Ang Ulap at Pangarap
Posted on Tuesday, 7 July 2015
Ang Ulap at Pangarap
Ni Apolinario Villalobos
Sa kalawakan, nakakatuwa silang masdan
Lumulutang, animo bulak, iba’t- ibang anyo
Sa isang iglap ay napakabilis ng pagbabago
Bigay ay ligaya sa nakakaramdan ng siphayo.
Sa kalawakang maaliwalas at kulay bughaw
Animo ay mga gasa at mangilan-ngilan lang
Kaya’t sa kanilang kalat-kalat na kanipisan –
Langit ay mistulang hubad kung pagmasdan.
Mga puting ulap, minsan ay nagkukulay abo
Badya ay masamang panahon, bagyo’t ulan
Sa kapal, kalawakan nama’y nalalambungan
Na nagdudulot ng pagkulimlim sa kalupaan.
Ganyan din ang buhay, mayroong mga ulap -
Sila’y pangarap, maraming hugis, kaaya-aya
Silang sa buhay natin, ang dulot ay pag-asa
At sa bawa’t tao, mga hugis nila ay magkaiba.
Subali’t kung mamalasin ang isang nangarap
Ang magandang hugis nito’t kulay ay nag-iiba
Nagiging abo, nalulusaw, hanggang mawala –
Na sa kalooban ng iba, ang dulot ay panghihina.
Subali’t hindi dapat manimdim ang nakaranas
Dahil may kasabihang sa kabila nitong mga ulap
Ay may pag-asang nakalaan para sa ating lahat –
Basta magtiyaga upang matamo ang pangarap!
Discussion