0

Tag-ulan na naman...

Posted on Tuesday, 7 July 2015

Tag-ulan na Naman…
Ni Apolinario Villalobos

Tag-ulan na naman. Tulad ng inaasahan, kikilos na naman ang pamahalaan sa paglinis ng mga daluyan ng tubig sa kalakhang Maynila. At, papasyal na naman ang mga pulitiko sa mga “buhay na boto” na nakatira sa tabi ng mga estero at ilog na namumuwalan na sa dami ng basura. At lalabas sa TV ang tagapagsalita ng Malakanyang upang magsambit ng mga pangako sa pagpapalipat ng mga informal settlers sa mga relocation sites. Paulit- ulit na sinasabi, taon-taon na lang, na may pondo naman daw na magagamit. Ang tanong naman ng taong bayan…nasaan?

Tag-ulan na naman. Nakailang taon na rin ang lumipas para sa mga biktima ng karahasan sa Zamboanga, pero hanggang ngayon, nasa evacuation center pa rin sila. Marami na rin ang namatay sa sakit dulot ng hindi malinis at masikip nilang kapaligiran. Nakailang taon na rin makalipas ang bagyong Yolanda, ngunit ang mga biktima ay nakatira pa rin sa maliit na “temporary shelters” na ang pagpatayo ay pinagkitaan pa ng mga tiwaling opisyal.

Tag-ulan na naman. Ang mga nasirang paaralan noong nakaraang mga bagyo, nakatayo pa rin, hindi ginalaw, wala raw pondo. Baka ang ibig nilang sabihin ay wala nang natirang pondo sa kaban ng bayan dahil ibinulsa ng mga magnanakaw na kapit-tuko sa katungkulan. Ang mga tulay na nilaylay ng pinakahuling bagyo…laylay pa rin, yong iba ay putol, kaya ang mga apektadong tao tumatawid sa mga rumaragasang ilog o nakikipagsapalan sa mga kawayan at lubid, umiindayog sa bigat nila at ihip ng hangin.

Tag-ulan na naman. Sisinghap–singhap at giginawin na naman si Juan, biktima ng baha at bagyo, maghihintay ng kakarampot na relief goods mula sa Department of Social Welfare (DSW).(Dagdag kaalaman: noong unang panahon ang tawag sa DSW ay Social Welfare Administration (SWA). Pinalitan dahil sinabi ng mga Pilipino noong unang panahon na mas angkop daw tawaging “SWApang”. Maski pa nabago ang pangalan ng ahensiya, wala pa ring nabago sa mga pamamalakad nito dahil ampaw pa rin.

Tag-ulan na naman. Magpapaligsahan na naman sa pagpatak ang ulan at luha ng mga taong walang masilungan, lulutang-lutang kung abutin ng baha, kumakapit sa mga puno kung bumayo ang bagyo, at nagtitiis sa pagkulo ng tiyan kung hindi mabigyan ng iilang pirasong instant noodles at ilang kilong bigas.

Tag-ulan na naman….ganoon nang ganoon na lang ang mga kuwento ng buhay ng mga kawawang Pilipino – walang pagbabago! …dahil walang awậ kung hagupitin ng kalikasan at masisibang tao sa pamahalaan!

Kung tulong ang ulan sa natutuyong mga dam at palayan, dusa naman ang dulot nito sa mga taong walang masilungan at ang inaasahan pa ay mga tumpok-tumpok na paninda sa bangketa at bilao. Subalit dahil matibay naman ang kanilang pananampalataya…pinapasa-Diyos na lamang nila ang kanilang kapalaran dahil lahat na kayang gawin ay ginawa na nila.

Ipagdasal natin sila ngayong tag-ulan….

Discussion

Leave a response