0

Ang mga Ninuno ng mga Tsino ay Mangangalakal, hindi Mananakop...kaya hindi sila dapat idahilan sa issue ng West Philippine Sea

Posted on Friday, 3 July 2015



Ang mga Ninuno ng mga Tsino ay Mangangalakal
Hindi Mananakop…kaya hindi sila dapat idahilan
sa issue ng West Philippine Sea
Ni Apolinario Villalobos

Unang-una, hindi dahil ang West Philippines na tinatawag ding “South China Sea” ay may “China”, ay nangangahulugang pagmamay-ari na ito ng mga Tsino. Ang pangalang “South China Sea” ay ginamit bilang reference o batayan ng direksyon ng mga manlalayag noong unang panahon. Wala ni isa mang pahina ng history books ang nagsasabi na sinakop ng Tsina ang karagatang ito. Mangangalakal ang mga Tsino noon kaya kung saan-saan sila nakakarating at ginawang animo ay “highway” ang pinagtatalunang karagatan. Nadatnan ng mga Kastila ang mga Tsino noon bilang tahimik na mga negosyante, subalit may pagkatuso nga lang. Sinona o pinatira sila sa iisang lugar sa kabila ng Pasig at tinawag itong “Parian”.  Tinawag din silang “Sangley”, na ang ibig sabihin ay “trader”. Ang Parian ay ang maunlad na ngayong Manila Chinatown, ang kauna-unahang Chinatown sa buong mundo.

Patunay sa kawalan nila ng intensyong manakop ang hindi pagtulong ng emperor ng Tsina noon sa mga Tsino sa Manila, nang mag-aklas ang mga ito laban sa pagmamalabis ng mga Kastila na umabot sa madugong labanan. Ayaw kasi ng emperor nila noon na umalis sila ng Tsina at tumira sa ibang lugar, kaya lumalabas na para silang itinakwil. Nagkaroon pa nga ng tinatatawag na “Bamboo Curtain” noon dahil sa inasal ng Tsina na hindi  pakikipagrelasyon ng lubusan sa ibang bansa.

Kaya ang sinasabi ng mga lider ng Tsina ngayon na “nakakahiya” sa kanilang ninuno kung hindi nila ipaglalaban ang “karapatan” nila sa West Philippine Sea ay malabo. Ideya na lang yan ng mga pinuno ng Tsina ngayon dahil nangangailangan sila ng mapaglalagyan ng iba pa nilang mamamayan na umaapaw na sa mainland China, at nangangalap din sila ng pagmumulan ng langis na sinasabing matatagpuan sa West Philippine Sea. Bumabagsak na kasi ang Tsina at nadagdagan pa ng problema nila sa Hongkong dahil gustong kumalas mula sa mainland ang mga Honkongites.

Noong panahon ni Gloria Arroyo, nagkaroon ng joint exploration sa West Philippine Sea ang Tsina at Pilipinas, para sana sa joint exploitation ng matatagpuang langis. Subalit nang makumpirma na mayaman nga sa langis ang ilalim ng karagatan, biglang kumalas ang Tsina sa magandang pakikipagtulungan. Tumahimik sila, at nang bumuwelta ay umiba na ang tono ng kanilang sinasabi, at inungkat pa ang “nine dash” na kaek-ekan nila. Dahil sa “nine dash” na yan, pinalabas nilang “sakop” daw nila ang malaking bahagi ng West Philippine Sea, kaya nag-double time sila sa pag-reclaim ng mga bahura upang maging artificial islands ang mga ito.  At, dahil pa rin diyan ay nagkaroon na ng “extension” ang kanilang nasasakop na teritoryo. Ngayon, lumalabas tuloy na talagang legal ang pangangamkam nila! Mga tuso nga...hindi na nagbago!

Mula noong naging aktibo ang Tsina sa pag-reclaim ng mga bahura sa West Philippine Sea, nasira rin ang maganda sanang samahan ng mga Pilipinong mangingisda sa mga kapwa nila mangingisdang Tsino, pati na sa mga nagpapatrulyang Chinese Navy. Nagpapalitan pa sila noon ng pagkain. Ang alam kasi ng lahat noon ay “neutral” ang nasabing karagatan dahil may iba pang mga bansang umaako sa mga bahagi nito, tulad ng Brunei, Malaysia at Vietnam, at wala pang maayos na napapagkasunduan hanggang ngayon.

Ayaw ng Tsina na mamagitan ang United Nations dahil alam nitong kung makialam ang ibang bansa, lalo na ang malalaki, ay matatalo sila. Ang gusto ng Tsina ay bilateral talk lamang sa pagitan nito at ng Pilipinas. Kung mangyayari ito, Pilipinas naman ang matatalo dahil siguradong dodominahen ng makapangyarihang Tsina ang usapan.

Ngayon, ang mayabang na Amerika ay walang magawa kundi mamangha at magbanta.  Ang mga bansa namang nakiki-angkin din ng bahagi sa nasabing karagatan ay tahimik lamang dahil walang magawa. Ang isang maliit na hakbang kasi na gagawin ng maliliit na bansang nakiki-angkin ay maaaring gawing dahilan ng Tsina upang lumusob sa kanila. Sa katusuhan ng Tsina, maaari nilang sabihin na ito ay “act of aggression”  o di kaya ay “trespassing”, at ang matindi ay baka sabihin nilang nilulusob sila! Hindi malayong mangyari ito, dahil sa kasisinungaling nila, pinapalabas pa nga nila na sila ang inaapi ng Pilipinas dahil nagsampa ito ng reklamo sa United Nations!

Kung sakaling magkaroon ng labanan sa karagatang ito, ang kawawa ay mga bansa ng Timog –kanlurang Asya na ilang daang milya lang ang layo sa mga bahura, kung saan ay mayroon nang base-militar ang Tsina. Malabong asahan ang Amerika na wala naman talagang naitulong sa Pilipinas mula pa noong pinalitan nila ang mga Kastila bilang mananakop. Nagtayo nga sila ng mga eskwelahan, mga tulay at kung anu-ano pa, pero ang kapalit naman ay ang walang pakundangang pakialam sa pamamalakad ng ating gobyerno at pangangahas (exploitation) sa ating likas-yaman (natural resources).

Ang malinaw ngayon, naisahan ng mga Tsino ang wise na mga Amerikano. Ang dahilan kung bakit nagkaroon ng base- militar sa Pilipinas noon ang mga Amerikano ay upang mapangalagaan nila ang kanilang mga interes sa rehiyong ito ng Asya, kaya nga hanggang ngayon ay may base-militar pa rin sila sa Okinawa, Japan. Malas lang nila dahil napatalsik sila noong panahon ni Erap Estrada. Ang ginawang paraan na lang upang maparamdam ang kanilang presensiya sa rehiyon ay ang pagkaroon ng taunang joint military exercises na nakapaloob sa isang tratado na kinukuwestiyon naman ng mga makabayang sector. Ngayon, ang pinakamasakit na black-eye nila ay ang kabiguang maunahan ang mga Tsino sa West Philippine Sea. Akala nila kasi ay hanggang pagnenegosyo at pamemeke lang ang alam ng mga Tsino. Dahil sa mga pangyayari, napatunayang hindi pala ganoon kagaling ang Amerika, na nagbigay ng kahulugan sa kasabihang, “matalino man daw ang matsing ay napaglalangan din!”

Discussion

Leave a response