Sa Pilipinas, Pakapalan ng Mukha ang Labanan sa Pulitika
Posted on Sunday, 19 July 2015
Sa Pilipinas, Pakapalan
ng Mukha
ang Labanan sa
Pulitika
Ni Apolinario Villalobos
Kung hindi matapang ang hiya ng isang tao, hindi siya
pwedeng pumasok sa larangan ng pulitika sa Pilipinas kung saan ang labanan ay
pakapalan ng mukha. Nakakatulong din ang pagkakaroon ng pangalan na kilala na
sa larangang ito, kaya sumibol ang “political dynasty”. Ang palaging sinasabi
kahit kahiyaan na ay, “nandito na rin lang sa pulitika, lubusin na”…kaya
nagkakanya-kanya ng hakot ng kapamilya ang mga walang hiyang pulitiko upang
maipasok sa larangang ito.
Para sa baguhan at hindi kilala, nagsisimula ang pakapalan
ng mukha sa araw na magpilit siyang kaya niyang tumakbo sa isang posisyon at
wala siyang pakialam kung pagtawanan man siya o laitin kahit na ng mga kaibigan
niya. Hindi rin ligtas sa mga panglalait ang mga kilala na sa pulitika na
gustong tumakbo sa mas mataas na puwesto o di kaya ay tumakbo uli para sa
dating posisyon hangga’t pasok pa sa alituntunin, subali’t bistado namang
walang ginawa o nagawa kundi mangurakot lang. Talagang makakapal ang mukha!
Sa kaso ng mag-amang Binay, nang tanungin daw ang
nakakatandang Binay kung ii-endorso niya ang kanyang junior kung tatakbo ito sa
pagka-senador, ang sagot niya: “siyempre, dahil anak ko yan”. Ganoon sila
kakapal sa garapalang pagpapakita ng mga tunay nilang layunin sa pulitika – ang
magkaroon ng dinastiya o dynasty. Kung ang Makati ay literal na tinatakan nila
ng letrang “B”, ang buong Pilipinas pa
kaya na sa tingin nila ay malaking oportunidad para sa isang malaking negosyo?
Si Mar Roxas ay ehemplo ng pinakamatinding pakapalan ng
mukha dahil sa layuning tumagal sa larangan ng pulitika, kesehodang sa tingin
ng mga kritiko niya ay nagmumukha siyang tuta ng kanyang iniidolo. Dahil sa
ginagawa ni Roxas, nawalan na siya ng “self-respect”, isang palatandaan ng
kahinaan kaya lalong nawawalan siya ng pag-asang manalo. Sino ba naman kasi ang
boboto sa isang tao na walang sariling disposisyon at umaasa lang sa iba?...ang
pagkakamali niya ay ang sumandal sa isang taong ampaw pala! Kung gusto niyang
mabawi ang kanyang “self-respect” dapat ay mag-resign siya bilang Secretary ng
DILG ngayon na, at tumigil sa kaaasta na parang loud speaker ni Pnoy sa pagsabi
ng “tuwid na daan” at “reporma” na puro kathang isip lamang!
Kahit hindi tumakbo uli sa pagka-presidente, kinakapalan din
ni Pnoy ang mukha sa pangungulit ng pakikipag-usap kay Grace Poe na sa tingin
ng mga Pilipino ay may malaking potensiyal na maging presidente. Natataranta si
Pnoy dahil kung hindi niya makukuha ang isang pangako mula sa isang tingin niya
ay magiging presidente, siguradong makakasuhan siya at madadagdag sa listahan
ng mga babatikusan dahil sa maling paggamit ng pondo ng bayan. Hindi
nakakalimutan ng taong bayan ang sinabi ni Grace Poe bilang konklusyon ng imbestigasyon
sa Mamasapano massacre, na dapat ay managot si Pnoy dahil sa kapabayaan. Hindi
ito pwedeng bawiin ni Poe dahil siya naman ang malalagay sa kahihiyan.
May mga tumatakbo rin na ang habol lang ay makalikom ng mga
“donation” na pera para sa pangangampanya, subalit tinitipid naman upang malaki
ang matirang pambulsa. Diyan nagkaroon ng malaking bahay at iba pang ari-arian
ang isang kilalang pulitiko na tumakbo sa pagka-presidente pero natalo. Inamin
niya sa isang interbyu na galing sa natirang donasyon daw ang kanyang pera
upang palabasing hindi siya nangurakot sa kaban ng bayan. Wala siyang choice
kundi aminin ang nakakahiyang ginawa kaysa naman madiin sa mga akusasyong may
kinalaman sa pangungurakot, subali’t dahil sa kamalasan ay hindi pa rin natanggal
ang akusasyon dahil malinaw naman na isa siya sa mga ginamit ni Napoles.
Ang iba naman ay buong kayabangan at katapatang nagsasabi na
ang pagpasok nila sa pulitika ay isang “investment” kaya walang problema kung
gumastos man sila ng malaki dahil inaasahan naman nila na sa loob lamang ng
isang taong pangugurakot ay apat na doble ang maibabalik sa kanila!...at yan ay
napatunayan na!
Discussion