayong dapat katakutan dahil hindi naman kayo korap…sabi nyo yan, di ba? Ayaw ba ng mga kaalyado ninyo dahil natutumbok sila? Bakit wala man lang kayong nabanggit tungkol sa Mamasapano massacre na sariwa pa sa isipan ng mga Pilipino, lalo na sa mga pamilyang namatayan, kaya walang dahilan upang makalimutan ninyo?

Bakit hindi nyo man lang mabanggit-banggit na ang pinagmamalaki nyong Pantawid Pamilya Program ay sinimulan ni Gloria Arroyo at ang orihinal na tawag ay cash transfer program, at pinalawak nyo lang? Pati ang extension ng LRT hanggang Cavite, hindi ba nabuo ang ideya noong panahon din ni Gloria na dapat nga daw ay lalampas pa ng Bacoor at ang dapat na babaybayin ay Aguinaldo Highway?

Bakit hindi pinapaalam sa taong bayan na hanggang ngayon ay walang linaw ang rehabilitasyon ng mga nasalanta ng bagyong Yolanda at mga biktima ng pagsalakay ng MNLF sa Zamboanga na hanggang ngayon ay nasa kalunus-lunos na kalagayan ang mga pansamantalang tirahan? Kung sakali, baka may magbigay pa uli ng mga donasyon. Yon nga lang, magkakaproblema uli kung makakarating ba talaga sa mga biktima dahil sa dami ng mga uwak at buwitre na nakaabang!

Bakit kailangang ipagmalaki ninyo ang kuryente na umabot na sa mga liblib na lugar, ganoong ang mayroon nang mga linya ay nagdurusa naman sa mahahabang blackout? Seryoso ba kayo tungkol sa bagay na ito?...o totoo kaya ang report sa inyo?

Bakit  pinagmamalaki ninyo  ang pagdating ng prototype ng mga gagawing bagon ng MRT at kung maaaprubahan ay tuluy-tuloy na ang pagdating ng iba, ganoong ang pinakadahilan ng pagkaantala ng rehabilitasyon ng mass transport system na ito ay ang hindi ninyo pagbitaw kay Vitangcol sa mahabang panahon sa kabila ng naghuhumiyaw niyang kaso? Sino siya, at tila ganoon na lang siya kahalaga sa administrasyon ninyo?

Kung napakahaba ng pagkakataon ang ginugol ninyo sa pagpapasalamat sa inyong yaya, hairdresser, stylist, at mga cabinet secretaries na kwestiyonable naman ang mga performance, at iba pang hindi kailangang banggitin, bakit ang mga mahahalagang bagay ay initsa-pwera ninyo? Hindi ba kayo pwedeng magdaos na lang ng get-together o thanksgiving party sa Club Filipino para sa kanila at doon ay pasalamatan sila with hug o kiss pa?  Kung sabagay dahil sa mga pangalang binanggit ninyo ay nakarinig naman kayo ng mga palakpakan, eh, di wow!... dahil siguro kailangan ninyo ng pampalakas ng loob…okey lang! Sana ay hindi nerbiyos ang pahiwatig ng ilang beses ninyong pag-ubo…o baka kung ano na yan….concerned lang po, Mr. President.

Hindi lang siguro ako ang nagtatanong dahil marami ang nag-abang sa mga sasabihin ninyo sa inyong talumpati…subalit maaaring pati sila ay disappointed din dahil sa kalagitnaan pa lang ay inantok na, at naglipat ng estasyon ng TV o radyo dahil wala rin namang maririnig na bago. Kung pipilitin kayong sagutin ang tanong kung bakit marami kayong nakalimutan…baka sasagot lang kayo ng, “basta”. Kapag umabot na sa ganito, may magagawa ba kami?...eh, di wala!!!!

Isang abang mamamayan lang po ako na may maliit na boses…at umaasang maunawaan ninyo ang pakay ng mensahe kong ito na hindi naninira ng pagkatao ninyo, hindi tulad ng iba na idinodrowing ang mukha ninyong may sungay. Hindi rin ito tulad ng isang effigy ninyong nakakatakot ang hitsura na sinusunog pa. Iniisip ko lang po na kung ang mga taong tinuturing ninyong kaibigan ay hindi makapagsabi o makapagtanong, gagawin ko po ito bilang karapatan ng isang boss dahil yon ang palagi ninyong sinasabi…at kahit papaano ay yon lang din ang pinaniwalaan ko….wala nang iba. Kung pasado naman sa inyo ang ginawa ko…eh, di wow!”


Discussion

Leave a response