Bakit Hindi Binabatikos ng mga Militante si Binay?...napansin ko lang
Posted on Tuesday, 28 July 2015
Bakit Hindi
Binabatikos ng mga Militante
Si Binay?....napansin
ko lang
Ni Apolinario Villalobos
Kapansin-pansing sa kabila ng mga imbestigasyong nangyayari
sa mga Binay, wala man lang ni isang militanteng grupo na sumusuporta sa mga
ginagawang ito. Subalit kung si Pnoy naman ang binabatikos, may mga sinusunog
pa silang effigy nito. Ano ang ibig nilang sabihin?...na may dalawang uri ng
korapsyon?
Kung ang pinaglalaban ng mga militanteng grupo ay prinsipyo
at kapakanan ng taong bayan, dapat ay pantay ang kanilang ginagawang aksiyon.
Hindi ba korapsyon ang isyu laban sa mga Binay? Mga kaalyado lang ba ng
presidente ang itinuturing nilang korap? Bakit ang mga senador at mga
kongresman na alam nilang mga korap ay ayaw nilang igawa ng mga effigy at
sunugin sa Luneta, tapat ng grandstand upang malawak ang mapagdadausan at
marami ang makakakita o kung gusto nilang pasundan ng rally ay lalong mabuti
dahil malawak ang lugar? Bakit palaging si Pnoy na lang ang pinapatutsadahan
nila ganoong hindi naman ito ang mismong korap kundi ang mga nakapaligid sa
kanya?
Hindi ko pinapanigan si Pnoy dahil binabatikos ko rin siya
pero hanggang sa mga bagay na tingin ko ay mga kakulangan at kahinaan lamang
niya bilang presidente. Kung ang problema ng mga militanteng grupo ay ang sinasabi
nilang pakikialam ng Amerika sa Pilipinas, bakit hindi nila ipaglaban ang pagbabago
sa Saligang Batas upang mabawasan ang kapangyarihan ng presidente sa
pamamagitan ng pagbabago din ng sistema ng gobyerno upang tuluyang mawala sa
eksena ang mga Amerikano?
Dapat unawain ng mga grupong ito na dahil sa patung-patong na
utang ng Pilipinas, nakikialam ang mga inutangan kung paano magamit ang inutang
na pera upang siguradong maibalik sa kanila ang mga ito na may kasama pang
interest.
Ang pagsulpot ng mga Amerikano dahil sa Balikatan Exercise
ay kailangan ng Pilipinas kahit papaano.
Ginagawa rin ng maraming bansa sa ibang kontinente ang ganito dahil sa
magandang relasyon nila sa isa’t isa. At isa pa, malinaw naman na may interes
din ang Amerika sa West Philippine Sea kaya talagang hindi ito magpapabayang
makamkam nang ganoon na lamang ng Tsina ang nasabing dagat…ano ang problema
dito? Malinaw naman sa buong mundo na itinuturing na “highway” ng mga
naglalayag na mga barko ng iba’t ibang bansa ang nasabing dagat. Ang pag-aalala ay pangkalahatan, hindi lang
ng Pilipinas, kaya bakit itinuturing na problema ng mga militanteng grupong
Pilipino ang pagpapakitang-gilas ng Amerika sa bahaging ito ng Dagat Pasipiko
upang makapanindak man lang kahit bahagya sa Tsina?
Dapat ang pagtuunan ng pansin ng mga militanteng grupo ay
ang kaso ng mga Binay, upang lumabas na talagang prinsipyo ang pinaglalaban
nila. Kung kakalabanin pa rin nila ang mga korap na kaalyado ni Pnoy, mas
lalong magaling. Kung yon ang gagawin nila, lalabas na talagang “instrumento”
sila ng Demokrasya, hindi ng kung ano pa mang ideyolohiya.
Discussion