0

Ang Pakikinig...sining at kakayahang nawawala na

Posted on Wednesday, 15 July 2015

Ang Pakikinig
…sining at kakayahang nawawala na
Ni Apolinario Villalobos

Ang pakikinig ay isang sining at kakayahan, subali’t sa panahong kasalukuyan, nawawala na ang mga nabanggit na pantukoy  dahil ang mga tao ay nagkakanya-kanya na ng mundo…halos wala nang panahong makipag-usap sa isa’t isa. Kung makipag-usap man, nagmamadali kaya hindi pa man umiinit ang puwet sa inupuan ay nakatayo na agad at nakaakma nang umalis.

Siguro ginawang dalawa ang tenga ng tao upang para sa mga ayaw magtago o magtabi ng mga napakinggan ay pwedeng palabasin ang mga ito sa kabilang tenga. Mayroon din sigurong mga tengang hindi nililinis palagi upang matanggalan ng tutule kaya ang mga sinasabi sa kanila ay hindi nakakapasok. At mayroon pa rin sigurong maraming liku-liko ang loob ng tenga kaya hindi naiintindihang masyado ang sinasabi sa kanila, kaya iba ang mga ginagawa sa mga dapat ay pinapagawa.

Ang isa pang dapat mangyari ay manimbang ang isang nakarinig ng mga kuwentong hindi maganda kung ito ay ipaparating sa iba o sarilinan na lamang niya. Kung minsan, ang kawalan ng panimbang ang nagiging dahilan ng mga kaguluhan dahil naikakalat ng isang nakarinig ang mga kuwentong dapat ay tumigil na sa kanya. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit ang gamit ng tenga ay magbigay ng balanse sa ating katawan. Dapat malaman na ang isang dahilan kung bakit naduduleng o tabingi ang pagtayo o paglakad ng isang tao ay dahil may diperensiya ito sa tenga.

Ang pinakamasaklap ay ang kusang hindi pakikinig ng isang taong nangako pa naman sa simula ng panunungkulan – with a smile!….yan si Pnoy. Ang sinabi niya noon na: “kayo ang boss ko…hindi maaaring hindi ako makikinig sa inyo”, ay walang nangyari. Sa dami ng mga sinabi sa kanya tungkol sa pagka-inutil ng mga tauhan niya, kahit isa ay wala siyang pinakinggan. Ang napapansin ng mga Pilipino ay ang mistulang ugali niya na “sige na lang” kapag Ombudsman ang kumilos tulad ng ginawa nito kay Purisima at nitong huli ay kay Vitangcol. Sa Ingles, ang tawag sa kanila ay mga “sacrificial lamb”, naubusan na kasi siya ng dahilan upang pigilan pa ang desisyon na naibulgar na.



Discussion

Leave a response