Bakit May Gobyerno Pa?
Posted on Saturday, 4 July 2015
Bakit May Gobyerno
Pa?
Ni Apolinario Villalobos
Sa mga rally, lalo na noong nakaraang pagdiwang ng Araw ng
Kalayaan, ang sigaw ng ilan ay hindi ang pagbagsak ng kasalukuyang gobyerno,
bagkus ay isang katanungan: “BAKIT MAY GOBYERNO PA?” Ang nararamdaman kasi ng
mga tao, ay para na ring walang namumuno, dahil halos wala man lang napaparusahang mga tiwaling opisyal o
nagpapataw ng kaukulang parusa sa mga lumalabag ng batas….kaya ang mga Pilipino ay nagsasariling
diskarte na lang upang mabuhay. Palaging naririnig ang parusang “pagsibak”, na
ibig sabihin lang pala ay pagtanggal sa kasalukuyang pwesto at “paglipat” sa
ibang pwesto…wala ring nangyari.
Matatapang ang mga negosyante sa pagtago ng mga basic
commodities tulad ng bigas upang magkaroon ng dahilan na makapagtaas sila ng
mga presyo nito, pati nga rekado na bawang at sibuyas ay napakialaman din. Ang
mga negosyante ng langis, ganoon din ang
tindi ng tapang sa panloloko sa pamamagitan ng animo ay pagsi-see-saw ng mga
presyo…magbabawas ng ilang sentimo, at magtataas ng mahigit piso. Parang
nakakaloko na sa pagpapatakam. Matatapang ang mga taong pamahalaan sa pagturing
sa mga proyekto na animo ay sarili nilang negosyo kaya kung pagkitaan ang mga
ito ay ganoon na lang.
Dahil wala man lang napapatawan ng parusa, pati ang sistema
sa mga kulungan ay apektado at nakulapulan na rin ng kagaw ng corruption. Pati
na rin ang mga paaralan, mula high school hanggang libel ng kolehiyo ay hindi
man lang masita sa maya’t maya ay pagkakaroon ng mga sosyalang gastusan, tulad
na lang ng “acquaintance party” na may costume pa…para ano ito, ganoong
kabubukas lang ng mga eskwela? Sigurado, ilang buwan lang pagkatapos ng party
na yan, magkakaroon na ng “educational tour” na kasama sa itinerary ay shopping
mall o resort para makapasyal ang mga madre at mga titser at ang mga gastos
nila ay pinababalikat sa mga estudyante. Ang mga estudyanteng hindi makasama
dahil walang panggastos, pinapatawan ng mga kung anu-anong project naman, na
hindi naman talaga kailangan. Bakit hindi na lang research project na may
kabuluhan ang ipagawa sa mga estudyante o di kaya ay familiarization sa mga
iba’t- ibang barangay ng lunsod o bayan kung saan nandoon ang paaralan, sa
halip na “educational tour” sa malalayong lugar?
Nakakahiya, dahil ang mga taong inaasahan na dapat ay
nagtuturo ng mga paraan kung paanong makaiwas sa gastos ang mga magulang dahil
sa kahirapan ng buhay, ay siya pa ang pasimuno ng kaaliwaswasan na walang
kabuhulang gastusan. Inutil ang mga ahensiyang nakatoka sa sistema ng edukasyon
ng ating bansa. At, lalong walang konsiyensiya ang mga paaralang, animo ay
nanghuhuthot sa mga magulang at estudyante sa halip na magturo nang maayos
upang makapaghanda ang mga kabataan para sa kanilang kinabukasan.
Naturingang may Senado at Kongreso, subali’t ang mga ibinoto
ng bayan upang umupo rito ay may mga bahid na ng corruption. Noong kampanyahan,
animo mga santo at santa, puro pangako ng mga magagandang proyekto. Subali’t
nang magkaroon ng pagkakataon upang makapangurakot, hindi na nagpapigil. Kailangan
nga naman nila ang pondo para sa susunod na eleksiyon. Nagbibintangan sila sa
isa’t isa at may mga “sinampahan” na ng mga kaso. Sino pa ang pagkakatiwalaan
ng mga tao? Yong mga bago sa Senado tulad ni senadora Binay, ay may kinakaharap
ding mga katanungang dapat niyang sagutin. Si senadora Poe, hindi naman
nakakalimutan ang pangdaya daw ng dating Presidente Gloria sa kanyang
ama…lumalabas na benggadora siya dahil hangga’t may pagkakataon, hindi niya
maiwasang hindi banggitin ito. Para na rin siyang si Presidente Aquino na
maya’t maya din ang paglingon sa dating pamunuan ni Presidente Gloria upang
batuhin ng mga pagsisisi sa mga pangyayaring palpak sa kasalukuyang
administrasyong hawak niya. Ang ugaling mapaghiganti ay nakakapagpigil sa
pag-usad ng tao, at ang pinakamalaking halimbawa ay ang nangyayari ngayon –
hirap sa pag-usad ang pamahalaan dahil panay ang sisi ng pamunuan sa mga
corruption daw ng nakaraang administrasyon sa mga nangyayari ngayon.
Sana magmuni-muni din ang pangulo tungkol sa mga taong itinalaga
niya bilang mga alalay niya lalo na sa namamahala ng budget na nahasa na sa mga
nakaraang administrasyon. Ang mga napatunayan nang wala namang alam sa
pagpapatakbo ng mga ahensiya ay nandiyan pa rin na naging mabigat pa niyang
pasanin. At ang mga mambabatas na bihasa na sa pag-ikot sa mga batas ay
nandiyan pa rin, kaya hindi lang ang nakaraan presidente ang dapat niyang
sisihin. Ang mga talumpati niya na ang laman ay puro pagdedepensa sa kanyang
mga kaalyado sa partido at mga alalay sa gobyerno ay ayaw na ring pakinggan ng
marami dahil ampaw naman daw – walang laman.
Ultimo driver ng dyip na nasakyan ko minsan, pinatay ang
kanyang radyo nang marinig ang nagsisimula pa lang na talumpati ng pangulo,
sabay bitaw ng mga pagmumura. Hindi ko na lang pinansin dahil baka lalo lang
mainis at ibangga ang dyip.
Mabuti na lang at madiskarte tayong mga Pilipino, kung
hindi, baka sa kangkungan pupulutin ang lahi natin!
Discussion