0

Ang Survival of the Fittest sa Ibabaw ng Mundo...umiiral pa rin at lalong tumitindi

Posted on Friday, 10 July 2015

Ang Survival of the Fittest sa Ibabaw ng Mundo
…umiiral pa rin at lalong tumitindi
ni Apolinario Villalobos


Hanggang sa panahon ngayon, para sa tao, umiiral pa rin ang kalakarang survival of the fittest o matira ang matibay, sa kabila ng mga tinatawag na “sistema” na gumagabay sa sibilisadong pamumuhay. Kahit tayo’y nasa panahon na ng tinatawag na sibilisasyon, nasa paligid pa rin natin ang mga banta na dulot ng iba pang mga nilikhang nasa mababang antas o lebel ng buhay – ang mga mababangis na hayop, at mga pesteng kulisap. Nagbabanta pa rin ang lakas ng kalikasan, at ang pinakamatinding banta ay mula sa kapwa-tao natin mismo.

Ang survival of the fittest ay hindi dapat na pantukoy lamang sa mga hayop na nakatira sa kagubatan at nakikipagtagisan ng bangis sa isa’t isa, upang pagkatapos, ang mananaig ay kakain sa natalo, o mga halamang gubat na nag-aagawan ng sikat ng araw, kaya ang pinakamataas na may pinakamayabong na dahon at sanga ay may malaking pag-asang mabuhay. Ang survival of the fittest ay angkop din sa tao.

Sa sibilisadong mundo ng tao, ang digmaan ay isa lamang sa mga makakapagpatunay kung anong bansa ang matibay. Upang mapatunayan ang lakas, may mga bansang gumagamit ng pinakamalakas at pinakabagong sandata. Gumagamit din sila ng mga istratehiya upang makakuha ng maraming kaalyadong bansa. Ang mga istratehiya ay ginagamit din ng malalaking bansa upang makapanlinlang o makapag-bluff, o hindi kaya ay makapanindak ng maliliit na bansa na balak nilang kontrolin.

Pagdating naman sa ekonomiya, kung anong bansa ang may maraming pera na dinadagdagan pa ng katusuhan, ay siyang may malaking tsansang makakontrol ng mga negosyo sa buong mundo. Ang katusuhan ay ginagamit sa pinapairal na mga patakaran sa pangangalakal, upang maging one-sided ang mga ito at papabor sa malalaking bansa. Dito ay mababanggit ang isyu halimbawa, ang “globalization” na ang mga patakaran ay pabor sa mga malalaking bansa, at sumisira naman sa industriya at agrikultura ng mga maliliit na bansa na nasindak at nalinlang, tulad ng Pilipinas. Subali’t kung minsan, sa bagay na ito, mismong mga opisyal ng gobyerno ay sangkot sa ganitong panlilinlang ng sarili nilang bansa dahil kahit alam na nilang hindi makabubuti ang mga pinasok na kasunduan ay may kabulagan pa rin nilang itinutuloy.

Sa relihiyon, ang tibay at lakas ay pinapakita sa pamamagitan ng sipag at tiyaga sa pangangalap ng mga miyembro. Ang ibang grupo ay bumibili ng airtime sa TV at radyo upang magkaroon ng regular na programa. Ang iba ay nagkakasya sa paglilibot at pagmumudmod ng mga babasahin, na sinasabayan ng pakikibahagi ng mga Salita ng Diyos. Ang ibang grupo na gustong makapagpa-impress agad ay naninira o nanlilibak ng mga kakumpetensiya. Subali’t ang pinakamatinding paraan ay ang ginagawa ng Islamic State group, isang ultra-tradionalist group ng mga Muslim sa Gitnang Silangan na namumugot ng mga kaaway o lumalabag sa mga patakaran nila.

Sa larangan naman ng pulitika, bihirang bansa ang may malinis o hindi korap na sistema. Ang pinakamakatotohanang halimbawa ay ang pulitika sa Pilipinas na sa ngayon ay parang gubat kung saan ay naglipana ang mga halos nauulol sa pagkagahaman na mga pulitiko -  nagpapakapalan ng hiya o apog sa mukha. Matira ang matibay na may sikmurang halang ang bituka….tibay ng hiya dahil kumapal na sa mukha….at tibay ng pagsisinungaling dahil kung magbanggit sila ng mali ay animo nagbabasa ng Katotohanan mula sa Bibliya.

Sa Pilipinas pa rin, pagkatapos ng hagupit ng mga kalamidad, makikita ang mga matitibay – mga nakaligtas, subalit patuloy pa ring hinahagupit ng mga panloloko ng mga taong itinalaga ng gobyerno upang tumulong sa kanila. Ang mga manlolokong ito ang namamahala ng mga ahensiya ng gobyerno na may kinalaman sa pagpamudmod ng mga relief goods subalit hindi maayos ang pagpapatupad ng mga tungkulin. Ang mga taong nakaligtas sa hagupit ng kalamidad ay hinahagupit rin ng mga pulitikong gumagamit sa kanila upang makapagpalapad ng papel -  makapagpakodak habang namimigay kuno ng tulong, o di kaya ay makapagpa-interview sa mga reporter upang makaipon ng puntos na kailangan nila pagdating ng eleksiyon.

Pero hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa sa harap ng mga pangyayari, dahil kung matibay ang pananampalatayang nakatanim sa ating puso, hindi naman siguro tayo pababayaan ng nag-iisang Pinakamakapangyarihan sa lahat. Ang nakikita at nadadanasan nating mga pangyayari ay hanggang sa ibabaw lamang ng mundo…at magtatapos din sa ibabaw ng mundo dahil may hangganan. Subali’t ang tibay na ipapakita ng may masidhing pananampalataya sa Kanya ay panghabang-buhay….walang hangganan…hanggang sa kabilang buhay!


Discussion

Leave a response