Ang Mga Kapabayaan sa Pilipinas...kabulukang nakakasulasok at nakakasuka!
Posted on Tuesday, 21 July 2015
Ang mga Kapabayaan sa
Pilipinas
…kabulukang nakakasulasok
at nakakasuka!
Ni Apolinario Villalobos
Napakaraming kapabayaan ang maibabato sa pamahalaan na
nagresulta sa pagkawala ng respeto ng mga mananamantala sa gobyerno. Dahil
dito, nadadamay ang kabuuhang pagkatao ng mga Pilipino na nawalan na dignidad o
dangal.
Ang isang halimbawa ay ang pagpipilit ng DMCI, developer ng
Torre de Manila na ituloy ang
pagpapagawa kahit may TRO na noon pa man. Mula sa apat ay naging pito, hanggang
nabisto na ang gusto palang ipatayo ay isang high-rise condo na may 49 palapag.
Tinagurian itong “national photo bummer” dahil kapag nagpakuha ang mga
namamasyal sa Luneta ng litrato sa harap ng rebulto ni Rizal, litaw na litaw
ang ginagawang gusali. Ngayon, gusto pa ng Supreme Court na bayaran ang DMCI kung
mahihinto ang proyekto nila, ganoong sa simula pa lang ay alam na ng kumpanyang
mali sila, at nagpapalusot lamang sa tulong ng mga tiwaling opisyal ng
pamahalaan, lalo pa at nagsimula na pala silang magpre-selling maraming buwan
na ang nakaraan. Walang ginawa ang administrasyon ni Aquino ganoong ang usapin
ay isang national issue.
Dahil naman sa walang humpay na nangyayaring korapsyon sa
gobyerno, ang tingin sa ating bansa ay basura na. Kahit sa kapit-bansang
Malaysia ay may mga adverstisement na hindi ligtas ang manirahan at magnegosyo
sa Pilipinas. Sa larangan naman ng turismo, kung ilang beses nang napasama sa
listahan ng mga bansang dapat iwasan ang Pilipinas. Nasundan pa ito ng pagdagsa
ng halos isandaang malalaking container vans na puno ng basura mula sa Canada.
Hindi na nirerespeto ang Pilipinas dahil ang mismong namumuno ay walang
political will.
Ang nasa isip ng mga banyagang gustong manamantala sa
Pilipinas ay makakalusot sila basta may nakahandang milyones na panlagay sa mga
opisyal. Hindi maiwasang isipin nila ito dahil may mga pruweba nang ginagaya
naman ng iba, hanggang umabot sa halos wala nang katapusang pang-aabuso ang
lahat. Lumalaki ang problemang kinakaharap
ng mga Pilipino dahil malalim na ang inabot ng ugat ng korapsyon sa
gobyerno. Paano pang mabubunot ang ugat sa ngayon, kung mismong namumuno ay
walang pakialam sa mga nangyayari sa kanyang paligid?
Mismong sa loob ng bakuran ng bansa, nagkalat ang mga basura
– sa kalye at mga estero, bukod pa sa paligid ng mga slum areas. May mga
ahensiya ngang itinalaga pero wala namang ginagawa. Sa mga estero o daluyan ng
tubig nga lang, hinahayaang kumapal ang mga basura at water liliy, kaya kapag
inabutan ng malakas na ulan umaapaw ang mga ito na nagdudulot ng matinding
baha. Oo nga’t may kasalanan din ang mga tao, subali’t ano ang gagawin nila
kung ang basurang inilagay naman nila ng maayos sa mga pick-up points ay hindi
hinahakot ng mga trak ng basura sa tamang oras?
Maliliit na mga isla at kalat-kalat na nga lang ang
Pilipinas, tatambakan pa ng basura ng ibang bansa at mismong mga naninirahan,
ano pa ang aasahang mangyari?...ang sagot ay dusa na idudulot ng sakit mula sa
amoy ng basura, at lason na tatagas sa mga daluyan ng tubig sa ilalim ng lupa o
bukal, na iniinom ng mga tao!
Discussion