Ang Pangako ni Binay tungkol sa Korapsyon at ang mga Tiwaling Mambabatas
Posted on Thursday, 2 July 2015
Ang Pangako ni Binay
tungkol sa Korapsyon
at ang mga Tiwaling
Mambabatas
Ni Apolinario Villalobos
Pinangako ni Binay na kung maging presidente siya, ititigil
niya ang korapsyon sa gobyerno. Sa sinabi ni Binay, naalala ko ang kasabihang,
ang tao lamang na may alam kung paanong gawin ang isang bagay ang nakakaalam
din kung paano ito makontrol o matigil. Hindi tulad ng ibang pangungurakot na
diretsahan kung gawin, ang mga nangyaring katiwalian kasi sa Makati ay
mistulang ginamitan ng “maskara” ng magandang layunin. Sa simula ay hindi
nahalata dahil para nga naman sa mga senior citizens ang mga ito, pati na sa
mga mahihirap na pasyente at mga estudyante. Subalit dahil sa kasabihan pa
ring, walang naitatagong baho, sumabog ito at kumalat ang alingasaw na ikinadismaya
ng mga Pilipino na nag-akalang nakakabilib ang mga pinaggagawa ng mga Binay sa
Makati, na itinuring na “model city” ng bansa.
Ang nakakapag-alala lang ay kung sa halip na sawatahin ni
Binay ang korapsyon kapag presidente na siya, tulad ng pangako niya…paano kung
mag-iba siya ng diskarte dahil napatunayan nang pabago-bago ang takbo ng isip
niya, ayon sa dating vice-Mayor niyang si Mercado na nagsasaksi sa mga kaso laban
sa kanya? Hindi ito malayong mangyari dahil napatunayan ni Binay ang kahinaan
ng mga batas kaya madali lang ang paggawa ng katiwalian.
Ang mga batas ng isang bansa ay ginagawa ng mga taong
magaling humubog ng mga ito, lalo pa at karamihan sa kanila ay nag-aral pa ng
abogasya. Subalit, sa Pilipinas iba ang layunin ng mga mambabatas – pansariling
kapakanan. Sila rin kasi ang nakakaalam kung paanong paikutan ang mga kahinaan
ng mga batas upang malusutan at pagkitaan ang mga ito.
Ang pinakahuling pagtatangka ng mga mambabatas upang
“makaikot” sa mga batas, ay sa pamamagitan ng pagbago ng isang probiso ng
Saligang Batas na sisingitan ng “unless, otherwise provided by law” na paraan
daw upang hindi maabuso ang batas na may kinalaman sa pagpasok ng mga dayuhan
upang mag-invest sa mga kalakalang may kinalaman sa yamang likas ng bansa. Ang
mga tiwaling mambabatas ay nag-akalang hindi masasakyan ng mga Pilipino kung
ano ang kahulugan ng isisingit na mga salita. Simple lang naman ang mangyayari:
Kapag naisingit na ang gusto nilang linya, saka sila gagawa ng mga batas na
aayon dito….na tumutumbok naman sa kanilang pansariling kapakinabangan! Kaya
ang mangyayari ay katakut-takot na kurakutan…at legal pa dahil nakasaad na sa
Saligang Batas!...ang tawag ko diyan, “Constitutionalized corruption”.
Naging sukdulan na rin ang pambabastos ng mga tiwaling opisyal
sa mga batas ng bansa dahil sa pag-abuso naman ng “Temporary Restraining Order”
o TRO. Kapag halimbawa, ay may kaso sila at kailangan silang suspendihin,
tatakbo agad sa tiwali ring huwes na mag-iisyu ng TRO. Subalit kung isang
ordinaryong mamamayan ang nakakasuhan, diretso siya sa kulungan.
Kung halimbawa lang naman na maging presidente si Binay,
magpapang-abot sila ng mga tiwaling mambabatas na nakaluklok pa sa kanilang mga
puwesto. Kapag nangyari ito, asahan na ang pagkalusaw ng ekonomiya ng Pilipinas!
Dahil uso naman ang lipatan ng partido, yong mga sumisipsip kay Pnoy ay lilipat
sa kanya upang tuloy pa rin ang masaya nilang pangungurakot!
Discussion