0

Ang Nakakalasing na Kapangyarihan at Pera

Posted on Saturday, 4 July 2015



Ang Nakakalasing na Kapangyarihan at Pera
…kasama dito ang “hawi boys” ni Binay
Ni Apolinario Villalobos


Bihirang-bihira ang mga taong nagsimula sa wala ang hindi nalalasing sa kapangyarihan. Ayon sa mga dalubhasa sa sikolohiya, natatanim sa kaisipan ng mga taong ito ang pangarap na kung sakaling magkaroon sila ng pera, kaginhawaan o poder, babawi sila sa pagpapakasaya. Ang malungkot, dahil dito, kadalasan, akala nila may kapangyarihan na sila upang magsamantala sa kapwa. Nagbunga ang ganitong kaisipan ng kasabihan sa Ingles na “what are we in power for”, o sa Filipino na maski biro ay, “magkano ka?” o di kay ay ang “inggit ka lang!”.

Ang mga biglang nagkaroon ng maraming pera, hindi alam kung ano ang gagawin dito, itabi ba sa bath tub? o hihigaan sa kama. Ang mga naluklok bigla sa mataas na pwesto sa pamahalaan, biglang nagkaroon ng sangkaterbang bodyguards o mga hawi boys, hindi na malapitan o makalabit man lang ng mga dating kaibigan. Yong mga napapagsabihan tungkol sa kanilang masamang gawi, sumasagot ng “hintayin ninyo ang panahon ninyo”.

Yong mga hindi naman talaga pansinin dahil sa pangkaraniwang hitsura, kulay ng balat na animo ulekba, biglang naging gwapo o magandang babae. Ang pangong ilong, naging cute, ang magaspang na balat naging smooth. Talaga din namang dahil sa pera o poder, sila ay naging gandang Pilipina o gwapong Pilipino. Hindi na sila maitim, kundi morena o moreno na, ibig sabihin ay brown – kulay Pilipino. Upang mapansin sa mga okasyon, ang mga may kapandakan, kailangang magkaroon ng malawak na espasyo sa paligid nila at dito pumapapel ang mga hawi boys, kasi kung walang espasyo, sila ay lulubog at ni buhok  nila ay hindi makikita.

Merong mga ganitong taong dahil sa sobrang “kalasingan” sa kapangyarihan, sa simpleng di pagkakaintidihan kaya hindi napagbigyan sa gusto, ay buong kayabangang magtatanong, “hindi mo ba ako kilala?” Sila yong mga may lakas ng loob na pumapasok sa mga kalyeng one way. Sila yong nagpipilit lumabas sa mga gate ng exclusive subdivisions na may oras ang gamit. Sila yong nambubulyaw ng mga reporter na nagbo-broadcast ng kanilang mga kasalanan.

Kung wawariin, may mga namumuno na talagang napakayaman pero ang pinagsimulang pera ay galing sa maliit na negosyo lamang at hindi yaman ng pamilya. Tulad ng isang naging mayor ng isang lunsod na nagsimula sa pagtinda daw ng lugaw. Masipag daw sa pagtinda ng lugaw…naging mayor at noon daw nagsimula ang kanyang swerte. Minahal siya dahil sa mga itinatag daw niyang maraming foundation na namamahala daw sa pagtulong sa mga mahihirap. Pero ang tanong ng marami ay kung paano yumaman ang pamilya niya? Sa pagtinda daw ba ng lugaw?  Kung totoo ito, talaga din namang nakaka-inspire!

Matalino talaga ang Diyos dahil gumagawa Siya ng paraan upang mabunyag ang gawaing hindi maganda. Tulad na lang ng kasong Napoles na dahil sa sobrang pagdududa ng isang ginang Napoles na siya ay naiisahan sa ginagawa niyang kamalasaduhan, nagawan niya ng hindi maganda ang isa niyang empleyado at kamag-anak pa, kaya sa bandang huli ito ay pumalag at siya (Napoles) ay isinuplong.  

Sa isang bagong pangyayari naman, sa loob ng Dasmarinas village, isang exclusive na subdivision, nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng convoy ni Mayor Junjun Binay ng Makati at mga guwardiya ng subdivision. Gustong lumabas sa isang gate ang grupo ni Mayor pero hindi pinayagan dahil lampas na sa oras ng itinakdang paggamit nito. Sinabihan sila na gamitin ang talagang gate para labasan ng mga galing sa loob ng subdivision. Subali’t hindi pumayag ang grupo ni Mayor Binay, may isa pa siyang bodyguard na kumasa ng baril. Ang pinakamatindi, nagtanong daw si mayor sa mga guwardiya ng ganito: hindi nyo ba ako kilala? Tumawag ang grupo ni mayor ng mga pulis Makati at dinampot ang mga guwardiya, dinala sa presinto. Hindi man lang kumibo si senadora Nancy Binay na kasama sa convoy. Nakatira siya sa subdivision kaya dapat alam niya ang mga patakaran. Hindi totoo ang balitang hindi namukhaan ng mga guwardiya si mayor Binay dahil may kadiliman sa lugar, kaya nagtanong pa siya kung kilala ba siya o hindi.

Ang pangyayari ay pinagpiyestahan sa social media - lahat ng komento laban sa mga Binay. Sa halip na gumitna, pinanigan pa ni vice-president Binay ang ginawa ng anak. Kaya tuloy narinig sa radyo ang sinabi ng isang broadcaster na noon daw bago pa lang ipinatupad ang batas na pagbabawal sa paggamit ng wangwang, dumaan daw ang convoy ni vice-president sa isang one way na kalye. Nang ibinalita ito ng isang babaeng reporter, pinagalitan daw siya ni vice-president.  Marami ang nakakapansin na sa mga opisyal ng gobyerno, si vice-president Binay daw ang may pinakamaraming bodyguards, talo pa ang presidente. Pati ang pambulyaw din daw ni senador Nancy sa isang guwardiya ay naungkat. Pangkaraniwan na daw sa kanila ang magtanong ng “hindi mo ba ako kilala” tuwing may makaalitan. Marami tuloy ang nagtatanong na kung ngayong hindi pa daw presidente ang nakakatandang Binay, paano na kung talagang presidente na?

Nang minsang ako ay mag-emcee sa isang maliit na okasyon sa SM Mega Mall nakaranas ako ng mapait na karanasan sa mga hawi boys ni vice –president Binay na noon ay mayor pa lang ng Makati. Habang hinihintay ko ang ibang bisitang darating, nakatayo ako sa halos dalawang dipa lamang ang layo mula sa pagdadausan ng okasyon. May dumating na mga naka- short sleeved barong tagalog na mga lalaki - humahangos. Pinapaalis ako sa aking kinatatayuan dahil darating daw si mayor Binay. Nagreklamo ako, sabi ko, kung dadaanan si mayor, maluwag naman, at dagdag ko pa, mag i- emcee ako sa isang okasyon na hindi kalayuan, sabay turo sa lugar na may mga upuan. Bisita din pala si mayor Binay. Hindi man lang humingi ng pasensiya ang mga hawi boys maski napahiya sa inasal nila. Tiningnan lamang ako ng matalim…kaya hindi na ako nagulat sa bagong pangyayari sa Dasmarinas Village.

Kung yong kawawang pulis sa Tacloban na nagbanggit lamang ng numero bilang pagtaya kung ilan ang namatay sa Tacloban dahil sa bagyong Yolanda ay tinanggal sa pwesto, bakit hindi gawan ng karampatang aksyon ang pamunuan ng pulisya sa Makati na humuli sa mga guwardiya ng Darmarinas village, upang magsilbing aral sana sa iba pang mga pulis na hindi yata alam ang dapat gawin? Talagang bulag ang hustisya!

Dahil sa pangyayari sa Dasmarinas Village, siguradong magkakaroon ng dugtung-dugtong na mga rebelasyon tungkol sa tunay na kulay ng mga Binay. Ito lamang ang hinihintay na pagkakataon ng mga kalaban nila sa pulitika. Kung ang mga senador na sina Jinggoy Estrada at Bong Revilla ay nadawit sa eskandalo ni Napoles, ano naman kaya ang ipapalabas tungkol sa mga Binay? Tungkol din kaya sa kanilang yaman at mga properties? Paanong nagkaroon? at saan galing? Mag-abang na lang tayo…tiyak marami ang lalantad.

Sa ganang akin, kung nagkataong tumakbo at nanalo bilang presidente si Binay…na ibinoto ko dahil bilib pa naman sana ako sa kanya, at saka pa lang nagkabistuhan ng tunay na kulay, baka i-untog ko ang ulo ko sa pader!

Pasalamat tayo sa Panginoon at nagkaroon ng insidente sa loob ng Dasmarinas Village – dahil sa pahamak na gate…




Discussion

Leave a response