0

Mga Historical Trivia tungkol sa Pilipinas (part 1)

Posted on Sunday, 5 July 2015



Mga Historical Trivia tungkol sa Pilipinas (part 1)
ni Apolinario Villalobos)

-Bago dumating ang mga Kastila, partikular, si Magellan, malakas na ang pakikipagkalakalan ng ating mga ninuno sa mga Hapon, Tsino, Cambodians, Indians, Malaysians, Borneans, Moluccans, Javans, at Sumatrans. Balita sa Espanya at iba pang kaharian sa Yuropa ang mga sangkap-panluto na tulad ng pamenta, sili, cinnamon, at iba pa na matatagpuan lamang sa Asya lalo na sa Malacca o Moluccas, at nagpapahaba din ng “buhay” ng hilaw na karne bilang preservative. Ang pakay talaga ng grupo ni Magellan ay ang Moluccas na madaling marating mula sa Pilipinas. Ibig sabihin, itinuring na “transit point” lamang ang Pilipinas. Pangalawang biyahe ni Magellan papunta sana sa Moluccas ang ginawang pagdaong sa mga isla ng Pilipinas, kung saan siya minalas na mapatay ni Lapu-lapu sa Mactan.

-Ang tunay na pangalan ni Magellan na isang Portuguese ay “Ferno de Magalhes”. Ang pangalan niya sa Kastila ay “Fernando de Magallanes”, at ang “Ferdinand Magellan” ay sa Ingles naman. Lumipat siya sa pagkiling ng Espanya kahit siya ay Portuguese dahil hindi kinilala ang kanyang naiambag sa mga paglalayag na nagpatanyag sa Portugal. Ininsulto pa siya ng hari noon ng Portugal na si Dom Manuel (the Fortunate) nang humingi siya ng kaunting dagdag na pension. May alipin siyang Asyano na si Enrique, o Henry, na nakatulong ng malaki nang makarating ang grupo niya sa Visayas dahil nakakausap nito ang mga katutubo ng mga isla ng Limasawa, Homonhon at Cebu na una nilang dinaungan. Dalawa ang bersiyon ng kuwento tungkol sa pagkatao ni Enrique. Ang una, siya daw ay anak ng sultan ng Malacca at sa edad na 13 ay sumama sa isang grupong sumalakay sa isang barko ng mga Portuguese at nahuli, pero “sinalo” siya ni Magellan na nagkataong nasa Malacca noon, at dinala siya sa Portugal. Ang pangalawa, siya daw ay isang Visayan na nabihag ng mga pirata at binenta bilang alipin sa Sumatra, hanggang makarating siya sa Malacca. Ang dalawang tawag sa kanya ng mga historian ay, “Henry of Malacca” at “Black Henry”.

-Hindi nagkakaisa ang mga katutubo sa ilalim ng iisang pinuno nang datnan ni Magellan dahil bawa’t isla ay may sariling pinuno o “datu”, at ang may pinakamaraming sakop ay kilala sa tawag na “raha”. Ang unang na-convert sa Kristiyanismo sa Cebu na nakipag-blood compact pa kay Magellan ay si Raha Humabon, pamilya niya at mga sakop. Si Lapu-lapu naman na pinuno ng Mactan ay hindi pumayag at nagbanta pa ng laban kay Magellan kung hindi sila aalis agad. Hindi nakipagtulungan ang mga Kastilang tripulante ng mga galleon na may hinanakit kay Magellan dahil sa pagka-Portuguese nito, sa planong pagsalakay  sa Mactan. Hindi sila bumaba ng mga galleon upang lumusob sa mga naghihintay na tropang katutubo sa dalampasigan ng Mactan. Pinanood lamang nila si Magellan at mga kababayan nitong mga Portuguese habang nakikipagbakbakan sa mga katutubo sa dalampasigan hanggang sa siya ay mapatay.

- Nagkaroon ng “peace negotiation” sa pagitan ng mga katutubo at natirang mga Kastilang tauhan ni Magellan pagkatapos ng labanan. Pinagpalagay ng ilang historian na bilang ganti ay nakipagsabwatan si Enrique kay Raha Humabon na “blood brother” ni Magellan, na nagplano kasama si Lapu-lapu, ng isang salu-salo bilang pamamaalam sa mga Kastila.  Sa salu-salong naganap, minasaker ang mga Kastila, subalit may iilang maswerteng nakatakas at nakabalik sa mga galleon na agad naglayag. Ang mga buhay na mga Kastilang naiwan ay binihag at ibinenta bilang alipin sa mga mangangalakal na Tsino. Si Enrique naman ay pinagpalagay na bumalik sa kanyang pamilya.

-Ang pakay talaga ng mga Kastila sa pagsakop ng mga isla dahil napasubo na sila, ay upang pagkitaan ito batay sa paniwalang mayaman ang mga ito sa ginto at mga sangkap sa pagluto o spices. Upang magtagumpay sila sa pananakop, pinauna muna ang mga misyonaryo, na bandang huli ay nakipagpaligsahan na rin sa mga opisyal, sa pagpayaman. Ang mga misyonaryo ay mga Jesuits o Hesuwita na kinabibilangan ni St. Francis Xavier o St. Francis of Assissi, at mga Dominikano o Dominicans.

-Ang mistulang tatsulok na kapirasong lupain na ngayon ay ang tinatawag na Intramuros ang tinutukoy noon ng mga Kastila na Manila, at ang Pilipinas naman ay tumutukoy sa iilang isla ng Luzon at Visayas, hindi sakop ang buong Mindanao, kahit na may maliit silang kampo noon sa Zamboanga. Ang “Islas Felipinas” na naging “Filipinas” ay hango sa pangalan ng hari ng Espanya noon na si Philip II.

-Ang mga Kastilang hinakot lamang ng galleon mula sa Espanya upang tumira sa Manila ang tinawag na “Manileo” o “Filipino” - mga nakatira sa loob ng Intramuros o “Walled City” na ayon sa mga historian ay tumalo sa kagandahan ng ibang mga siyudad sa Yuropa.  Ang tawag sa mga nakatira sa kabilang pampang ng Ilog Pasig (ngayon ay Quiapo at Sta. Cruz) ay mga “Tagalog” (taga-ilog), pero dahil hindi binyagan sa Kristiyano ay tinukoy ding mga “Moro” bilang paghalintulad sa mga “Moors”, mga Moslem na pinalayas mula sa Espanya ng mga Christian Crusaders. Ang iba pang mga nakatira sa kabila ng Ilog Pasig ay mga Intsik na tinawag na “Sangley” isang salitang Amoy na ibig sabihin ay “trader”, at pinilit tumira sa iisang lugar upang makontrol – ang “Parian”, na ngayon ay Chinatown. Ang mga Hapon naman ay pinatira sa hindi kalayuang lugar na ang sentro ay tinatawag ngayong Plaza Dilao. Ang mga nakatira sa mga karatig- lugar ay tinawag na mga “Indio” o “Indian” dahil inihanlintulad naman sila sa mga katutubo ng mga lugar sa  South America tulad ng Peru at Mexico na unang sinakop ng mga Kastila.

Malinaw dito na ang mga ninuno natin ay inalipin sa sariling bayan. At, ang “Filipino” bilang katawagan ay hindi talaga laan para sa kanila noong panahon ng mananakop na mga Kastila!

Discussion

Leave a response